Suki Kong Kolehiyala
Kilala bilang isang mabuting jeepney driver sa Cebu si Mang Wendell. Paborito siyang sakyan ng mga tao dahil sa nakakaaliw na palaro niya habang namamasada. Nagsasabi siya ng mga salitang espanyol at kung sinong makapagbigay ng tagalog nito ay malilibre ang sakay kaya naman madalas ay halos puro senior citizen ang kanyang naililibre at isang matalinong kolehiyalang si Jasmin.
Araw-araw sa tuwing makikita siya ng mga tao ay talaga nga namang nag-uunahan ang mga ito makasakay lang sa jeep niya. Bukod kasi sa palarong talaga nga namang nakakawala ng antok sa biyahe, kapag wala na siyang maisip na salitang espanyol, nagkukwento siya ng mga kababalaghang alam niya sa kanilang dinadaanan.
Sa unang biyahe ni Mang Wendell noong araw na iyon, hinihintay niya ang suking si Jasmin bago umalis, ngunit napuno na ang jeep wala pa rin ang dalaga kaya naman napilitan na siyang umalis.
“Naku, mukhang nahuli ng gising ang aking suking estudyante. Alam niyo ba ang galing galing ng batang iyon, kung minsan nga kapag siya na lang ang pasahero ko, tinuturuan niya ako kung paano mag-intsik.” kwento niya habang tahimik na nakikinig ang mga pasahero, “Isa pa, kay gandang bata non! Napakaraming manliligaw! Kaya lagi kong hinihintay makapasok at makauwi yun e, alam niyo na delikado na ang panahon ngayon. May mga lalaki ngang nagbabanta sa kanya na kapag hindi niya daw sinagot ang tropa nila, malalagot daw siya.” dagdag pa niya, halatang nababagabag ang boses.
Dumating na ang oras ng uwian ng dalaga. Sinadya niyang hindi muna magpasada at maghintay ng uwian nito dahil sa pangambang nadarama. Ngunit lumipas na ang isang oras, hindi pa rin ito dumarating kaya naman napilitan na siyang magsakay ng pasahero at umalis, pero nagtira siya ng isang upuan para mauupuan ni Jasmin kung sakaling makita niya ito.
Hindi pa man nakakalayo si Mang Wendell, naaninag niya ang dalaga sa tulay na kanilang dadaanan kaya naman tinigilan niya ito at pinasakay.
“O, Jasmin! Bakit dito ka naghihintay sa tulay? Delikado dito sakay na!” masayang aniya, panatag na siyang walang masamang nangyari sa babae.
Ngunit tila iba ang ikinikilos nito. Dati ay nagpapaalam pa siya kay Mang Wendell bago bumaba ngunit ngayon, walang imik ito at tuloy tuloy lang na bumaba sa jeep.
Nagdaan ang tatlong araw na puro ganoon ang nangyayari. Parati niyang sinasakay sa may tulay ang babae at bumaba ito nang hindi na niya namamalayan. Masyadong nag-aalala si Mang Wendell kaya naman nagtanung- tanong siya sa mga estudyante kung kilala nila si Jasmin. May nakakakilala daw dito ngunit ang balita nila, apat na araw na itong nawawala, pinaghihinalaang pinagsamantalahan ito dahil nakitang may mga lalaking humarang sa kanya sa gate ng paaralan.
“Apat na araw? Sa loob ng tatlong araw, lagi ko siyang nasasakay dito sa tulay na ito. Ayan na siya, o.” ani Mang Wendell.
“Si Mang Wendell naman nananakot pa! Wala namang tao e.” anang isang estudyante dahilan para matulala siya, dahil nakita niya talaga ang dalaga doon. “Hindi niyo po ba nabalitaan yung insidente dito? May nakuha pong b*ngkay dyan sa ilalim ng tulay, pinaghihinalaan nga po na si Jasmin yun.” dagdag pa nito, doon na nakumpirma ni Mang Wendell na nagpapakita talaga sa kanya ang dalaga.
Gulat na gulat naman si Mang Wendell sa mga narinig. Halos hindi siya mapakali kaya naman pinuntahan niya ang nangangalaga sa nasabing b*ngkay at noong nakita niya ang walang buhay na katawan, agad niyang nakilalang si Jasmin nga ito, dahil sa balat nito sa kaliwang pulso.
Nakipag-ugnayan siya sa eskwelahan dahil kilala niya sa mukha ang mga lalaking maaaring gumawa nito kay Jasmin. Iniharap sa kanya ang lahat ng lalaki sa paaralan at doon niya namukhaan ang tatlong lalaking nagbanta sa dalaga. Agad itong kinausap ng mga nakakataas sa eskwelahan. Noong una ay ayaw pa nilang umamin ngunit hindi kalaunan, nagsabi na ng totoo ang isa.
“Hindi niya kasi ako mapansin-pansin. Kaya ayun pinagsamantalahan na lang namin. Kaso pumapalag siya at nagsisisigaw kaya napilitan akong iuntog siya sa bato. Hindi ko naman akalaing mapupuruhan siya doon.” iyak ng isang estudyante, nanginginig ang mga kamay nito.
Ipinadampot niya ang mga ito at agad nilang kinontak ang mga magulang ng dalaga. Noong araw ring yun dumako siya sa tulay at ipinagdasal ang kaluluwa ng yumaong kolehiyala.
Nakuha ng mga magulang ni Jasmin ang katawan nito. Lubos silang naghihinagpis sa sinapit ng anak ngunit napanatag ang kanilang loob noong malamang mabibigyan ng hustisya ang pagkawala ni Jasmin.
Malungkot man ay napanatag ang loob ni Mang Wendell dahil sa wakas, natahimik na dalaga.
May mga taong kahit hindi natin kaanu-ano ay talagang tumatatak sa ating puso. Kaya naman kapag sila ng ang nangailangan ng tulong, lahat ay ating gagawin para lamang sila ay matahimik at mapanatag.