Inday TrendingInday Trending
Banda Rito, Banda Roon

Banda Rito, Banda Roon

Araw ng linggo kaya tambak na naman ang mga sinampay sa lugar nila Aling Yvon.

“Mama, tingnan mo yung mga damit ni Basha, ang gaganda!” wika ni Thalia, anak ng ale.

“Sus anak, damit lang iyan. Wala namang narating sa buhay ang babaeng iyan kaya hindi mo kailangang mainggit sa kaniya,” sagot naman ng ale habang nakatingin sa magagarang damit na nakasampay.

“Parang mas malaki pa ang kinikita niya kaysa sa akin. E kung kumanta na lang din kaya ako? Tutal inalok naman niya ako dati,” pahayag pang muli ni Thalia.

“Diyos ko anak, huwag mo sanang sayangin ang diplomang pinaghirapan mo para lamang maging kagaya niyang si Basha. Mas gugustuhin ko pang mag ulam ng corned beef at sardinas araw-araw pero pumapasok naman ang anak ko sa magandang opisina at naipagmamalaki ko pa sa mga tao. Hindi gaya niyang kapitbahay nating iyan. O siya sige na pasok na!” baling ni Aling Yvon sa kanyang anak.

Nagtratabaho bilang sekretarya si Thalia habang bokalista naman sa banda ang bagong lipat na si Basha. Napakagaganda ng mga damit nito araw-araw at hindi pa ito nag-uulit ng pares na sinusuot niya sa loob ng isang buwan kaya naman laging napapansin ng mga kapitbahay ang kaniyang sampay tuwing linggo.

“Basha, lumabas ka nga diyan!” katok ni Aling Yvon sa pintuan ng dalaga.

“Aling Yvon, wala ho si Basha dito nasa salon at nagpapalinis ng kuko,” saad naman ni Nikka, kasama ng dalaga sa bahay.

“Kita mo nga naman, kung ang ibang pamilya ay maghahanda pa lang ng tanghalian ay iyang si Basha ay bwena mano na sa parlor! Hoy, ikaw! Sabihin mo nga diyan sa kasama mo na tigilan ang anak ko sa pagkuha na maging kagaya niya. Dahil kahit na maliit ang sahod ng pagiging sekretarya ay may diploma pa rin ang anak ko at hindi ako papayag na magaya siya d’yan kay Basha na mukhang walang pangarap sa buhay!” baling ni Aling Yvon.

“Teka lang ho, bakit po ba kayo galit na galit sa kaibigan ko?” tanong naman ni Nikka.

“E paano, simula noong lumipat kayo ay wala na kayong ginawa kundi ipaglandakan na ang sarap ng buhay ng isang nagbabanda-banda lang. Ang totoo naman niya’y wala kayong mga ipon, mag isang kahig, isang tuka. Mga walang natapos kaya naman pakanta-kanta lang,” pahayag ng ale.

“Grabe naman ho ata kayo magsalita, Aling Yvon,” wika ni Basha na nasa likuran ng ale. Kanina pa pala ang dalaga doon dahil bumalik ito para sana kuhanin ang kaniyang telepono ngunit napahinto na lamang siya sa sakit ng mga binibitawang pahayag ng ale.

“Anong masakit doon, Basha? Totoo naman ‘di ba? Lubog ka sa utang! Akala mo ba hindi ko alam iyon, akala mo ba hindi alam ng mga tao iyon dito? Pero ito ka ngayon parang prinsesa kung umasta. Sabihin mo nga, saan nga ba napupunta ang pera ng mga babaeng kumakanta sa gabi at hayahay sa umaga?” natatawang saad ni Aling Yvon.

“Hindi ko po alam kung bakit at paano niyo nalaman iyan pero wala na po kayong pakialam pa. Saka isa pa napakachismosa niyo naman po palang lahat. Aalamin niyo na nga lang ang buhay ko e kulang-kulang pa, excuse me nga ho at dadaan ako,” sagot naman ni Basha at saka pumasok ito sa loob ng bahay at pinagsarhan ng pintuan ang ale.

“Bakit ba kasi hindi mo pinapaalam kahit kanino kung ano ba talaga ang buhay mo, kung sino ba talaga si Basha?” wika ni Nikka ng makapasok sila sa loob ng bahay.

“Hindi na kailangan pa Nikka dahil mas maigi nang apihin nila ako ngayon para kapag nakabangon ako ay isasampal ko sa kanila ang lahat,” baling naman ni Basha sa kaibigan.

Dumaan pa ang ilang buwan at ilang taon ay patuloy pa rin sa pagpaparinig ang walang habas nilang kapitbahay na si Aling Yvon. Bukod sa puro utang na palagi nilang naririnig ay madiin din nitong binabangit na walang nararating ang mga taong katulad niya na dinadaan sa pagbabanda pang araw-araw na buhay.

Hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay ni Basha, naglagay ng malaking tarpaulin ang kanilang barangay sa kanilang court kung saan binabati nila si Basha. Hindi para sa pagiging bokalista, kundi sa pagiging top 1 sa nakaraang licensure exam. Ngayon ay isa ng ganap na guro si Basha.

“Ngayon alam na ng lahat kung saan napupunta ang lahat ng pinaghihirapan ko,” pahayag ng babae habang nakatitig sa tarpaulin na nakasabit.

Nag-aaral pala ang dalaga at ang pagbabanda niya ang siyang pinagkukuhanan niya ng matrikula at iba pang gastusin sa pang araw-araw. Napahinto kasi ng halos dalawang taon ang dalaga nang mawala ang kaniyang mga magulang ng dahil sa sunog. Bukod sa nawala niyang magulang ay wala ring natira sa babae, kaya naman pinangako niyang magtatapos siya ng palihim at ibabawi nya ang lahat ng mga panglalait na binabato ng mga tao.

“Hello Aling Yvon,” bati ni Basha sa kaniyang kapitbahay.

“Oo na Basha, ako na ang mali, hindi mo naman kasi sinabi sa akin na nag-aaral ka pala e di sana hindi ko inisip na mga wala kayong pangrap sa buhay. Alam mo na, kapag banda kasi ang kinakalabasan ay banda dito banda roon lang rin ang buhay, kaya pasensya ka na talaga,” paliwanag ni Aling Yvon.

“Sa susunod ho sana ay matututunan niyong huwag manghusga ng kapwa. Hindi sa klase ng trabaho nasusukat ang isang pangrap ng tao, dahil ang iba ay ginagamit lamang ito upang makamit ang nais sa buhay, kagaya ko. Yung pagbabanda ko, bawat boses at bawat paos na nararanasan ko ay pinaghihirapan ko ho magkapera lang at makapag-aral sa gabi o minsan ay sa umaga,” saad ni Basha sa ale.

“Sa mga damit ko naman na lagi niyo na lang binabati, salamat ho. Sa ukay-ukay ko lang ho nabibili lahat ng iyan kaya naman hindi kamahalan, itigil niyo na ho sana ang pagkakalat ng chismis at pangangalaykay sa buhay ko,” dagdag pa nito saka siya umalis.

Napayuko na lang si Aling Yvon dahil sa sobrang kahihiyan. Lahat ng pang-ookray niya sa dalaga ay napalitan ng paghanga at pamumuri nang malaman ang tunay na pinagdadaanan nito sa buhay.

Advertisement