Inday TrendingInday Trending
Hiniwalayan ng Babae ang Nobyong Construction Worker, Nang Muli Silang Magkita ay Milyonaryo na ang Lalaki

Hiniwalayan ng Babae ang Nobyong Construction Worker, Nang Muli Silang Magkita ay Milyonaryo na ang Lalaki

Si Mario at Nancy ay magkasintahan. Kinailangang huminto ni Mario sa pag-aaral upang tulungan ang kaniyang ama sa pagtatrabaho. Na-stroke kasi ang kaniyang ina at malaking gastusan ang kailangan nilang punan.

Marami pa siyang mga kapatid na dapat pag-aralin. Pinili niyang maging construction worker upang makasama sa kaniyang tatay sa pagtatrabaho. Hindi nagustuhan ni Nancy ang ginawang desisyon na ito ni Mario.

“Kailangan kong gawin ito dahil wala na ipapaaral sa akin si tatay. Isa pa kailangan ko nang tumulong sa mga gastusin lalo na at mahaba-habang gamutan ang kailangan ni nanay.”

“Construction worker? Ano na ang mangyayari sa mga pangarap natin? Nakakahiya.” galit na wika ni Nancy.

Tuluyang iniwan ni Nancy si Mario. Sobrang siyang nalugmok sa kalungkutan ngunit wala naman siyang magagawa dahil kailangan rin siya ng kaniyang pamilya.

Hindi agad sinukuan ni Mario si Nancy. Sinubukan niya pa rin itong suyuin at pinangako niya rito na kahit maging construction worker lang siya ay itataguyod niya ang kanilang magiging pamilya.

Ngunit ayaw na talaga siyang balikan ni Nancy. Mataas kasi ang pangarap ng babae para sa sarili at alam niya na maghihirap lamang siya sa piling ni Mario.

Lumipas ang limang taon at nakapangasawa na si Nancy ng isang mayamang negosyante. Nakuha ni Nancy ang lahat ng naisin niya. Mabait sa una ang kaniyang napangasawa ngunit kalaunan ay nakita niya ang totoong ugali nito.

Sinasamba ng lalaki ang pera. Mas importante iyon para dito kaysa sa sariling pamilya. Nang nagkasakit ang magulang ng asawa ni Nancy ay hindi man lamang nagawa ng lalaking dalawin ito sa ospital, katuwiran nito ay may mga doktor naman na titingin sa matanda.

Lumipas pa ang mga taon ay tuluyan silang naghiwalay dahil nawalan ng oras kay Nancy ang asawa. Nananakit na rin ito lalo kapag stress sa trabaho. Minabuti na ng babaeng makipaghiwalay at kunin ang mga bata.

Si Mario naman ay nagpatuloy maging isang construction worker. Sinuwerte siya ng makapag-gawa siya ng bahay ng isang kabaryo na may asawang Australyano. Nagustuhan siya ng Australyano dahil sa sipag at linis niyang gumawa ng bahay. Isa pala itong negosyante sa Australia.

Isinama siya nito at binigyan ng trabaho. Doon na nagsimula ang magandang buhay ng lalaki. Maayos ang kaniyang naging trabaho at nakapag-ipon siya ng sapat para sa pamilya.

Malaki na ang ipinagbago ni Mario. Napagtapos niya ang kaniyang mga kapatid at nakapagpagawa rin siya ng magandang tirahan para sa mga magulang. Nang makaipon na siya ng milyon ay nagtayo na ng sariling construction firm sa Pilipinas at naisipan na niya na umuwi upang maasikaso ang negosyo.

“Nancy? Ikaw ba yan?” tanong ni Mario.

“Mario? Teka? Hindi nga? Mario!” sagot ni Nancy.

Nagkasalubong si Mario at Nancy sa parking lot ng isang hotel. Malaki na ang ipinagbago ng lalaki. Kitang-kitang nagtagumpay na ito sa tinahak sa buhay. Mas naging gwapo, matipuno at mukhang mabango pa, malayo sa dating Mario na iniwan ni Nancy. Ang babae naman ay maganda pa rin ngunit halata sa mukha nito ang lungkot.

“Kamusta ka na? Matagal tagal na rin tayong hindi nagkita ah.” tanong ni Mario.

“Ayos naman ako, ito nga pala ang anak ko.” sagot ni Nancy.

“Aba, malaki na pala. Nasaan naman ang maswerte mong asawa?” wika ni Mario.

Nagsimulang ikwento ni Nancy ang nangyari sa kanila ng mister. Nalungkot si Mario ngunit wala na rin naman itong magagawa dahil iyon ang pinili ni Nancy.

“Kung sa akin ka na lang sana, edi sana.” biro ni Mario.

“Wag ka nga magbiro ng ganiyan, baliw.” sagot ni Nancy.

Habang sila ay nagkukwentuhan sa tabi ng kanilang mga sasakyan ay may biglang lumabas sa elevator.

“Hi Hon, pasensya ka na ha. Natagalan ako sa meeting.” sabi ng isang magandang babae.

“Ok lang Hon. Siya nga pala, pakilala ko sa’yo si Nancy. Nancy, siya nga pala si Miriam, fiance ko.”

“Hi Nancy, nice to finally meet you.” sabi ni Miriam. Bumeso pa ito kay Nancy bago tuluyang sumakay sa kanilang sasakyan.

Nagulat si Nancy sa sinabi ng babae. Maganda, matangkad, makinis at mukhang mayaman ang babaeng ito. Bagay na bagay sila ngayon ni Mario. Kitang kita niya ang saya at pagbabago sa buhay ng lalaki. Hindi nawala sa isip niya na paano kaya kung hindi niya ito iniwan? Magiging masaya rin kaya sila? Buo kaya ang pamilya niya?

Naiwan si Mario at Nancy sa labas ng kanilang mga sasakyan.

“Ang suwerte niya sa’yo. Sigurado akong magiging masaya siya sa piling mo.”

“Nancy, actually ako ang ma-swerte sa kaniya. Kasi naniwala siya sa akin noong panahon na kahit ako wala ng tiwala sa sarili ko. Minahal niya ako at tinulungang bumangon noong nawala ang dahilan kong mangarap.” wika ni Mario.

“Sorry Mario. Sorry.” naluluhang wika ni Nancy.

“Huwag ka nang mag-sorry. Ako ang dapat magpasalamat, kasi kung hindi mo ako iniwan, hindi ako magiging ganito kasaya. Huwag ka mag-alala, naniniwala ako na kaya siguro tayo pinagtagpo ay para magkaroon na ng tuldok ang mga nangyari sa ating dalawa. Kaya na rin siguro kita nakita para ako ay makapagpasalamat at tuluyang magpaalam.” wika ni Mario bago tuluyang sumakay sa sasakyan.

Ito na ang kanilang huling pag-uusap. Sinubukan pa ni Nancy na makahanap ng paraan para muling makausap si Mario ngunit siya ay bigo. Nabalitaan na lang ni Nancy na ikinasal na ang lalaki at si Miriam.

Advertisement