“Tiyang, tama na po, masakit po!” sigaw ni Bona habang walang awa siyang pinapalo ng kanyang tiyahin na si Maribeth.
“Hayan ang bagay sa iyo para magtanda kang bata ka!” anito.
Mula nang mawala ang kanyang mga magulang ay ito na ang kumupkop sa kanya ngunit kahit kailan ay hindi niya naramdaman na minahal siya nito. Anak kasi siya ng kanyang ama sa pagkakasala kaya mainit ang dugo sa kanya ng tiyahin na kapatid naman ng kanyang ina. Hindi nito matanggap na nag-uwi ang lalaki ng batang anak sa ibang babae kaya buong buhay ni Bona ay puro pagmamalupit ang nararanasan niya sa poder nito.
Nang minsan ay nakabasag siya ng pinggan ay galit na galit ang kanyang tiyahin.
“P*tang i*a kang bata ka! Wala ka na bang gagawin kundi ang mamenrhuwisyo? Kabibili ko lang ng pinggan na iyan tapos ay babasagin mo lang?” galit na wika ni Maribeth.
“Tiyang hindi ko naman po sinasadyang mabasag. Bigla po kasing dumulas sa kamay ko,” paliwanag ng bata.
“Ang sabihin mo talagang tanga ka lang!” Kahit kailan ay buwisit ka sa buhay ko!” anito sabay dampot sa matigas na patpat at ipinalo sa puwetan ng kawawang pamangkin.
“Aray ko po! Tama na po Tiyang, hindi ko na po uulitin!” hiyaw ni Bona na halos hindi na makahinga sa sobrang pag-iyak.
Saka lamang tinigilan ni Maribeth ang pamangkin nang marinig nitong tumunog ang kanyang cell phone. Sinagot nito ang tawag at mayamaya ay gumayak paalis ng bahay.
“Hoy, dito ka lang ha? Huwag kang lalabas ng bahay. Aalis muna ako, tinawagan ako ng kumare ko at nagyayayang magsugal. Bahala ka na riyan. Kapag sinuway mo ang utos ko ay bugbog-sarado ka naman sa akin,” sabi nito bago lumabas ng gate.
Naiwan si Bona sa kusina dahil magliligpit pa siya ng pinagkainan nilang magtiyahin. Pagkatapos ay maglilinis pa siya ng bahay. Sa murang edad ay marami na siyang kayang gawin, dahil maaga siyang namulat sa mga gawaing bahay nang tumira siya kay Maribeth. Siya kasi ang inuutusan nito na gumawa sa bahay habang ang tiyahin ay kain, tulog lang ang ginagawa. Hindi rin ito nagtatrabaho dahil buwan-buwan naman ay may sustento ito na nagmumula sa asawa na nagtatrabaho sa Saudi.
Nang matapos ni Bona ang mga dapat gawin ay naisipan niyang lumabas. Naisip niya na gagabihin naman sa pag-uwi ang kanyang tiyahin kaya malaya siyang makakalabas para makapaglaro.
Habang nakatambay sa labas ng bahay ay may nakita siyang aso na palakad-lakad sa kalye. Nakita niyang nanghihina ito na para bang hindi pa kumakain. Dali-dali siyang kumuha ng makakain sa kusina at ibinigay sa aso.
“O, doggie kumain ka, kawawa ka naman parang hindi ka pa kumakain, e,” wika niya sa kulay tsokolateng asong kalye.
Agad naman nitong kinain ang ibinigay niyang tinapay. Sa di malamang dahilan ay lumapit sa kanya ang aso at naglambing.
“Ano, busog ka na? Saan ka ba nanggaling, sino ba mga amo mo?” tanong ng bata, patuloy lang sa pagdila sa kanya ang aso na halatang gusto na siya nito.
Dahil sa sobrang awa ay kinuha niya ang aso at dinala sa bodega.
“Dito ka muna ha? Huwag ka maingay dito para hindi ka marinig ni Tiyang. Araw-araw kitang papakainin,” wika ng bata habang hinahaplus-haplos ang aso.
Dinilaan na naman siya nito sa mukha na tanda na naiintindihan siya nito.
Matagumpay naman na naitago ni Bona ang alaga niyang aso sa bodega ng kanyang tiyahin. Hindi naman ito nagpupunta roon kaya hindi nito makikita ang kanyang alaga. Sa tuwing aalis ang tiyahin para magsugal ay pinupuntahan ni Bona ang aso sa bodega para pakainin at makalaro.
“Alam mo mula nang dumating ka sa buhay ko ay hindi na ako nakaramdam ng lungkot dahil may kaibigan na ako,” sabi ni Bona sa alaga na pinangalanan niya Coco.
Naging mabuting alaga naman ito sa kanya dahil kahit kailan ay hindi nito kinagat ang bata. Pakiramdam ng aso ay mahal na mahal siya ng kanyang amo.
Isang araw, di sinasadyang pumasok ang tiyahin sa loob ng bodega at nakita nito ang kanyang alaga.
“Eeehh! Bona, Bona halika ditong baka ka!” sigaw ng babae.
Dali-dali namang lumapit ang pamangkin. “Bakit po, tiyang?”
“Anong ginagawa dito ng gusgusing asong iyan? Ikaw ba ang nagdala niyan?” singhal ng tiyahin.
“O-opo, naawa po kasi ako sa kanya kaya inalagaan ko po. Mabait naman po si Coco at hindi nangangagat,” pag-amin ng bata.
“At pinangalanan mo pa talaga ang buwisit na asong iyan ha! Sino ang nagsabi sa iyong magdala ka ng hayop sa loob ng bakuran ko at tinago mo pa sa bodega. Kahit kailan kang bata ka perhuwisyo ka!” anito sabay kuha sa malapad na patpat na kawayan at pinagpapalo ang pamangkin.
“Magtanda ka! Bakit hindi ka pa mawala sa buhay ko!” galit na singhal ni Maribeth habang walang hasbas na pinapalo si Bona.
Mayamaya ay tumahol nang malakas ang aso at sa akmang pagpalo ng tiyahin ay walang anu-anong sinakmal ng aso ang kamay ni Maribeth hanggang sa maputol iyon.
“Arayyy! Puny*ta kang aso ka!” malakas na sigaw ng babae.
Sa sobrang takot ay tumakbo si Bona palabas ng bahay at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
“Tulong,tulong, tulungan niyo po ang Tiyang ko!” sigaw ni Bona.
Naisugod naman sa ospital ang tiyahin sa tulong ng mga mababait nilang kapitbahay at dinala naman sa ahensyang nangangalaga ng mga hayop ang asong si Coco. Ang malungkot na balita naman na sinabi ng doktor kay Maribeth ay hindi na maibabalik sa dati ang kanyang naputol na kamay. Laking pagsisisi ng babae sa ginawa niyang pagmamalupit sa pamangkin, kundi dahil sa kanyang labis na galit at inis sa pamangkin ay hindi niya daranasin na maputulan ng kamay. Humingi siya ng tawad kay Bona sa lahat ng ginawa niyang pagmamaltrato rito at nangakong hindi na ito pagmamalupitan at mamahalin na at ituturing na tunay na pamangkin. Labis naman ang pasasalamat ni Bona sa asong si Coco dahil sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanya sa pagmamalupit ng tiyahin. Habang buhay niya iyong tatanawin sa kanyang pinakamamahal na alaga. Napagtanto niya na kahit kaunting panahon lang ang kanilang pinagsamahan ay nagawa siyang mahalin at protektahan ng kanyang alaga.
“Balang-araw ay magkikita ulit, tayo Coco. Kapag humupa na ang galit ni Tiyang sa iyo, ay muli kitang kukunin at aalagaan para magkasama tayong muli,” bulong niya sa sarili habang nakapamintana sa kanyang silid.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!