Diring-Diri ang Ale sa Apo ng Kapitbahay na Maagang Nabuntis Pero Nagbago Ito nang Mabunyag ang Sikreto ng Sarili Niyang Anak
Maagang nagwa-walis sa tapat ng kanilang bahay si Aling Chona para abangan ang kanyang mga kumareng dadaan. Kailangan niyang makasagap ng bagong chismis sa barangay nila dahil di mabubuo ang araw niya pag wala nito.
“Naku, Chona! Napakasipag mo naman ha! Ang linis na ng tapat niyo, tama na yan, aba!” nakangiting sabi ng matandang babaeng kapitbahay nila habang buhat ang isang sanggol at pinapaarawan.
“Ah oho yan lang ang libangan ko rito eh..” sagot niya pero nakatingin siya sa sanggol at nagtataka kung kaninong anak ito.
“Yan na ho ba ang anak ni Jelay na apo niyo?” dagdag niya.
“Ahh oo! Anak na nga ni Jelay. Bale, apo ko na ito sa tuhod,” sagot naman ng matanda.
Nginitian na lamang ni Chona ang matanda. Pero ang isip niya’y nagtataka kung bakit ang aga-aga ay kumerengkeng agad itong si Jelay. Napapaisip rin siya kung may ama ba ang batang iyon dahil wala naman silang nakikitang lalaking nakakasama ni Jelay.
Umiyak na ang sanggol kaya’t pumasok na rin ang mag-lola sa bahay.
Wala pang limang minuto nang makita ni Chona ang kumare niyang si Marife. Dali dali niya itong tinawag na na para bang nasisilihan ang bibig at gustong gusto nang mag kwento ng chismis.
“Hoy! Mare halika dito bilis!” sabay hatak sa braso ni Marife.
“Oh bakit? Anong meron?!” nanlaki ang mata niya dahil alam niyang may bagong ganap na naman.
“Eto na nga, yung dalagitang mahinhin dyan sa kapitbahay? Kilala mo yun? Yung Jelay? Na akala mo hindi makabasag pinggan eh nanganak na pala!” tuloy tuloy na pagdaldal ni Chona.
“Ha? Talaga?? Diyos miyo! Kay aga agang lumandi! Walang asawa yun di ba?!” tanong ni Marife na may halong pandidiri ng mukha.
Umiling na lamang itong si Chona.
“Naku ewan ko ba! Ganyan na siguro talaga kapusok ang mga kabataan ngayon,” umiiling na sambit ni Marife.
“Buti na lang hindi ganyan ang anak kong si Mae. Wala rin naman kasi kaming lahing makati no!” natatawang sagot ni Chona.
Natawa na lamang din si Marife at nagsimula na ring magpaalam. “O sya na mare, sige na’t ako ay uuwi na muna. Eh napadaan lang din ako dito kasi galing akong palengke,” paalam niya.
Nagbeso ang magkumare at umalis na rin si Marife. Si Chona naman ay pumasok na sa kanyang bahay dahil magluluto pa siya ng tanghalian.
Makalipas ang tatlong linggo’y nagsimulang mapansin ni Chona ang pagiging tulala ni Mae, ang kanyang anak.
“’Nak, okay ka lang? Ba’t ba lagi kang tulala?” nag-aalalang tanong nito.
“Mae? Mae!” hinawakan niya ito sa balikat at niyugyog.
“A-ah ma okay lang ako. Pagod lang po sa school,” anito.
“Mabuti naman. Tama yan ‘nak. Pagigihan mo lang sa pag aaral ha. Masaya ako at gagraduate ka na sa wakas. Yung apo ng kapitbahay natin, hindi na makaka-graduate yun nang dahil sa kalandian niya! Maigi na rin at di mo siya naging kaibigan!” sagot niya rito.
Hindi na sumagot ang kanyang anak at agad siyang dumiretso sa kwarto.
Sa ginawa niya, mas napaisip lamang si Aling Chona. At bilang ina, nakaramdam siya ng kakaiba at alam niyang may tinatago itong anak niya.
Naging mausisa siya nang makapasok na ang anak sa eskuwelahan at nagpunta ito sa kwarto ng dalagita.
Inisa-isa niyang tignan ang mga kabinet, damitan at ang mga bag nito.
Nagulat si Chona nang makita ang resulta ng isang pregnancy test na nakaipit sa pinaka-ilalim ng bag ng kanyang anak.
Gumuho ang mundo niya nang makita ang dalawang pulang guhit sa test na ito. Unti-unting namutla ang ina sa kanyang nakita.
“O Diyos ko, ano ba ito! Bakit ito nagawa ng anak ko,” hagulgol ng ina habang nanginginig at hawak pa rin ang resulta ng PT.
Hinintay ni Chona ang anak niyang makauwi ng bahay para makausap niya ito.
Pagdating na pagdating ng kanyang anak, halos marinig ng mga kapitbahay ang sigaw at iyakan ng mag-ina.
Hindi makapaniwala si Chona na kayang maglihim sa kanya ng kanyang anak. Mas lalo lang din siyang nanlumo nang malamang tinakasan ang anak niya noong nakabuntis dito.
Gayunpaman, wala narin siyang maganda kundi tanggapin ang magiging apo niya kay Mae.
Kinagabihan ay naisip niya muli kung paano siya mandiri sa kapitbahay nilang nabuntis ng maaga. Wala siyang kaalam-alam na magagawa rin pala ito ng anak niya.
Nahiya siya sa kanyang sarili, at naisip na dapat hindi pala siya nanghusga ng tao lalo na’t wala naman siyang alam sa buhay at pinagdadaanan ng dalaga.
Mula noon ay nangako si Chona na babawi siya ng kabutihan sa kanyang anak at sa magiging apo niya.
Nang manganak na si Mae ay si Chona na ang umakong mag-aalaga sa kanyang apo. Napapayag niya ang anak niyang bumalik ulit sa pag-aaral, mas napabuti ito. Masaya siyang nakikita ang anak niyang nagpapatuloy kahit ganoon pa man ang nangyari sa kanya.
Tuwing umaga, habang nakikipaglaro ang lola ni Jelay sa apo nito ay pinapaarawan naman ni Chona ang kanyang sariling apo.