Utang Para sa Anak, Anak Para sa Utang
Hindi mayaman ang pamilya si Rodrigo, hindi rin naman sila sadlak sa kahirapan. Pero mas madalas na dumadating ang oras na nagigipit sila sa pera ngayong parehong nasa kolehiyo na ang dalawang anak niya na mag-isa niyang iginagapang.
“Pa, kailangan ko po ng pera para bukas. May babayaran po kasi kami sa school,” sabi ni Grace sa ama habang kumakain ng hapunan.
“Ganoon ba? Bukas na ba ‘yan kailangan? Baka pwedeng sa susunod na araw ka na magbayad kasi kailangan ko pa bayaran ang bill natin sa tubig,” sagot ni Rodrigo.
“Hindi na po eh. Baka tanggalin ako sa grupo ‘pag hindi ako nakapagbayad ng contribution ko para sa thesis namin,” sabi naman ni Grace.
“O sige, gagawan ko na lang ng paraan mamaya pagkatapos natin kumain,” malumanay na sinabi ng ama.
Agad na tinapos ni Rodrigo ang kanyang pagkain, pagkatapos ay iniwan niya muna ang kanyang dalawang anak na sina Grace at Fernan dahil kumakain pa ang mga ito.
“Nagsinungaling ka na naman kay papa. Alam mo nang gipit tayo, gumagawa ka pa rin ng paraan para malubog tayo sa utang,” wika ni Fernan habang patuloy ang pagkain.
“Anong nagsisinungaling? Sabing kailangan nga para sa school ko yun e!” pikon na sagot ng dalaga.
“Hindi mo kailangan na magsinungaling sa akin, nakita ko yung cellphone mo habang nasa banyo ka. Gagamitin mo lang yung pera para pang gala mo sa beach kasama ng mga kaibigan mo,” galit na sagot ng lalaki habang naka-tingin sa mga mata ni Grace. Hindi na ito sinagot ng dalaga at umalis nalang sa harapan ng la mesa, iniwan nito ang plato nito kaya si Fernan na ang kusang naghugas ng mga pinagkainan.
“Makakarma ka rin sa mga ginagawa mo,” bulong nito sa sarili habang pinupunasan ang mga hinugasang plato.
Mag-aalas dyes na ng gabi ng makarating si Rodrigo sa bahay ng kanyang kumpare na si Maro. Agad niyang kinatok ang bahay nito para makasiguradong gising pa ang kaibigan.
“Tao po! Maro! Gising ka pa?” pasigaw na tanong nito habang patuloy ang pagkatok sa pintuan. Agad naman itong binuksan ng kanyang kaibigan.
“Oh Rodrigo, pasok ka. Bakit ka pala naparito?” tanong ni Maro habang yinayayang pumasok ang kaibigan.
“Pare, manghihiram ulit sana ako sa iyo. Ito kasi si Grace ang dami ng bayarin sa school nila para sa mga project. Di kasi malaki yung sinahod ko ngayon kaya na-short na naman ako,” sagot ni Rodrigo. Bihira rin kasi ang tanggap ng gaya niyang construction worker sa panahong ng tag-ulan.
“Ah ganoon ba? Sige. Maupo ka lang d’yan. Kukunin ko lang yung wallet ko. Alam mo naman na basta para sa maganda kong inaanak, handa akong tulungan ka,” nakangising sagot ni Maro habang humahakbang papalayo kay Rodrigo.
Makalipas ang ilang minuto ay bumalik agad si Maro at iniabot ang maliit na envelope sa kaibigan.
“Pre, tanggapin mo. Sampung libo lang ‘yan kaya sana maintindihan mo,” sabi ni Maro. Agad itong tinanggap ni Rodrigo at nagpasalamat. Habang paalis na siya ng bahay ni Maro ay narinig niya muli ang tinig nito.
“Ikamusta mo na lang ako sa inaanak ko ah,” nakangiting sabi ni Maro.
“Oo naman. Salamat ulit pre, mauuna na ako,” sagot nito sa kaibigan.
Nagmadaling umuwi si Rodrigo kaya wala pang alas dose ng gabi ay nakauwi na agad ito. Naabutan pa niyang gising ang kanyang mga anak kaya nilapitan niya agad si Grace para kausapin.
“Grace, baka pwede na itong limang libo para sa thesis mo? Nanghiram lang kasi ako sa kumpare ko. Kailangan ko pa ring bigyan ang kapatid mo,” sabi ni Rodrigo habang iniaabot ang pera sa anak.
“Papa baka pwede mo na gawing pitong libo, baka kasi kulangin ako,” pagmamakaawang sagot ng anak nito.
“Ok na yan pa, sigurado naman ako na magagawan na nang paraan ni Grace na pakiusapan ang mga kagrupo niya,” singit ni Fernan habang nakatingin ng masama sa kapatid.
Wala nang nagawa si Grace kundi ang kunin ang iniabot na pera ng ama. Pagkatapos ay nagtungo na ito sa kanyang kwarto para magpahinga.
Makalipas ang ilang linggo ay nag-iinuman sina Rodrigo at Maro sa labas ng bahay ni Rodrigo. Dahil sa kalasingan ay hindi naiwasan ni Maro na tanungin ang kaibigan tungkol sa pagkaka-utang nito.
“Pare, kailan mo pala ibibigay yung sampung libo ko? Baka kailanganin ko na rin kasi,” hilo-hilong tanong nito.
“Baka pwedeng sa susunod nalang yung utang ko, nakatago pa kasi para pag kailangan din namin, may ilalabas ako,” sagot naman ni Rodrigo habang tinutungga ang natitirang alak sa la mesa.
“Ganito na lang, pagbigyan mo na lang ako sa hiling ko. Pagkatapos, kalimutan mo nang may utang ka sa akin?” nakangising sinabi ni Maro. Dito pa lang ay alam na ni Rodrigo ang hihilingin ng kaibigan subalit nanatili itong tahimik dahil alam niya ang tulong na ibinigay ng kanyang kumpare.
“Hayaan mo akong tabihan ang dalaga mo sa taas ngayon tutal mahimbing naman na tulog niya. Pagbigyan mo lang ako, isang oras lang, baka nga wala pa. Maniwala ka, pagkatapos mo akong pagbigyan, bayad ka na sa utang mo,” naka-ngiting sinabi ni Maro.
Napayuko nalang si Rodrigo sa sinabi nito dahil kahit na naitabi na niya ang pambayad sa kaibigan, nag-aalangan pa rin siya baka kailanganin niya bigla ang pera na hiniram niya. Dala na rin ng pagkalango sa alak, napatungo na si Rodrigo. Senyas na pumapayag na ito sa alok ng kaibigan. Agad naman na tumayo ang kaibigan nito at tumungo sa loob ng kanilang bahay. Dumiretso ito sa kwarto ng anak niyang mahimbing ang tulog.
“Papa! Tulong! Papa!” sigaw ng anak nito na si Grace habang nagpupumilit na kumawala sa yakap ni Maro. Biglang nagising ang diwa ng ama nito at nahulasan sa pagkalasing, nagmadaling pumunta sa kwarto ng anak dala-dala ang pera ng kaibigan.
“Kunin mo na ang pera mo! ‘Wag na ‘wag mong hahawakan ang anak ko! G*go ka!” sigaw nito pagkatapos hatakin ang kaibigan papalayo sa anak. Nagulat si Maro sa ginawa ng kanyang kaibigan subalit wala itong nagawa kundi pulutin ang pera binato nito sa sahig.
Umalis ito agad pagkakuha na pagkakuha ng pera. Dala ng takot na makasuhan, nabalitaang lumipat na ito ng tirahan at hindi na muling nagpakita pa.
Kinausap naman agad ni Rodrigo si Grace para humingi ng tawad.
“Patawarin mo ako anak, hinding-hindi kita kayang ipagpalit para sa salapi,” banggit nito sabay yakap sa anak.
“Papa, sorry din po,” umiiyak na sagot ni Grace sabay pag-amin sa lahat ng kasinungaling sinabi niya sa kanyang ama.
Nangako si Grace na hinding-hindi na uulit pa sa ginawang pagsisinungaling, at nangako naman si Rodrigo na hinding-hindi na magpapakalasing upang maiwasan ang mga ganoong pangyayari.