Inday TrendingInday Trending
Ipinaglihi sa Duhat ang Dalaga Kaya Palaging Tinutukso at Pinagtatawanan, Isang Magandang Biyaya Pala ang Inilaan sa Kanya ng Tadhana

Ipinaglihi sa Duhat ang Dalaga Kaya Palaging Tinutukso at Pinagtatawanan, Isang Magandang Biyaya Pala ang Inilaan sa Kanya ng Tadhana

Bata pa lang si Aicele ay tampulan na siya ng tukso nga mga taong nakapaligid sa kanya dahil sa kulay ng kanyang balat. Ubod kasi ng itim na parang sa uling ang kulay ng kutis ng dalaga kaya hindi maiwasang tuksuhin siya ng mga kapitbahay.

Sabi ng kanyang nanay ay ipinaglihi raw siya sa duhat habang ipinagbubutis siya nito kaya ganoon ka-itim ang kulay ng kanyang balat.

“Nay, bakit pa kasi sa dinami-dami ng prutas, sa duhat niyo pa ako ipinaglihi!” inis na wika ng dalaga.

“Ewan ko ba kung bakit ako sarap na sarap sa duhat noong nasa sinapupunan kita. Iyon kasi ang palaging pinasasalubong ng tatay mo sa akin,” sabi ng ina.

“Hindi sana ako naging ganitong kaitim. Hindi sana ako palaging pinagtatawanan ng mga tao,” aniya sa malungkot na boses.

“Anak, wala kaming pakialam ng tatay mo kung maitim ka, basta anak ka namin at mahal ka namin at iyon ang mas mahalaga,” sabay yakap sa anak.

Minsan, habang naglalakad si Aicele ay may nakasalubong siyang grupo ng mga kababaihan. Napansin niyang nakatingin ang mga ito sa kanya at halatang siya ang pinagbubulungan. Ang isa pa nga ay halos maluha sa katatawa habang tinitignan siya mula ulo hanggang paa.

Sa sobrang hiya ay itinungo na lamang niya ang ulo para iwasang makita ang pang-aalipustang ginagawa sa kanya ng mga babae.

Habang bumibili naman siya ng damit sa tiangge ay aksidenteng nakabangga niya ang isang matandang babae.

“Ay, pasensiya na po, ale. Hindi ko po sinasadya!” aniya.

“Ano ka ba, ang itim-itim mo na nga, Ang tanga-tanga mo pa!” anito.

Sa sinabing iyon ng matanda ay ‘di naiwasang pagtinginan siya ng mga taong namimili. Sa sobrang pagkapahiya ay nagmamadali siyang umalis.

Habang naglalakad ay hindi naiwasang tumulo ang kanyang luha sa sobrang sakit ng nararamdaman sa bawat insulto at pagkapahiya.

“Bakit ba kasi parang isinumpa ang kulay ko,” bulong ng dalaga habang humihikbi.

Lingid sa kanyang kaalaman, bukod sa mga ‘di kilalang taong nanghahamak sa kanya ay sarili pa niyang kamag-anak ang gagawa ng paraan para siraan siya. Lihim siyang kinaiinisan ng pinsang si Leonila dahil sa kanilang magpipinsan ay siya lang ang bukod tanging naiiba ang kulay.

“Sigurado ka ba, Leonila, sa gagawin mo?” tanong ng kaibigan nito.

“Oo nga, baka mamaya ikapahamak pa natin iyan?” sabad pa ng isa.

“Relax lang kayo, pagkatapos nito instant celebrity na ang pinsan kong duhat!”

Naghagalpakan ang magkakaibigan habang may pinipindot sa cell phone.

Kinaumagahan ay nagulat na lang ang ina ni Aicele na si Clarisa nang makita na naka-post sa facebook ang litrato ng anak. May Facebook account naman ang dalaga ngunit kahit kailan ay hindi ito nag-post ng sariling litrato sa takot na makutya at mapagtawanan.

“Anak, ikaw ba ang nag-post nito sa account mo?” tanong ng ina.

“Ha, hindi po! Wala po akong ipino-post na litrato ko. Paanong kumalat ang litrato kong iyan?”

Mas lalo nilang ikinagulat ang caption na nakalagay sa post na “Ang Babaeng Duhat” na inulan ng samu’t saring reaksyon.

Nang kumalat ang litrato niya sa Facebook ay agad na nag-viral ito at pinag-usapan sa buong lugar nila.

Kahit binura na ni Aicele ang nasabing post ay kumalat na ito sa ibang site kaya labis niya itong ikinabahala.

“Lalo akong pag-uusapan nito, anong gagawin ko?” nag-aalalang sabi sa sarili.

Isang araw, isang mensahe ang natanggap niya sa Facebook.

“Teka, sino itong nag-message sa akin?”

Agad niyang binasa ang mensahe.

“Hi, I’m Raven, pure American pero fluent na akong magtagalog. Dalawampung taon na ako dito sa Pilipinas kaya bihasa na ako sa language. Nakita ko ang picture mo sa Facebook at na-curious ako. Gusto kitang maging kaibigan, okay lang ba sa iyo?” sabi nito.

Hindi siya makapaniwala na ngayon lang mayroong lalaking nagpahayag na gusto siyang maging kaibigan. Dahil din sa kuryosidad ay sinagot niya ang mensahe sa chat at nagpakilala rin sa lalaki.

Lumipas ang ilang mga buwan at palagi na silang nag-uusap ni Raven hindi lang sa chat maging sa video call.

Nang makita niya ang itsura nito ay gayon na lamang ang paghanga niya rito dahil bukod sa magandang lalaki ay matipuno rin ang pangangatawan. Sundalo ang banyaga na nakadestino sa bansa kaya sanay na sanay na ito sa kulturang Pinoy.

Nagkagaanan sila ng loob sa isa’t isa dahil pareho sila ng mga hilig at pananaw sa buhay kaya ang pagkakaibigan nila ay humantong sa mas malalim na ugnayan.

Mukhang imbes na napasama ay sinuwerte pa si Aicele sa pagpapakalat ng pinsan niyang si Leonila ng kanyang litrato sa facebook.

Makalipas ang isang taon at sumapit ang kaarawan ni Aicele. Hindi niya inasahan kung sino ang espesyal na bisitang dumating.

“Raven?” gulat niyang sabi.

Nakita niyang bumaba ito ng kotse at may hawak-hawak na mga bugkos ng pulang rosas.

“Happy birthday, babe!” sabay halik sa pisngi ng dalaga.

Hindi mapagsidlan ang tuwa ni Aicele nang dumating ang lalaking hindi niya inakalang magbibigay sa kanya ng pag-asa na magmahal at mahalin.

“Mabuti at nakarating ka, mahal!”

“Hinding-hindi ko puwedeng palagpasin ang espesyal na araw na ito, babe!” anito habang inilabas ang isang maliit na kahon na naglalaman ng singsing.

“Anong ibig sabihin nito?” maluha-luhang sabi ng dalaga.

“Will you marry me?” tanong ng lalaki habang nakaluhod sa harapan niya.

Napahagulgol na si Aicele sa alok na kasal ni Raven. Hindi na rin naiwasang maluha ng mga magulang niya sa magandang nangyayari sa kanya.

“Yes, I will marry you!” sagot niya at mahigpit na niyakap ang kasintahan.

Napahiya naman sa isang tabi ang pinsan niyang si Leonila at ang mga kapitbahay. Hindi nila inakala na ang babaeng pinagtatawanan at tinutukso nila, ang babaeng duhat kung ituring ay magkakaroon ng tunay na pag-ibig.

Ikinasal sina Aicele at Raven at biniyayaan sila ng dalawang anak. Masayang namuhay ang kanilang pamilya sa lugar kung saan malayo sa mapanghusgang lipunan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement