Wasak ang Puso ng Binata nang Mabuntis ng Bestfriend Niya ang Babaeng Mahal, Pero Mas Nawindang Siya nang Malaman ang Mas Malaking Sikreto
Napabuntong hininga si Jared paglapag ng paa niya sa airport ng Pilipinas. Tatlong taon na rin ang nakalilipas mula nang umalis siya ng bansa. Akala niya ay nakalimot na siya pero ganito pa rin pala ang pakiramdam, naroon pa rin ang sakit.
Tinanggap niya ang trabaho sa Amerika para malimutan ang paghihiwalay nila ni Erika. Pangalan palang ng babae, kakaibang pintig na ang dulot sa puso niya. Kailan niya kaya ito tuluyang makakalimutan? Napapagod na siyang masaktan.
Dati niya itong nobya, tatlong taon na ang kanilang relasyon at balak niya na itong alukin ng kasal nang mahuli niya itong may kayakap na lalaki. Sobrang higpit, parang dinudurog ang puso niya noon. Nang makita siya ng dalaga mula sa likuran ay nanlaki ang mata nito. Nilapitan siya pero pinagsalitaan niya lang ng masakit.
“Hindi ka makuntento? Mas gusto mo pang makipaglandian sa iba,” matalim na sabi niya bago tumalikod. Narinig niya pang tinawag nito ang pangalan niya pero di na siya lumingon.
Mapait na napangiti siya sa pagbabalik ng mga alaala habang hila hila ang kanyang maleta, natanaw niya ang bestfriend niya na halos magtatalon kakakaway,si Harold.
“Pare! Dito!” sabi nito.Iwinagayway pa ang hawak na karatula.
WELCOME HOME JARED JAMES LAGDAMEO
Kumpletong kumpleto pa ang pangalan niya. Si Harold talaga, puro kalokohan.
“Grabe! Lalong gumwapings ah!” masayang yakap nito.
Pabirong sinuntok niya ang balikat ni Harold,”Ikaw rin. Marami ka nang nabiktimang chicks ano?”
Ngiti lang ang isinagot nito. Nasa Amerika na ang buong pamilya ni Jared at kaya lang siya bumalik rito ngayon ay may aayusin siya sa kanyang mga papeles. Tuluyan na siyang titira sa Amerika.
“Pare naman, gagastos ka pa sa hotel. Sa akin ka na tumira, kami lang naman ng girlfriend ko ang nasa bahay.” offer ni Harold. Na-miss niya rin ang kaibigan, isa pa, wala na siyang ibang babalikan dito sa Pinas kaya pumayag na rin siya.
Ilang minuto lang ay nakarating na sila sa bahay ng kaibigan. Nakaka-proud dahil kahit puro biro si Harold ay nagawa na nitong makapagpundar ng malaking bahay.
“Mamaya ay aalis lang ako saglit, susunduin ko si kumander para makilala mo na rin ha? Feel at home ka lang rito, wag kang mahiyang magbungkal ng pagkain pag gusto mo.” sabi nito sa kanya. Napangiti siya, ngayon niya lang ito nakitang ganito. Seryoso talaga sa girlfriend, itinira pa sa bahay.
Pag-alis ni Harold ay inayos na ni Jared ang maleta niya sa kwartong titigilan niya ng ilang Linggo.
Kung nagkatuluyan kaya sila ni Erika, may bahay na rin kaya silang ganito? Iwinaksi niya sa isip ang dalaga. Hindi niya na dapat iniisip ang mga tulad nito.Ibinigay niya ang lahat pero walang kasiyahan.
Kumusta na kaya siya? piping tanong ng puso niya.
Nagising siya sa pagkatulala nang tumunog ang windchime sa pinto sa ibaba. Ibig sabihin, may pumasok.
Sabagay, malapit lang naman ang opisina ng girlfriend ni Harold. Ang problema, baka nagkasalisi ang dalawa.
Pababa na siya ng hagdan.
“Hi, ako yung kaibigan ni Harold. Nagkasalisi yata kayo kasi kaaalis niya lang susunduin ka raw-” hindi niya na natapos ang sasabihin nang makita kung sino ang nakatayo sa salas.
Si Erika.
“N-nagkasalisi nga yata kami. Hindi ko na kasi siya nai-text na pupunta na ako.Sorry,” sabi nito. Hindi makatingin sa kanya ang babae.
Siya naman ay lumalim ang pagkakakunot ng noo. Hindi kasi ito nag-iisa..may bitbit itong bata.
Siguro ay nasa dalawang taong gulang.
“Ikaw ang girlfriend ni Harold?” hindi makapaniwalang tanong niya. At may anak pa ang dalawa! Pag nga naman pinaglalaruan ka ng tadhana.
Halos matumba siya, buti nalang ay mahigpit ang hawak niya sa hagdan. Di naman lingid kay Harold ang sakit na dinanas niya kay Erika, ito ang kasama niya noong halos mabaliw na siya pero bakit tinalo pa rin siya ng kaibigan?
Umakyat siyang muli sa itaas, kinuha lang ang wallet at muling bumaba. Tiim bagang niyang nilingon si Erika bago lumabas.
“Iba rin ang kati mo sa katawan. Pagkatapos ng ibang lalaki, bestfriend ko naman ngayon.”
Parang piniga ang puso niya nang makitang nangilid ang luha ng babae at nangangatog na nakatayo habang karga ang baby. Pero tiniis niya, sobra na si Erika. Sobrang torture na itong ginagawa sa kanya. Bakit ba kasi bumalik pa siya sa Pilipinas?
Dumiretso siya sa isang bar at nagpakalango. T*nginang buhay ‘to, trip na trip siya.
Ayaw niya na sana pero kailangan niya talagang bumalik sa bahay para kunin ang gamit niya. Magre-renta nalang siya ng hotel. Di niya kayang makisama sa dalawang ahas.
Padabog na kumatok siya sa pintuan ni Harold. Sinalubong siya ng nagtatakang lalaki.
“Pare-huy! Gusto mo palang mag inom, di mo man lang ako hinintay. Ang daya mo,” sabi nito at tinangka siyang akayin.
“Ikaw ang madaya!” bulyaw niya. Ayaw niya mang aminin ay inikot niya ang paningin at hinanap si Erika. Pasaway na puso, bakit ito pa rin ang hinahanap?
Pero napatigil siya dahil ibang babae ang nakita niyang nakatayo sa likod ni Harold. Kunot noo siyang nagsalita, “Pare t*ngina di ka pa rin nagbago. May anak na kayo, pakaayos kana.” Gusto niyang suntukin ang kaibigan.
Kahit galit siya kay Erika, nasasaktan siya ngayon na makitang niloloko lang ito ng kaibigan niya. Lalo pa at may anak ang dalawa.
“Ha?”
“Wag kang magmaang-maangan gago! Bakit nandito siya?!” turo niya sa babae sa likod nito.
“Pare buntis si Monique,kaya dito siya para maalagaan ko sila.Magpapakasal rin kami paglabas ng baby.” sabi nito.
“Tang*na mo pala talagang gago ka eh! Nagawa mo pang mangbuntis ng iba kahit na may girlfriend kana! Ayusin mo-“
“Ano ba ang sinasabi mo? Girlfriend? Si Monique ang girlfriend ko, siya iyong sinundo ko kanina na ipapakilala ko sayo. Pare lasing kana.” sabi ni Harold, kunot na rin ang noo.
Natahimik si Jared.”S-Si Erika? Ano mo siya?”
Nanlaki ang mata ni Harold, “Oh my God. Kaya ka nagkakaganyan, naabutan mo siya rito? Nagkita kayo?”
Hindi siya sumagot.
Naging seryoso ang mukha ni Harold, kinaladkad siya nito sa shower at binuhusan ng malamig na tubig. Itinayo siya nito tapos ay sinapak ng pagkalakas-lakas.
“Bakit mo ako sinuntok?!” nahimasmasang tanong niya.
“Para magising ka! Pare ilang taon kanang nagpapakaduwag! Harapin mo yang dinadala mo sa dibdib mo!” sigaw nito.
Hindi siya makapagsalita. Hinimas niya lang ang panga niyang sigurado siyang namumula na ngayon. “Niloko niya ako. Bakit ako pa ang-“
“Hindi ka niya niloko! Utang na loob Jared, kahit na ngayon lang sana maniwala ka. Yung nakita mong kayakap niya noong gabi, pinsan niya iyon. Bakit ko alam? Nakilala ko yung lalaki! Isinama rito ni Erika noong araw na kaaalis mo lang, halos magmakaawa yung pobre na sabihin ko kung nasaan ka.
Sinabi ko pero huli na. Nahimatay si Erika noon, dinala namin sa ospital tapos..b-buntis pala. Walang wala siya, pinalayas sa kanila dahil nga disgrasyada. T*ngina pre sa sobrang awa ko tinulungan ko financially, nangako siyang babawi pagka-panganak. Ngayon ay may trabaho na siya at unti unti akong binabayaran kaya nagkikita pa rin kami.”
“Ano?” kapos ang hiningang sabi niya. Gumuguhit ang sakit sa dibdib niya at parang puputok ang kanyang ulo sa mga naririnig.
“Ano, gago ka? Nagulat ka ngayon? Tuwing magbabanggit ako ng tungkol sa kanya, ayaw mo akong intindihin. Binuhay niyang mag-isa ang anak nyo. Magkakilala sila ni Monique. Jared, kahit ngayon lang. Magpakalalaki ka.” titig na titig ito sa mata niya.
Tuluyan namang napahagulgol ang binata. Ang gago niya, wala siyang kasing gago. Gusto niyang suntukin ang sarili.
“P-Pare pahiram muna ng kotse mo.” sabi niya. Doon napangiti si Harold.
“Yan! Yan ang kaibigan ko! Maligo ka muna!” tatawa tawang sabi nito, iniabot sa kanya ang susi ng sasakyan at kapirasong papel na nakasulat ang address kung saan nangungupahan si Erika.
Halos paliparin niya ang sasakyan, napakarami niyang sinayang na oras. Grabe ang sakit na idinulot niya sa babae, hindi niya alam paano babawi.Magsisimula siya sa paghingi ng tawad, kung kailangang lumuhod ay gagawin niya.
Alas diyes na ng gabi nang kumatok siya sa harapan ng apartment nito, hindi siya mapakali. Ilang sandali pa ay naramdaman niyang pumipihit ang doorknob. Pero tila ang tagal buksan.
Maya-maya pa ay sumilip mula sa pinto ang batang lalaking kulot ang buhok, bakit hindi niya naisip na hindi naman kulot si Harold? Siya ang kulot!
Pinipigilan niya ang luha nang lumuhod siya para magtapat ang mukha nila ng batang nakatitig lang rin sa kanya. Hinawakan niya ang dalawang pisngi nito.
“Cute,” sabi ng bata. Natawa siya, siya pa talaga ang sinabihan nito ng cute. Hinimas ng maliliit nitong kamay ang mukha niya. “Nose,” turo nito sa ilong niya.
“Yes baby, daddy’s nose..”
Maya-maya pa ay nakarinig siya ng yabag.
“Jaden, kailan ka pa natutong magbukas ng-” napatigil si Erika nang makita siya. Kita niyang bumilis ang paghinga nito.
Hindi tumayo si Jared, sa halip ay naglakad siya ng paluhod palapit rito.
“Jared, lasing ka.”
“Patawarin mo ako Erika. Ang tanga ko. Nagpadala ako sa selos. Hindi ako nagtiwala sa pag ibig mo. Kung..kung nakinig ako sayo hindi sana ako nawalay sa inyong dalawa.”
“Alam mo na?” gulat na sabi ng babae, pinipigil ang maiyak.
“Oo alam ko na. Hindi ako tumigil magmahal sayo kahit ang sakit sakit. Sana wag mong ipagkain kay Jaden ang kumpletong pamilya. Handa akong bumawi sa inyong dalawa.”
“Tumayo ka na dyan.” sabi ni Erika.
Hindi man umamin sa kanya ang babae ng gabing iyon ay ayos lang kay Jared, niligawan niya ito hanggang maghilom ang sugat sa puso ng dalaga. Nag-tyaga siya at naging mabuting ama kay Jaden.
Di nagtagal ay hindi rin siya natiis ni Erika, nagtapat na rin ito ng pag ibig. Wala nang paliguy-ligoy pa, niyaya niya ito sa huwes at pinakasalan.
Ngayon ay abala ang dalawa sa pag aasikaso ng kasal nila sa simbahan. Ang laki rin ng ngiti nila nang malamang muling nagdadalantao si Erika.
Nakangiti si Harold habang minamasdan ang mga kaibigan. “Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan rin pala ang tuloy.”