Labing dalawang taon man ang agwat nina Louie at Melinda ay hindi ito naging hadlang upang patunayan ang wagas nilang pagmamahalan. At kahit sa text lang nga daw sila nagkakilala ay alam ng babae na jackpot siya sa kaniyang nobyo, dahil papakasalan na nga daw siya ng lalaki.
“Mahal, uuwi ka na rin naman ng ‘Pinas, gusto ko sana na may sariling bahay tayo kapag nandito ka na,” wika ni Louie sa babae.
“Alam mo mahal naisip ko na rin naman iyan, mga magkano kaya ang magagastos natin kapag nagkataon?” tanong naman ni Melinda.
“Naku, mababa ang isang milyon para makapagpagawa tayo ng bahay. Pasensya ka na dahil isang inutil ang magiging asawa mo, hindi man lang ako makatulong pagdating sa pera. Itong bahay dapat nga ako na ang nagbibigay sayo nito,” malungkot na pahayag ng lalaki at nagtakip pa ito ng bibig habang kausap ang nobya sa telepono na tila ba pinipigilan ang kaniyang pagluha.
“Mahal, huwag ka ngang ganyan. Dahil ni minsan ay hindi ko inisip na inutil ko o wala kang silbi saka itong pera ay pera lang iyan pero yung respeto at pagmamahal mo sa akin, yun ang minahal ko sayo. Kaya kahit na ako na ang mag-akyat ng pera, ako na ang bahala sa lahat ng gastusin ay ayos lang dahil mahal kita,” sagot naman ni Melinda dito.
Mas matanda ang babaeng si Melinda kay Louie at sa kanilang pitong taong pagsasama ay wala pa ring nangyayari sa dalawa. Dahilan kasi ng lalaki na nais muna daw niyang pakasalan si Melinda bago sila magsiping sa kama ngunit tuwing uuwi naman ng babae ay tumitira siya sa poder ni Louie. Kahit papano’y nararamdaman niyang mahal siya ng nobyo, hindi nga naman daw sila tatagal kung lokohan lang ang lahat ng iyon.
Si Melinda na rin ang nagpagamot kay Louie, naputol kasi ang paa nito dahil nadisgrasya sa motor at hindi na nakapagtrabaho. Sa isang sabi, si Melinda na ang bumuhay sa lalaki kaya nga sigurado siya na hindi siya iiwan ng nobyo.
“Louie, hanggang kailan ba matatapos ang pagpapanggap natin? Pitong taon na rin oh, gusto ko na magsama na tayo bilang isang pamilya,” wika ni Isabel, ang lihim na asawa ng lalaki, Kapag umuuwi si Melinda ay nagpapanggap na magkaibigan lamang ang dalawa at nakikitira ang babae sa kanilang pamilya.
“Kaunti na lang Isabel, magpapatayo lang ako ng bahay para doon tayo lilipat. Tapos saka ko iiwan si gurang ha, huwag ka munang magsawa kakahintay. Saka 15 days lang naman ang tinitiis mo kapag nandito siya pero isang buong taon natin pinakikinabangan ang mga pera niya. Kaya kaunting tiis pa,” sagot naman ni Louie.
“E paano kapag iniwan mo na siya ay guluhin niya tayo o ‘di kaya sampahan ng kaso? Baka singilin pa niya tayo sa lahat ng mga perang napadala niya,” wika ni Isabel sa lalaki.
“Alam mo walang pinag-aralan yun si Linda, saka wala na rin siyang kamag-anak. Matandang dalaga na rin kasi iyon kaya baliw na sa akin, isa pa katulong lang naman yun sa ibang bansa kaya walang lakas ng loob yun maghabol sa atin,” kampanteng sagot ni Louie sa babae sabay halik niya sa pisngi.
Lingid sa kaalaman ng nagmamahal na si Melinda ay niloloko lang siya ni Louie simula pa lang noong una.
Hanggang sa lumipas ang anim na buwan at halis tatlong daang libong piso kaagad ang napapadala ni Melinda para sa bahay na ipapagawa ni Louie at sumunod pa nga ang katok ng swerte sa lalaki dahil nanalo ito sa Go Banana ng lotto at 100,000.00 ang kaniyang naging premyo.
“Mahal, baka naman pwede nating pag-usapan ito! Huwag mo naman akong iwan na parang isang basahan lang, pag-usapan natin ito pag-uwi ko ha,” nagmamaka-awang wika ni Melinda sa nobyo.
“Wala na Melinda, tapos na ang lahat sa atin. Ayaw kitang lokohin dahil mahal kita pero kailangan mong malaman na tumitibok na ngayon ang puso ko sa iba. Patawarin mo ako, mahal na mahal kita!” saad pa ni Louie at umiiyak ito habang kausap ang babae.
“Kung sisingilin mo ako sa lahat ng perang napadala mo ay handa akong magbayad, ayaw kong isipin mo na pera lang ang habol ko sayo. Pero ngayon pa lang ay sasabihin ko nang baka matagal akong makabayad sayo,” dagdag pa ng lalaki.
“Hindi, hindi. Hindi mo kailangan magbayad, ang kailangan natin ay mag-usap. Aayusin natin ang relasyon natin Louie, uuwi ako diyan!” sagot pa ni Melinda habang umaagos ang kaniyang luha.
Alam ni Louie na mahihirapan umuwi si Melinda ng bansa at sakto naman hindi pa niya napapagawa ang bahay kaya mabilis silang nakaalis ni Isabel bitbit ang pera at gagamitin nila ito upang magsimula ng bagong buhay.Kampante rin ang lalaki na hindi siya ilalaglag ng kaniyang pamilya at pagtatakpan pa siya ng mga ito.
Ngunit mabilis pa sa alas kwatro at kinaumagahan ay nasa labas na ng bahay ang babaeng si Melinda.
“Paano ka nakauwi ng ganun kabilis?” tanong ni Louie na pupungas-pungas pa.
“Ganun kita kamahal Louie, kaya pag-usapan natin ito!” saad ng babae at saka niya niyakap ang nobyo. Hinalik-halikan at lumuhod pa si Melinda dito.
“Melinda pwede ba, itigil na natin ito! Hindi kita mahal, hindi mo ba iyon nararamdaman na kaya walang nangyayari sa atin dahil hindi ko kayang tumabi sa’yo, ang kunat mo na kaya!” saad ni Louie habang pilit na inilalayo ang babae.
Parang binuhusan ng mainit na tubig ang buong mukha ni Melinda nang marinig iyon at mabilis niyang nasampal ang lalaki.
“Kakasuhan kita sa lahat ng pamemera mo at pinangakuan mo pa ako ng kasal, hayop ka!” bulyaw ni Melinda.
“Bobo ka talaga e ano? Anong ikakaso mo sa akin e magkasintahan naman tayo noon at lahat iyon ay bigay mo. Teka lang Melinda, kusa mong binigay at hindi ko hiningi iyon Magsama ka kung gusto mo tignan lang natin kung may maniwala sayo, bobo ka! Gurang na pero malandi ka pa rin,” sabi ni Louie at saka dinuraan ang babae.
Hindi na natiis ni Melinda ang ginawa sa kaniya, kaya umuwi ito sa kaniyang tiyahin at doon na lang nagpalipas ng sama ng loob. Lumipas ang tatlong buwan at walang narinig na kahit na ano mula kay Melinda.
“Sabi ko naman sayo Isabel e, bobo iyon si Melinda saka matanda na siya para magsampa-sampa pa ng kaso,” wika ni Louie na ngayon ay nasa Maynila na kasama ang kaniyang binubuong pamilya.
“Mabuti na lang talaga at marami kang nakuhang pera sa kaniya,” sagot naman ni Isabel at nagyakap ang dalawa.
Maya-maya pa ay dumating ang pulis at binigyan ng imbestasyon si Louie patungkol sa kasong isinampa ni Melinda sa kaniya.
“Paanong nangyari na nakapagsampa siya e wala namang ebidensya saka krimen bang matuturing ang kusa niyang pagbibigay ng pera noong kami pa?” tanong ni Louie sa pulis.
“Ayon sa aming imbestigasyon ay matagal mo ng niloloko si Melinda at labag din sa batas ang pangakuan ng kasal ang isang babae upang makahingi ng pera. Isa pa, naitago lahat ni Melinda ang lahat ng resibo ng pera na pinapadala niya sayo dati at lahat ng inyong usapan,” paliwanag sa kaniya ng pulis.
Hindi tumagal ang kaso at nakulong si Louie, hindi siya makapaniwala na ang isang babaeng walang pinag-aral at katulong lang daw sa ibang bansa ang magpapasok sa kaniyasa bilanguan.
“Wala man akong pinag-aralan, katulong man ako sa paningin mo pero hindi mo ako maiisahan. Nagkamali ka ng niloko, Louie,” saad ni Melinda sabay dura sa mukha nito.
Masama man siguro ang kanyang naging pakikitungo sa huli ngunit hindi niya ito pinagsisisihan dahil para sa kaniya’y ito na ang bawi niya sa pagmamahal na sinayang lamang ng lalaki.