Inday TrendingInday Trending
Sa Kabila ng Kasakiman ni Manolo

Sa Kabila ng Kasakiman ni Manolo

Rugs to riches kung tawagin ang naging istorya ng buhay ni Manolo noong kabataan pa niya. Dahil sadlak sa hirap ang kinagisnang buhay, nagsumikap siya sa bahay upang marating ang rurok ng tagumpay. Dose anyos pa lamang ay nagsimula na siyang maglako ng kung ano-anong paninda sa kalsada, hanggang sa tumanda ay napayabong niya ang negosyo sa isang bigating chain ng malls sa Pilipinas.

Kaya naging ganoon na lamang ang pagsamba ni Manolo sa pagkakaroon ng pera. Magmula ng makaahon sa kahirapan, isinumpa niya sa sarili niyang hinding-hindi na siya babalik pa sa pagka-sadlak… kahit anuman ang maging kapalit.

Nag-iisa ang anak ni Manolo, ang dalagang nagngangalang Mayumi. Mula nang isilang siya sa mundo ay hindi na niya nasilayan ang mukha ng kanyang ina. Nakilala lamang kasi iyon ni Manolo sa isang sikat na bar sa probinsya, ngunit noong hindi inaasahang mabuntis niya’y pinanindigan niya na lamang. Napagkasunduan na lamang nila na aakuin ni Manolo ang lahat ng responsibilidad sa pagpapalaki kay Mayumi.

Dahil sa ugali ni Manolo, ni isang babae ay walang tumagal sa kanya. Kahit pa paliguan niya ang mga ito nang pera, kapag nasaksihan na ang pag-uugali niya’y agad-agad umaayaw ang mga ito. Kaya naman hindi na siya nakapag-asawa pa, at tanging si Mayumi at mga kasambahay ang kasama niya sa tahanan.

Isang umaga, nagising si Mayumi sa katok ng kanyang ama.

“Mayumi! Gising na! Gumayak ka na at may ipapakilala ako sa’yo,” utos ni Manolo habang mariing kumakatok sa pintuan ng dalaga.

“Sino po, papa?” sagot ng inaantok pang si Mayumi.

“Ang mapapangasawa mo,” diretsong sagot nito.

Natulala na lamang si Mayumi nang marinig ang sabi ng kanyang ama. Alam niya, sigurado siya, na hindi siya makakaalma sa desisyon nitong ipakasal siya para sa mas maraming tagumpay ng kanilang kompanya. Kung tutuusin, kahit papaano’y hindi naman ito labag sa loob ng dalaga dahil kadalasan ay hindi niya ramdam ang pagmamahal ng kanyang ama. Nais niya nang makalaya mula sa puder ni Manolo.

Hindi nagtagal, katunayan ay isang buwan lamang ang lumipas, at mabilis na naisakatuparan ang pag-iisang dibdib nila ng binatang si Daniel. Kahit hindi kagwapuhan, naging mabait at mapagmahal naman ang lalaki kay Mayumi. Kaya naman unti-unti ring natutunan ng babae na mahalin ang kanyang asawa.

Lumipas ang maraming taon at halos hindi na nagparamdam ang ama ni Mayumi sa kanya. Ni minsan ay hindi siya kinamusta nito sa kalagayan niya sa bahay ng kanyang asawa. Kaya naman hindi maiwasan na lalong sumama ang loob ni Mayumi sa sariling ama. Kailanma’y hindi siya nakaramdam ng pagmamahal mula rito. Isang gabi, habang kumakain ng hapunan ang mag-asawa, isang tawag sa telepono ang gumulat sa kanila.

“Miss Mayumi? This is Doctor Estrella. I’m your father’s oncologist. Kung maaari sana ay pumunta ka rito sa ospital dahil may kailangan kang malaman,” wika ng doktor sa kabilang linya ng telepono.

Sinamahan ni Daniel ang asawa sa ospital, at nagimbal si Mayumi sa kanyang nakita.

Ang ama niyang dating napakalakas pa, dating palaging nakasuot ng pormal na damit, dating malakas at matapang magsalita, ngayon ay tila lantang gulay na. Balita ng doktor ay ilang taon na lamang ang itatagal ng buhay ng matanda. Ang sakit na nakuha ng matanda ay resulta daw ng labis na pagtatrabaho, kawalan ng pahinga, at kawalan ng alaga sa sarili. Ilang araw na raw itong nasa ospital ngunit ni isang tao ay walang dumadalaw dito.

Nang masilayan ni Mayumi ang kalagayan ng ama, biglang nanumbalik sa kanya ang lahat ng pagmamalupit nito at pagsasa-walang bahala sa kanya noong bata pa siya. Kung tutuusin kasi, pera at bahay lamang ang naiambag ni Manolo sa buhay ni Mayumi.

“Anong plano mo, Mayumi? Kukuha na ba ako ng nurse na mag-aalaga sa dad mo hanggang sa malagutan na siya ng hininga?” tanong ni Daniel sa asawa. Alam niya kasi ang lahat ng hinanakit ni Mayumi dito, at sigurado siyang hindi ito magsasayang ng oras sa pag-aalaga sa walang malasakit na matanda.

“Dok, paki-asikaso na po ang paglipat ni dad sa bahay namin. Kukuha ako ng ilang nurse na magbabantay sa kanyang kalagayan, pero ako ang mag-aalaga sa kanya,” wika ni Mayumi na ikinagulat naman ni Daniel.

Maayos na nailipat si Manolo. Nang imulat niya ang kanyang mga mata, laking gulat niya nang makita ang mukha ng anak niyang matagal nang hindi nakikita.

“Mayumi? Nasaan ako? Anong ginagawa mo rito?” tanong ng nanghihinang matanda.

Ipinaliwanag ni Mayumi ang lahat.

“Dad, alam kong hindi naging maganda ang relasyon natin bilang mag-ama. Gayunpaman, malaki ang pasasalamat ko na hindi mo ako pinabayaang magpalaboy-laboy na lamang sa lansangan o mapariwara kasama ng aking ina. Huwag kang mag-alala, hindi kita papabayaan. Ako muna ang mag-aalaga sa iyo,” lumuluhang sabi ni Mayumi.

At sa unang pagkakataon, nakita ni Mayumi na lumuha ang kanyang ama.

“Patawarin mo ako, anak. Marami akong pagkakamali sa buhay. Naging pera ang sentro ng pamumuhay ko. Ngunit kailanman, hindi kita itinuring na isang pagkakamali. Ikaw lamang ang tanging tama na ginawa ko sa buhay kong ito,” sabi ni Manolo habang pilit na inaabot ang kamay ng anak.

Sa loob ng dalawang taong natitira sa buhay ng matanda, doon nila ginawa ang lahat ng bagay na ginagawa ng mag-ama. Naging puno ng pagmamahal at kalinga ang dalawang taong pagsasama nila. Ang dalawang taong ding iyon ang naging pinakamasayang taon ng mahabang buhay ni Manolo.

Hindi dapat ginagawang sentro ng pamumuhay ang pera. Dahil napakaraming bagay ang mas importante sa buhay na kailanma’y hindi mabibili nito, gaya na lamang ng pag-ibig, kalusugan, at pamilya.

Advertisement