Dinispalko ng Dalaga ang Tuition Fee Niya, Tulala Siya nang Malaman ang Sikreto ng mga Magulang
Kinapalan pa ni Kyla ang pagkakalagay ng eyeliner sa mata niya. Terno iyon sa itim niyang dress at boots na hanggang tuhod na sobrang taas ng takong, sure siya na talbog na naman ang mga kaibigan niya sa porma niya. Aba, dumayo pa siya sa H&M sa SM Mall of Asia para bilhin ang outfit na ito.
“Saan ka pupunta?” nakataas ang kilay na sabi ng ate Karylle niya.
“Dyan lang,” nakairap na sabi niya.
“Ano’ng dyan lang? Look at yourself, sobra ang iksi ng dress mo! Dis oras na ng gabi Kyla, uuwi ka na namang lasing panigurado.” sabi ng babae at humarang pa sa pinto.
“Karylle, hayaan mo na siya. Basta anak, ite-text mo kami ng daddy ha? At iingatan mo ang sarili mo, kung gusto mo-”
“Oo na. Narinig mo? Pinayagan ako ni Mommy. Tabi dyan.” sabi niya at tinabig ang kapatid na walang nagawa.
Ang laki ng ngiti niya pagbaba ng taxi, marami kasi siyang dalang pera dahil hindi niya ibinayad ang 45000 na dapat ay tuition fee niya. Gagawan niya nalang ng paraan, madali na namang humingi sa mommy at daddy niya. Isang sabi lang na para sa project, maglalabas agad ang mga ito ng pera.
“Okay girls, mag order kayo ng kahit anong gusto niyo. Sagot ko na.” mayabang na sabi niya.
“Nice! Iba talaga tong friendship natin, buti nakapunta ka? Hindi ka kinontra ng ate mo?” kantsaw ng mga kaibigan niya.
“Ano’ng hindi? Muntik na nga akong hindi makapunta dahil hadlang talaga ang babaeng yon. I don’t understand her, may buhay naman siya. Bakit ako nang ako ang nakikita,” sabi ni Kyla, sinabayan pa ng pagtungga ng alak.
Nang tumungtong siya sa kolehiyo ay maling barkada ang napuntahan niya, masama ang naging impluwensya ng mga ito sa kanya. Natuto siyang mag-bisyo, kahit nga marijuana ay di niya pinalagpas.
Kahit na mabait ang kanyang mga magulang ay nagagawa niyang lokohin ang mga ito. Hindi siya pumapasok sa eskwela at gumigimik palagi.
Habang tumatagal rin ay mas lumalalim ang galit niya sa kanyang Ate Karylle, pakiramdam niya ay ito ang taga-kontra sa pagpapakasaya niya sa buhay. Masama bang mag-enjoy?
Sayang, sobrang close pa naman nila ng ate niya noon. Halos ito na ang bestfriend niya. Iba na ang lahat ngayon.
Wala na tuloy siyang masyadong pinagkakausap sa bahay nila. Palagi niyang dinadabugan ang mga ito at paangil kung kausapin.
Kinabukasan ay masakit pa ang ulo ni Kyla nang yugyugin siya ng ate niya.
“Ano ‘to?!” galit na sabi nito. Inihagis sa mukha niya ang nakatuping papel. Nang buklatin niya ay galing iyon sa eskwelahan, nalintikan na.
Isa iyong letter of reminder na hindi pa siya nakakabayad ng tuition.
“Ano pala iyong binigay mong resibo sa amin? Ibig sabihin niloloko mo kami! Walanghiya ka talaga eh, pinapaaral ka ganyan ang asta mo!”
“Ano bang pakialam mo matindi ka pa kay mama kung mag-sermon eh! Feeling ang p*ta, mind your own business!” nakaangil na sabi niya.
Iyon ang eksenang inabutan ng kanilang magulang. Agad na umawat ang daddy niya.
“Tama na yan. Mag-usap kayo ng maayos, Kyla, magpaliwanag ka sa amin. Iyong totoo lang sana anak,” kalmadong sabi ng matandang lalaki.
Umiiyak ang mommy niya sa isang gilid.
Napakamot siya sa ulo, “Nagastos ko sa gimik ‘Pa eh. Matagal na rin kasi nila akong kinakantsawan kaya nanlibre na rin ako. 45000 lang naman iyon, nakakahiya sa tropa.”
Nagpanting ang tenga ng ate Karylle niya, “45000 LANG? Pinaghirapan ng mommy at daddy yon, ni hindi nakabili ng maintenance sa diabetes si mommy para may tuition ka. Sa tropa mo nahiya ka, sa magulang mo hindi?”
“Tama na Karylle-“
“Hindi eh. Sobra na ‘yang ampon nyo eh.”
Doon natigilan si Kyla, “Ano ang sabi mo?”
“Ano ang sabi ko? Ampon ka! Oo ampon ka! Nananahimik kaming nabubuhay rito, anak ka ng kasambahay naming mamamatay na sa cancer. Naawa ang mommy at daddy, kaysa sa ampunan ka bumagsak ay kinupkop ka namin. Pagkatapos ito? Sakit ng ulo ang mapapala namin sayo?” tila nabigla rin ang ate niya sa sinabi nito. Ang mommy niya naman ay sumakit ang dibdib kaya binuhat ito ng daddy niya at isinugod sa ospital.
Naiwan siyang mag-isa sa kwarto. Tulala.
Maaga pa lang kinabukasan ay naka-empake na ang mga damit ni Kyla. Palabas na siya ng kwarto nang makarinig ng tatlong katok sa pinto. Kasunod noon ay pumasok ang ate Karylle niya.
Maga ang mata ng babae, “I-I’m sorry. Hindi ko gustong masaktan ka, ayoko lang na napapariwara ka. Hindi ko sinasadyang masabi ang totoo. Kahit na ganoon pa man, alam mong mahal kita-” hindi na naituloy nito ang sasabihin nang sugurin niya ito ng yakap.
“Ate ako ang dapat na mag-sorry. Kinupkop nyo ako, binihisan, itinuring na sariling pamilya pero sinasaktan ko pa kayo. Hindi ako deserving na manatili sa bahay ninyo.” umiiyak na sabi niya.
Ang totoo, kaya siya aalis ay hindi dahil galit siya sa mga ito. Kundi dahil nahihiya na siya, wala na siyang mukhang maihaharap pa.
“Wag mong sabihin yan. Ano’ng bahay namin? Bahay natin ito. pamilya tayo. Kapatid kita.”
Hawak kamay nilang dinalaw ang kanilang ina sa ospital na napangiti nang makitang ayos na sila. Mula noon ay nagbago na si Kyla, nag-aral siyang mabuti at nilayuan na rin ang mga kaibigan.
Hindi niya kailangan ng maraming friends na peke, ang kailangan niya lang ay isang totoo. At wala iyong iba kundi ang ate Karylle niya.