Inday TrendingInday Trending
Mukha Kang Pera Tibo

Mukha Kang Pera Tibo

Isang taon pa lamang na nagsasama ang tibong si Joy at ang may edad nang si Miriam nang mabaldado ang huli dahil sa sakit na diabetes. Ang totoo niyan, hindi naman talaga ito minahal ni Joy. Nagpanggap lang ang tibo dahil alam niyang mapera ang babae- palaging nakakatanggap ng padala mula sa mga anak na magaganda ang trabaho, biyuda na ito nang makilala niya.

Grabe siya kung magbait-baitan sa harap ng mga anak ni Miriam, lingid sa kaalaman ng mga ito ay minamaltrato niya ang babae kapag silang dalawa nalang. Sinasamantala niya ang pagiging baldado dahil di naman nito magagawang magsumbong.

“Bilisan mo ang kain at nangangalay ako! Lintik ka!” galit na wika ni Joy, sinusubuan ng kanin at manok ang ginang.

“J-Joy bawal sa akin ang kanin, tataas ang sugar ko..” mahinang sabi ng babae.

Sa sobrang asar ay sinampal ito ni Joy, “Gaga ka rin eh! Namimili ka ng pagkain, ito nalang! Para mabigat sa tyan, busog ka agad. Kaysa bumili ako ng brown rice brown rice na iyan at ampalaya kuno mo, edi sa akin nalang ang pera! Masasayang pa ang kwarta sa lalamunin mong hayop ka.”

Tahimik na napaiyak na lamang si Miriam, hindi niya magawang magsumbong sa mga anak dahil ayaw niya namang abalahin pa ang mga ito sa paghahanap buhay. Alam niya naman na doon sila kumukuha ng malaking perang ipinangtutustos sa kanyang maintenance na gamot.

Nang matapos pakainin ni Joy ang kinakasama ay tahimik niyang iniligpit ang tray ng pagkain. Napasulyap pa siya sa kahon ng alahas sa ibabaw ng mesa sa gilid ng kama ni Miriam.

Isang nakakalokong ngisi ang bumalatay sa kanyang mukha. Paano naman kasi ay kung saka-sakaling matetegi na si Miriam, ang kahon na iyon ng mga alahas ang una niyang pupuntiryahin. Di bale nang wala siyang makuhang pera, doon palang ay jackpot na.

Tila sinuswerte naman siya dahil ilang linggo lamang ang nakalipas ay nangyari nga ang kanyang inaasam- sumakabilang buhay si Miriam.

“Genevieve, hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Mahal na mahal ko ang mama mo. Siya ang naging katuwang ko sa buhay. Kita mo naman na ako ang nag-alaga sa kanya bago siya mawala sa mundong ito..” humihikbi pang sabi ni Joy, pang-FAMAS awards ang acting niya.

Kapani-paniwala.

Nahahabag namang niyakap siya ng mga anak ni Miriam na umiiyak rin.

“Salamat ate Joy at di mo iniwan ang mama namin kahit na baldado na siya.” sabi ng isa.

“Oo naman, siya na ang kalahati ng puso ko. Ang kalahati ng buhay ko. S-Sige na, iwan nyo na muna ako rito sa kwarto dahil nais ko pang namnamin ang presensya niya.” taboy niya, ito na ang tamang panahon para kunin niya ang mga alahas. Hindi mahahalata.

“Sigurado ka ba ate? Kaya mo bang mag isa rito? Para mo namang sinaksak ang sarili mo niyan, ako nga ay ayaw kong naiiwang mag isa dahil naiisip ko si mama..” sabi ni Genevieve, ang panganay.

“Oo sigurado ako. Ililigpit ko rin kasi ang mga gamit ng mama ninyo. Kayo naman ay mag asikaso na sa mga bisita, tiyak kong maraming kamag anak ninyo ang darating.”

Kaunting pilit pa at lumabas na rin ng kwarto ang mga anak. Mabilis na pinahid ni Joy ang kanyang luha, taas ang kilay at ngiting demonyo niyang dinampot ang kahong naglalaman ng mga ginto.

Inilagay niya iyon sa kanyang malaking bag, at nang kalaliman na ng gabi na tulog na ang lahat at kaunti nalang ang nagsasakla, sumibat na siya.

Nag-check in siya sa isang mumurahing hotel. Ba, ano ba naman ang gagastusin niya rito kumpara sa makukuha niya kapag naibenta niya ang mga ginto hindi ba? Hah! Barya nalang ito sa kanya!

Kinabukasan ay dali-dali siyang nagpunta sa pawnshop. Taas noo pa siyang nagsabi sa guard na magbebenta siya ng mamahaling ginto. Nang makalapit sa babae ay inilatag niya ang mga alahas.

“Magkano?” mayabang na tanong niya.

Hindi kumibo ang babae, kinilatis lang ang isang kwintas, tapos ang singsing at bracelet.

“Sorry ho, hindi ho kami tumatanggap niyan.” sabi nito.

“Hah! Anong hindi tumatanggap miss? Kulang na ba ang pera ng pawnshop ninyo? Masyadong marami iyan? Sige na maski iyong kwintas na lang ang ipagbebenta ko.” taas kilay na wika niya.

“Hindi ho sa ganoon. Hindi kami tumatanggap ng fancy, stainless po ang mga iyan.”

“Ano?! Pinagloloko mo ako eh! Nasaan ang supervisor mo? O ang may ari, o kahit sinong hudas na mas mataas sa posisyon mo! Wala kang alam, hindi ka marunong tumingin!” tumaas na ang boses niya, naalarma ang gwardya at lumapit sa kanila.

Maya maya ay isang may edad na ale rin ang lumabas mula sa loob na nagpakilalang may ari, kinumpirma nitong peke ang mga alahas kaya galit na galit na nagwala si Joy. Kinaladkad siya ng gwardya palabas.

Taragis, na-peke na siya ni Miriam at napahiya pa siya. Hindi naman pwede iyon, hindi pwedeng ganoon nalang. Ang lagay, sa hirap ng dinanas niya sa pag aalaga sa walang kwentang baldado ay wala pala siyang mapapala? Ulol!

Malakas ang loob na bumalik siya sa bahay ni Miriam, pakikiusapan niya ang mga anak na bigyan nalang siya ng pera. Magda-drama siya, kahit na ano, basta kailangan may makuha siya.

Nasa tricycle palang ay ini-ready niya na ang pagpapaawa at bago pumasok sa gate ay nangingilid na ang kanyang mga luha.

“Genevieve, Gen? Pare nasaan ang mga anak ni Miriam?” tanong niya sa lalaking nagvi-videoke.

“Nasa loob, may kausap na pulis eh.” sabi nito.

Medyo nagtaka naman si Joy, pero tuloy pa rin. Wala siyang pakialam kung sino ang kausap ng mga ito,dapat ay matupad ang pakay niya. Ang makapanghuthot ng pera.

“G-Gen. Ayaw ko sanang maistorbo ka. Pasensya na ho kayo, kung nawala ako kagabi. Pumunta ako sa Manila Bay at sinubukan kong lunurin nalang ang sarili ko dahil di ko kaya ang pagkawala ng mama mo.

Pero..habang nakapikit ako sa ilalim ay naalala ko ang mukha niya. Para bang napanaginipan ko siya,na ituloy ko raw ang buhay. Magsimula ako ulit.” humihikbing sabi niya.

Mamaya niya na idudugtong ang ‘pahingi ng puhunan sa negosyo’ pag sumakay na ito sa drama niya.

“Ganoon ba? Ate Joy, gaano mo kakilala ang mama?” tanong nito sa kanya.

Nagtaka man ay sumagot na rin si Joy, “Kilalang kilala ko. Mas kilala ko pa kaysa sa sarili ko, siya ang buhay ko.” pabulong na wika niya para mas kapani-paniwala.

“Kung ganoon, alam mo sigurong matalino siya ano? Mahilig siyang magsulat sa diary,” sabi ng babae at iniangat pa ang isang lumang notebook bago nagtuloy sa pagsasalita, “Alam mo rin siguro na hindi siya tanga para ilagay lang sa isang gilid ang mga alahas niya dahil nanakawin mo rin naman iyon,”

Hindi nakasagot ang tibo, naestatwa sa kinatatayuan.

“G-Gen, Simon, ano ito?!” gulat na wika niya dahil bigla na lamang siyang pinosasan ng mga pulis.

“Nang bigla kang mawala kagabi ay kinutuban kami, lalo na dahil wala rin ang fancy na mga alahas ng mama. Medyo mahina ang ulo mo dahil hindi naman siya roon nagtatago ng totoong ginto, pang araw araw na alahas lang ang mga iyon. Display lang.

Pangalawa, nakasulat sa diary niya na nakita namin kagabi ang lahat ng pangmamaltrato mo! Maraming salamat dahil hindi mo na kami pinahirapan pang maghanap, ikaw na ang kusang lumapit!” matapang na wika ni Simon.

Lulugo lugong sumama sa mga pulis si Joy, alam niyang mahina ang laban niya sa kasong isinampa ng mga anak ni Miriam dahil malalakas ang mga ebidensyang hawak ng mga ito.

Kung inakala ng babae na kumikinang na ginto ang naghihintay sa kanya, mali siya dahil malamig na rehas ng kulungan ang hatid ng karma.

Advertisement