Inday TrendingInday Trending
Mama, Bakit Mo Ako Ipinamigay?

Mama, Bakit Mo Ako Ipinamigay?

“Mama gusto ko ng ice cream,” malambing na tugon ng isang batang lalaki sa kanyang ina habang nakaturo sa isang Ice Cream Shop. Ngumiti naman ang ina at binili ang anak ng hinihiling nito.

Napangiti naman si Angelo sa nakita. Kaligayahan niya na talagang makitang masaya ang mga customer na nagpupunta sa mall nila. Ang ama ni Angelo ang mangyari ng mall na kanyang pinagtratrabahuan. Kasalukuyan siyang sinasanay ng ama sa pamamalakad ng kanilang negosyo dahil balang araw ay siya naman ang magmamana ng mga ito.

Nawala ang mga ngiti sa labi ni Angelo ng bigla niyang maalala ang kanyang ina. Labis na kinasusuklaman ni Angelo ang kanyang ina.

Anak lamang sa labas si Angelo ng kanyang ama. Wala itong anak sa kanyang asawa kaya naman kinuha siya nito sa kanyang ina. Binili siya ng lalaki sa kanyang ina sa halagang sampung milyon.

Ito ang dahilan kung bakit labis niyang kinakasuklaman ang ina. Dahil nagawa siya nitong ibenta sa halagang sampung milyon. Araw-araw ay iniisip niya kung yun lang ba talaga ang halaga niya? Sampung milyon. Hindi niya maintindihan kung saan siya nagkamali sa ina.

Oo at mahirap lamang sila pero kahit na ganun ay masaya silang dalawa ngunit isang araw ay bigla na lamang dumating ang isang lalaking nagpakilala na kanyang ama at binigyan ng isang cheke ang kanyang ina sa mismong harap niya.

Napakabata niya pa noon para maintindihan ang lahat, pero hinding-hindi niya makakalimutan ang araw na iyon. Ang araw na pinamigay siya nang kanyang ina kapalit ng salapi. Napakasakit nun para isang batang katulad niya.

Kaya naman lumaki siyang walang emosyon. Hindi na niya magawang makaramdam sa sobrang sakit na pinagdaanan.

“Aray!” sigaw ng isang babaeng muntik niya ng masagasaan. Agad-agad naman siyang bumababa ng sasakyan at tiningnan ang kalagayan nito.

“Naku, miss okay ka lang ba?” magalang niyang tanong sa babae habang inaalalayan itong tumayo. Agad namang napakapit sa braso niya ang dalaga.

“Aray ko! Ang sakit ng paa ko,” pag-angal pa ng dalaga, kaya agad niya naman itong inalalayan papunta sa kanyang sasakyan.

“Sige Miss, dadalhin kita sa ospital,” saad niya sa dalaga na bigla namang tumanggi at nagpahatid nalang sa bahay nito.

“Hindi po kuya okay lang. May hinahabol po kasi ako, pwede po bang ihatid niyo na lamang ako sa amin? Parang awa niyo na po,” pagmamakaawa ng babae sa kanya.

Medyo nagtaka si Angelo ngunit pinagbigyan niya na lamang ito. Lumalalim na din ang gabi at baka mapano pa ito kung hahayaan niya lang. Cargo de konsensya niya pa ito kung sakali.

Tumigil sila sa isang maliit na bahay kubo. Aalis na sana siya agad nang pigilan siya ng dalaga at imbitahin sa loob. Hindi naman siya nakatanggi agad dahil sa pamimilit nito. Mukha naman itong mabait kaya naman pinaunlakan niya na lamang ang imbitasyon.

Maliit lang ang tahanan ng babae. Walang masyadong makikitang mga gamit maliban sa lamesa, mga silya at isang maliit na cabinet.

Natigilan siya ng may makitang isang babaeng nakaratay sa isang higaang gawa sa kahoy. Sinubukan nitong bumangon at napatingin sa kanya.

“Rhea ikaw na ba yan? Anong oras na at ginabi ka na namang bata ka,” uubo-ubo nitong saad.

Natigilan ito ng magtama ang kanilang mga mata. Nanlamig ang kanyang buong katawan at agad siyang napatakbo sa labas ng kubo. Ang laki na ng pinagbago ng itsura ng matanda pero hindi siya maaaring magkamali.

Kilala niya iyon. Ang babaeng pinakasusuklaman niya! Ang babaeng, hindi man niya aminin ay ilang taon niyang ginustong makita at mahagkan. Ang kanyang ina na ipinamigay siya kapalit ng ilang milyong salapi!

Bigla nalang niyang naramdamang may humugot sa kanya at pinayungan siya. Umuulan pala. Hindi niya napansin dahil parang binabagyo ang kalooban niya sa mga oras na iyun.

“Ano ka ba? Kanina pa kita tinatawag. Pumasok ka muna sa loob ang lakas-lakas ng ulan,” bulyaw ni Rhea kay Angelo na halata namang nag-aalala sa kalagayan ng binata. Tumigil ito at hinarap ang dalaga.

“Sino yun?” tanong ni Angelo sa dalaga. Blangko ang mukha ng binata at walang emosyong makikita doon.

Napabuntong hininga ang dalaga, “Ikaw ang sumagot sa tanong na iyan Angelo, sino nga ba siya?”

Naguluhan ang binata at mahigpit na hinawakan ang dalaga sa dalawang braso nito, dahilan para mabitawan nito ang dalang payong at pagkabasa nila.

“Kilala mo ako? Anong alam mo?!” sigaw niya sa dalagang halatang nagulat at natakot sa ginawang pagsigaw ng binata. Pilit niyang tinanggal ang mga kamay nito sa braso niya dahil sobrang nasasaktan siya sa lakas ng pagkakakapit nito.

“Oo,” pag-amin ng dalaga kay Angelo habang nakatitig ng direkta sa mga mata nito. “Kilala kita at sinadya ko talagang magpasagasa kayo kanina. Planado lahat ng nangyari,” hinawakan ni Rhea ang kamay ni Angelo.

“Hindi na magtatagal si Mama. Please, matagal na siyang sabik na sabik sayo,” puno ng emosyong pahayag ng babae. Nakaramdam naman ng galit si Angelo kaya tinabig niya ang kamay nitong nakahawak sa kanya.

“Wow! Mama? Sabik? Sakin? Baka di niya nasabi sayong pinamigay niya ako sa halagang sampung milyon ha?!” natatakot man ay sinubukan ulit ni Rheang hawakan ang mga kamay ni Angelo.

“Wala na akong mga magulang. Si Mama Anne na ang kumupkop at nagpalaki sakin dalawang taon matapos ka niyang ibigay sa iyong ama, ngunit nagkakamali ka kung sa tingin mo ay ginawa niya iyon para sa perang kapalit mo,” umuulan man ay sigurado siyang umiiyak na ang dalaga dahil sa hikbing maririnig sa pagitan ng mga salita nito.

May kinuha itong maliit na kahon sa bulsa at binigay sa kanya. Masama man ang loob ay kinuha parin ito ni Angelo at binuksan. Nasa loob ng kahon ang nakatuping cheke na nagkakahalaga ng sampung milyon. Bigla siyang naguluhan kaya napatingin nalang siya sa dalaga.

“Kahit na kailan ay hindi ka nakalimutan ni mama. Alam mo bang madalas ka niyang dalawin doon sa mall niyo at pinagmamasdan ka lang mula sa malayo. Gustuhin man niyang lapitan ka ay alam niyang wala na siyang karapatan,” hindi magawang maniwala ni Angelo sa mga sinasabi ng dalaga. Pakiramdaman niya ay may isang malaking harang sa puso niya na ayaw maniwala sa mga sinasabi ng dalaga.

“Maaaring hindi mo na natatandaan ngayon pero napakasakitin mo daw kasi noong bata ka pa. Kinakaya niyo naman lahat ni mama kahit na mahirap lang kayo, kaso dumating yung araw na hindi na talaga kinakaya ng mga gamot-gamot lang ang iyong kondisyon,

Sinugod ka noon sa ospital at nag-agaw buhay. Hindi alam ni mama ang gagawin niya. Wala siyang sapat na pera para sa operasyon mo. Wala na rin siyang pamilya kaya wala din siyang ibang malapitan. Doon niya naisip ang iyong mayaman na ama. Masama man ang loob niya, wala siyang ibang magawa kundi tawagan ito at ipaalam na nagbunga ang kataksilang ginawa nila noon.

Masakit man, pero nagmakaawa siya dito. Wala na siyang pakialam sa pride niya. Handa siyang gawin lahat para maligtas ka lamang. Pinagbigyan naman siya ng iyong ama at asawa nito ngunit ang kapalit nga nito ay kukunin ka nila at gagawing tagapagmana sa lahat ng mga negosyo at ari-arian. Kinakailangan niyang kalimutan na may anak siya dahil kapalit ng buhay mo ay ang koneksyon niyong mag-ina,” lumuluhang pahayag ng babae.

Pakiramdam ni Angelo ay nadurog ang puso niya sa mga nalaman.

“Mahal na mahal ka ni mama. Tiniis niya na pagmasdan kang lumalaki mula sa malayo. Ikaw ang buhay niya kaya kahit sobrang hirap na mawalay sayo ay ginawa niya pa rin ang desisyong ibigay ka sa iyong ama, dahil mas gugustuhin niya ng mawalay ka sa piling niya kaysa naman mawala ka talaga sa mundong ito,” hindi na mapigilan ni Angelo na lumuha dahil sa bigat ng kanyang nararamdamang sakit para sa ina.

“Simula ng araw na iyon ay parati na lamang nanghihina ang katawan ni mama. Pero kahit ganun, nagsusumikap siya at lumalaban dahil gusto ka pa niyang pagmasdan, pero Angelo, unti-unti ng bumibigay ang katawan niya. Gustuhin man niyang lumaban pa ay hindi na kaya ng katawan niya,” bigla na lamang lumuhod ang dalaga sa harap ni Angelo.

“Kaya, parang awa mo na,” humahaguhol na pakiusap ni Rhea sa binata. “Pakiusap, kahit ilang minuto lang, kausapin mo naman siya. Samahan mo naman siya. Nagmamakaawa ako sayo.” Hindi alam ni Angelo pero bigla na lamang siyang napatakbo sa loob ng kubo at dahan-dahang lumapit sa babaeng nakaratay.

Sobrang payat na nito pero mahahalata pa rin ang taglay na ganda ng matanda. Nadudurog siya sa nakikitang kalagayan ng ina. Ang maganda at napakabait niyang mama.

Hinawakan niya ang kamay nito kaya nagising ito at napatingin sa kanya. Napakalamig na ng kamay nito.

“Angelo anak,” nagpaunahang bumagsak ang mga luha ni Angelo nang marinig ang mga salitang iyon mula sa ina. Ang tagal niyang hindi narinig iyon. Ang tagal niyang hindi narinig ang boses nito. Ang malumanay at puno ng pagmamahal na boses ng kanyang ina.

“Pagpasensyahan mo na si Rhea ha? Makulit talaga ang batang iyon at ginambala ka pa. Pansensya kana. Ang balak ko sana’y lumisan ng hindi mo nalalaman para hindi ka na masaktan,” hindi siya makapaniwala sa sinabi ng ina.

Napahagulhol nalang siya sa iyak habang umiiling-iling na para bang batang sinasabing ayaw niya.

“Anak,” nagsisimula na ding umiyak ang kanyang ina. “Tumahan kana. Hindi ako karapatdapat para sa mga luha mo. Tumahan kana anak ko,” pagsusumamo ng kanyang ina. Hindi niya na nakayanan at niyakap niya ang ina ng napakahigpit.

“Patawarin mo sana ako sa nagawa ko sayo. Pero kahit ilang beses man maulit ang panahon ay gagawin ko pa rin iyon. Wala akong pinagsisisihan sa ginawa ko. Kung ang kapalit naman noon ay lumaki kang ligtas at malusog. Pero gusto kong malaman mo na ginawa ko lamang iyon para sa ikabubuti mo.

Para mabuhay ka at magkaroon ng magandang buhay. Tingnan mo nga at napakakisig at napakagwapo mo ngayon,” biro pa nito sa kanya.

“Ikaw ang pinakamagandang biyayang natanggap ko mula sa panginoon kaya handa akong gawin lahat para sayo,” dagdag pa ng matandang babae. Natutuwang binalikan ng matanda ang mga alaala nila ng kanyang anak ng ito’y bata pa lamang.

Nararamdaman ni Angelo na nawawalan na ng lakas ang ina. Unti-unti ng lumuluwag ang yakap nito sa kanya.

“Mahal na mahal kita anak,” mas lumakas pa ang hagulhol ni Angelo.

“Mama! Mama, huwag! Wag mo muna akong iwan, mama please! Mahal na mahal kita mama,” paulit-ulit na sigaw ni Angelo habang tinatawag ang ina na para bang maririnig pa siya nito.

Sa huling pagkakataon ay inipon ng matanda ang kanyang lakas upang pigain ang kamay ng anak na nakahawak sa kanya. Pagpaparamdam na naririnig pa niya ito, at huling pamamaalam na din sa pinakamamahal na anak.

May mga pagkakataon na hindi natin naiintindihan ang ating mga magulang. Madalas ay nagagalit pa tayo sa kanilang mga pamamaraan. Pero pakatandaan na kahit kailan ay hindi nila hinangad na mapahamak tayo. Kaya’t may mga sakripisyo sila na malalaki at masasakit sa kanilang kalooban, pero kailangan nilang tiisin para sa ating kabutihan.

Advertisement