Inday TrendingInday Trending
Halos Mabaliw ang Beki nang Bawiin Sa Kanya ang Batang Pinalaki Niya, Di Niya Akalaing Kusa Itong Babalik Paglipas ng Maraming Taon

Halos Mabaliw ang Beki nang Bawiin Sa Kanya ang Batang Pinalaki Niya, Di Niya Akalaing Kusa Itong Babalik Paglipas ng Maraming Taon

“Ayan na, sumabog na ang bulkan. Sige anak, push lang nang push!” nakangiwing sabi ni Sweet sa anim na buwang sanggol na nakahiga sa papag niya. Kasalukuyang dumudumi ang baby at bilang magulang ay pinapanood niya ito. Moral support ba.

Herminigildo Dumapaw ang totoo niyang pangalan, isang beki. Sweet na ang naging palayaw niya mula nang mag-binata, mali, nang mag-dalaga siya dahil kamukha niya raw si John ‘Sweet’ Lapuz. Iyong sikat na TV show host at komedyante.

Pareho naman silang komedyante, ang pagkakaiba lang ay siya ang mahirap na version nito. Nabubuhay kasi siya sa pamamagitan ng pag-extra sa parlor at pagho-home service.

“Nami-miss ka na ng mga customer mo. Sabi ko naman kasi sa’yo bakla, mag-full time kana roon. Hindi iyong lulubog lilitaw ka. Magkano nalang ba ang kinikita mo rito sa home service?” sabi ni Aling Chona, kasalukuyan niyang nire-rebond ang buhok nito.

“Hindi nga kaya madir, wititit talaga. Kasi nga ang bagets, walang magbabantay,” sabi niya habang chinecheck ang buhok nito kung may kulubot pa. Kung wala na, pwede nang lagyan ng conditioner at banlawan. Pero mukhang matatagalan, parang walis tambo sa tigas ang buhok ng customer.

“Pabantayan mo sa mga kapitbahay mong walang hanapbuhay! Iyong asawa ni totoy, kaysa nakatambay dyan sa tindahan, gasino nalang bang abutan mo ng sikwenta pesos isang araw. Papayag iyan,”

“Ayoko! Mga balasubas yan eh. Mamaya ibenta pa sa sindikato ang anak ko,”

Natahimik siya sa sunod na isinagot ng ale. “Hindi mo naman kasi anak ang batang yan, papakahirap ka. Pwede ka nang kandidato sa ‘unang baklang pumasan ng krus’ dahil napaka-martyr mo.”

Totoo ang sinabi nito. Ang magaling niya kasing kaibigan, si Annalyn. Sumama rito sa Maynila para magkatrabaho raw. Ang nangyari, inagaw ng hitad ang boyfriend niya. Nang mabuntis ay iniwan rin ng lalaki, anong galit niya sa dalawa pero lumambot naman ang puso niya nang makita ang bata.

“P-Parang awa mo na Sweet, mamamatay ang baby kung sa akin siya titigil. Wala akong ipapakain sa kanya..” natatandaan niyang pakiusap nito.

Walang pag aalinlangang kinarga niya ang sanggol, hindi niya na alam kung nasaan si Annalyn dahil umalis rin ito pero mula noon,itinuring niya nang anak si Baby Diana. Ipinangalan niya pa kay Princess Diana dahil para sa kanya ay ito ang prinsesa niya.

Iyon nga lang, barung-barong ang kanilang palasyo. Gayunpaman ay gagawin niya ang lahat para umayos ang buhay ng bata.

Mabilis lumipas ang panahon at anim na taong gulang na si Diana, grade 2 na ito sa eskwelahang pinapasukan kaya nakakapagtrabaho na ng full time sa parlor si Sweet.

Hindi na siya nag-boyfriend, katwiran niya ay babae ang kanyang anak at mahirap nang magpapasok ng kung sinu-sino sa buhay nila. Bukod doon, nagkaka-edad na rin siya, mag-55 na siya sa isang buwan.

“Ayan. Naka-tirintas ang hair mo, ayokong uuwi ka ritong sabukot ha. Wag kang malikot tsaka wag mong pinagpapansin ang mga classmate mong magaslaw. Bakit, kiti kiti ka ba? Diba tao ka?” bilin niya sa anak at pabirong kinurot pa ang ilong nito.

“Taynay, bakit sabi ng classmate ko bakla ka raw? Ano po ba ang bakla?” litong tanong ng bata.

“Naku hayaan mo siya. Ang importante, mahal kita. Kahit na bakla ako, tao ako, aso, unggoy, kahit maging sabong panlaba pa ako. Mahal kita. Mahalaga pa ba ang ibang bagay?” nakangiting tanong niya.

Natatawang umiling ang bata,”Mahal rin kita Taynay,”

Akala ni Sweet ay maayos na ang lahat, pero gumuho ang mundo niya nang biglang magpakita si Annalyn sa tapat ng barung-barong niya.

“Kukunin ko na ang anak ko. Nakaipon na ako, hindi siya pwedeng lumaki sa ganito ka-dugyot na environment.” nakataas pa ang kilay nito habang nagsasalita. Ang yabang na, palibhasa may kotse.

“Ang malditang ito! Sana naisip mo yan nang iwan mo ang sanggol sa akin, ni wala kang pasa-pasalamat. Para kang nag-iwan ng tuta tapos ngayon dahil nakapag-asawa ka lang ng hapon kukunin mo nalang bigla!” galit na sabi niya. Paipon-ipon pa itong sinasabi, nag-japayuki naman kaya nagka-pera.

Napalitan ng panlulumo ang galit niya nang bumaba sa kotse ang isang may edad na lalaki. Nagpakilala ito bilang attorney, binasa nito sa kanya ang batas na kapag ang bata ay pitong taon pababa, automatic na sa nanay mapupunta. Ipinamukha rin nito na malabong manalo siya kung dadaanin sa korte dahil hindi naman siya ang ama ni Diana. Ni hindi nga siya kadugo nito.

Nag-iiyakan sila ng anak nang haltakin ito ni Annalyn papasok sa kotse.

Halos mabaliw si Sweet, mas masakit pa ito kaysa sa mawalan ng boyfriend. Doble.. tripleng sakit. Walang kasing sakit. Pakiramdam niya ay malaking pitak ng pagkatao niya ang nawala.

Napaluhod siya sa kalsada habang tinatanaw ang papalayong kotse.

Makalipas ang 12 taon.

Mapait ang ngiting nahimas ng 77 taong gulang nang si Sweet ang kalendaryo.

Ika-3 ng Abril, birthday ni Diana niya.

“Ka-ganda siguro ng anak ko, 18 na eh. Bonggang bongga ang gown,” nangangarap na wika niya sa sarili. Nanginginig ang kamay na nagtimpla siya ng kape.

Hindi na niya kayang magtrabaho sa mga parlor, buti nalang ay natanggap pa siya sa barangay bilang taga-walis ng kalsada tuwing madaling araw. Kahit papaano ay may kinakain siya.

Buti nalang rin, mabait ang mga kapitbahay niya na nagbibigay sa kanya ng gamot na maintenance sa high blood niya. May awa talaga ang Diyos, di siya pinababayaan.

“Taynay?”

Malungkot na napangiti si Sweet sa narinig. Hindi na bago ito, palagi niyang naririnig ang boses ng kanyang si Diana. Tiyak niyang guni-guni niya iyon. Ang ibang matanda ay nag-uulyanin, siya naman habang nagkakaedad nagiging ilusyonada.

Pero napahagulgol siya nang makita ang isang dalagang nakatayo sa pintuan ng barung-barong niya. Gumanda ito lalo, halatang may kaya sa buhay pero hinding hindi niya malilimutan ang mukhang iyon.

“Princess Diana ko?” mahinang sabi niya. Medyo nabulol pa siya sa pagkasabi dahil bungal na ang unahang bahagi ng ngipin niya. Walang budget ang bakla para magpa-pustiso.

“Opo Taynay,” umiiyak na sabi ng dalaga habang tumatango. Patakbo siyang niyakap nito.

“Alam kong babalikan mo ako anak ko..Diyos ko po..” hindi magkamayaw na sabi niya.

“Taynay sorry kung natagalan po ako. Hindi ako pinapayagan talaga ni Mommy, sobrang bantay po ang ginagawa nila sa akin. Dinala rin nila ako sa Japan dahil makailang ulit po akong nagtangkang tumakas. Tinakot nila ako na ipakukulong ka raw at kakasuhan ng kidnapping pag pumunta ako sayo.

Kaya nakuntento nalang ako Taynay sa pagpapadala ng konting pera para sa gamot mo. Salamat sa mga kapitbahay na cinontact ako sa Facebook.. pasensya kana po. Baon ko po kasi yan at inipon ko lang, m-malapit na akong maka-graduate.18 na ako, hindi na nila mahahadlangan..” umiiyak na paliwanag nito.

Tigib ang luha ni Sweet, tama ang naging pagpapalaki niya kay Diana. Palibhasa ay pinuno niya ito ng pagmamahal kaya iyon rin ang bumabalik sa kanya.

Sinukuan na rin ni Annalyn ang paglalayo sa dalawa. Na-realize nitong lalo lang lumalayo ang loob sa kanya ng anak. Pinagbuti ni Diana ang pag-aaral, nang magkatrabaho siya ay inilipat niya sa magandang subdivision si Sweet.

Minahal niya ang kanyang Taynay, bumawi siya sa lahat ng panahong di sila nagkasama. Hindi niya alinlangan kung hindi niya ito kadugo, buong puso niya itong inalagaan sa katandaan nito. Tulad nalang ng ginawa nito sa kanya, noong sanggol siya.

Advertisement