Lumaking Buhay Prinsesa ang Dalaga, Matapos Niyang Maagang Magpabuntis ay Impyerno ang Dinanas Niya
Lumaking buhay prinsesa si Cindy, dahil na rin sa palaging pagsunod ng kaniyang ina sa kagustuhan niya ay hindi siya natuto ng kahit na anumang gawaing bahay. Hindi ito pumapayag na pakilusin siya sa bahay dahil sa siya ay nag-iisang babaeng anak.
“Ako na diyan Cindy, wag ka nang maghugas ng plato baka gumaspang ang kamay mo.”
“Okay mama.”
Pabor naman ito sa kaniya dahil di hamak na napakatamad rin naman niya. Inuubos niya ang kaniyang oras sa pagse-cellphone at paglalakwatsa kasama ang mga kaibigan. Yun nga lang ay napasama siya sa mga kabataang may masasamang impluwensya. Maaga siyang natutong makipag-inuman at makipag relasyon, hindi nga inaasahang nabuntis siya ng nobyo.
“Mama sorry! wag niyo po ako palayasin.”
“Hindi ka nag-iisip. Pinalaki kita na may magaan na buhay, ni hindi kita pinapakilos dito sa bahay, tapos ano? Nagpabuntis ka na!” Naluluhang sigaw nito.
Sa sobrang galit ng ina ay pinalayas siya, hindi rin siya kinausap nito mula noon. Wala siyang nagawa kundi ang makisama sa bahay ng lalaki kung saan nagsimula ang delubyo ng kaniyang buhay.
“Aba hindi pwede ang tatamad tamad dito, kailangan ay kumilos ka rin,hindi ka bisita.” wika ng nanay ng kaniyang nobyo.
“Sorry po, hindi po kasi talaga ako marunog magsaing, ako na lang po maghuhugas ng plato.”
“Papabuntis ka wala ka palang alam sa bahay, pano ka mag-aalaga ng bata niyan.”
Wala siyang nagawa kundi pag-aralan ang pagluluto, paglalaba, pamamalantsa, paglilinis at lahat ng gawaing bahay. Kailangan niyang makisama dahil nakikitira lamang siya. Kahit hirap na hirap na ay hindi niya magawang magreklamo.
“Mama, sorry na. Sunduin niyo na po ako.” bulong niya sa sarili.
Halos araw-araw siyang umiiyak sa hirap na dinaranas, nariyang lumuluha na siya sa paglalaba dahil nananakit na ang kaniyang likod, kasabay pa nito ang pagpaparinig ng kaniyang hilaw na biyenan. Hindi rin naman siya natutulungan ng nobyo dahil ito ay madalas na umaalis para mag-hanapbuhay.
Sa kaniyang panganganak ay sorpresang dumating ang kaniyang ina. Hindi nito matiis na hindi siya samahan sa araw na iyon. Mahigpit niya itong niyakap at paulit ulit na humingi ng tawad. Ramdam naman nito ang bigat at hirap na pinagdaanan ng anak dahil sa walang tigil nitong pagluha.
Makalipas ang ilang oras ay ipinanganak niya ang anak na babae.
“Ang ganda ganda o, kamuka mo sya Cindy.” wika ng kaniyang ina.
“Oo nga ma, mana siya sayo.” sagot niya.
Sa pansamantalng paglabas ng kaniyang nobyo sa kwarto ay ikinuwento niya sa ina ang lahat ng pinagdaanan.
“Pasensya ka na anak, sobrang galit ko ay hindi kita na-kamusta man lang.”
“Naiintindihan ko naman po, pero kinaya ko ma, para sa baby ko.”
Kinausap ng kaniyang ina ang kaniyang nobyo na muli niyang kukunin si Cindy upang maalagaang mabuti ang mag-ina. Sumang-ayon naman ito dahil alam nitong mas makakabuti para sa kanila ang desisyon ng kaniyang ina.
“Ang totoo ay naawa na po ako kay Cindy, palagi siyang umiiyak. Ilang beses na nga rin po akong pinapalayas ng nanay ko.”
“Maari mo naman silang dalawin sa bahay kahit kailan, gusto ko din sanang tapusin niya ang kaniyang pag-aaral. At kung makakaipon kayo ay saka kayo magpakasal.”
Ganun na nga ang napagkasunduan nila at muling bumalik si Cindy sa eskwela. Sa dami ng leksyon na kanyang natutunan ay mas pinagtuunan niya ng pansin ang pag-aaral at pag-aalaga sa kaniyang anak. Lubos naman siyang nagpapasalamat sa kaniyang magulang sa pangalawang pagkakataon na ibinigay sa kaniya. Nang makatapos siya sa kolehiyo ay agad na siyang nagpakasal sa nobyo.
“Gusto kong lumaki ang anak natin na may buong pamilya, Cindy papakasalan mo ba ako?” sabay labas ng isang singsing.
“Oo naman, mahal na mahal ko kayo ng anak natin.”
Ibinigay naman ng kaniyang magulang ang basbas sa kaniyang pagpapakasal, matapos nito ay bumukod na sila bilang pamilya. Natutunan ni Cindy na wala ng mas hihigit pa sa pagmamahal ng isang ina, dahil siya rin man ay sobra ang pagmamahal para sa kaniyang anak.
Anumang pagkakamali ng isang anak ay paulit ulit itong patatawarin ng magulang, kahit ano pang tigas ng ulo at pagsuway ang gawin nito ay hindi mababawasan ang pagmamahal ng isang ama at ina.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!