Inday TrendingInday Trending
Sa Tuwing Uuwi ang Mister ng Babaeng Ito ay Nananaginip Palagi Siya ng Masama Tungkol sa Asawa, May Katuturan Nga Kaya Ito sa Totoong Buhay?

Sa Tuwing Uuwi ang Mister ng Babaeng Ito ay Nananaginip Palagi Siya ng Masama Tungkol sa Asawa, May Katuturan Nga Kaya Ito sa Totoong Buhay?

“Magtiwala ka, napakabait ng asawa mo kaya wala kang dapat na ipag-alala. Nandito lang naman ‘yun sa bahay at kung aalis man ay sa mga barkada lang naman niya nagpupunta. Ganoon talaga ang mga lalaki, kailangan nila ng oras para sa kanilang sarili,” wika ni Aling Elita, ang biyenan ni Maricris.

“Hindi naman ho ako nag-alala. Nagtatanong lang naman po ako, pasensiya na po kayo kung hindi ako nakasama ngayon at tambak lang talaga ang trabaho at marami pa rin po kaming events na nakapila. Babawi na lamang po ako,” sagot ni Maricris sa ale.

“Wala iyon, anak, naiitindihan namin. Sa susunod na lang ulit,” paalam ng ale sa kaniya saka natapos ang usapan nila sa telepono.

“Hay buhay!” buntong hininga ng babae saka sumandal at hinawakan ang kaniyang ulo.

“O, bakit? Bakit ba kasi hindi ka na lang sumama palagi para matahimik ‘yang paghihinala mo. Tsaka, sorry ha, hindi naman gwapo ‘yung asawa mo kaya hindi iyon mambababae!” saad ni Zarah, katrabaho ng babae.

“Mahuhuli ko ba ‘yun kung nandoon ako? Siyempre hindi, tsaka isa pa, naririndi na ako kapag sinasabi ng lahat na napakabait daw ng asawa ko para magloko sa akin. Iba kasi talaga ang nararamdaman ko e!” iritableng sagot ni Maricris dito.

“Bakit sa tuwing uuwi na lang ang mister ko ay napapanaginipan kong may ibang babae siya. Paulit-ulit at palaging ganoon ang panaginip ko!” naiiyak niyang dagdag sa katrabaho.

“Pero sabi mo nga ‘di ba, kaya mo pinakasalan ang asawa mo dahil siya na yata ang pinakamabait na naging lalaki mo sa buhay. Responsableng asawa, anak, kapatid, pamangkin, apo at kaibigan. Lahat na yata ng kabaitan ay nakuha ng asawa mo kaya ka nga panatag sa kaniya kasi alam mo na hindi ka niya sasaktan ‘di ba? Ano ‘yang iniiyak-iyak mo ngayon? Baka naman masyado ka lang nag-iisip o naapaektuhan sa mga napapanuod mo,” sagot muli ni Zarah sa kaniya.

Hindi na lamang sumagot pang muli si Maricris at itinuloy na lamang ang kaniyang pagtratrabaho.

Halos tatlong taon na ring mag-asawa sina Maricris at Jeric ngunit nitong mga nakaraang buwan ay dumadalas ang pag-uwi ng kaniyang asawa sa pamilya nito sa probinsya. Alam niyang gusto lamang bumawi ng lalaki sa nanay nito na ngayon ay huminto na sa pagtratrabaho sa ibang bansa ngunit hindi rin matangal sa kaniyang isipan at kapanatagan ang kaniyang mga panaginip.

Kaya naman kinaumagahan kahit na maraming trabaho ay napagdesisyunan niyang sumunod sa probinsya para sorpresahin ang kaniyang asawa at pamilya nito. Hindi siya nagsabi na darating para na rin malaman kung nasaan ang kaniyang mister.

Tahimik siyang dumating at hinanap ang kaniyang asawa.

“Naku, nandoon sa may babuyan ni Pareng Ramil, baka nag-iinuman din,” wika ng isa nilang kapitbahay.

“A, ganun po ba. Salamat po, huwag niyo na lang i-text na dumating na ako para sorpresa sana,” nakangiting sagot ni Maricris at saka pumunta sa nasabing babuyan. May kung anong kaba ang kaniyang nararamdaman ngunit kinalma niya ang sarili dahil alam niyang puro lalaki naman ang nandoon.

Malayo pa lamang siya ay natanaw na niya ang kaniyang asawa at napansin din niyang wala masyadong tao roon hindi katulad ng kaniyang iniisip. Nakatalikod si Jeric at nakita niyang masinsinang kausap nito si Ramil. Hanggang sa napahinto siya sa kaniyang paghakbang at napahawak sa kaniyang bibig. Nanigas ang kaniyang mga binti at tila namanhid ang kaniyang buong katawan sa kaniyang nasaksihan.

“Jeric,” wika ng babae saka pumatak ang kaniyang mga luha. Kasabay noon ay napansin siya ni Ramil.

“Maricris!” gulat na sinabi iyon ni Ramil saka tumayo si Jeric at binitiwan ang mukha ng kaniyang kumpare.

“Mari-cris” nanginginig na tinig ni Jeric.

“Kailan pa, Jeric? Bakit? Paano mo nagawa sa akin ‘to? Anong kasalanan ko sa’yo?” sabi ng babae saka bumagsak ang kaniyang mga luha.

“Wala kang kasalanan, Maricris, ako ang may problema at dati ko pa itong pinaglalabanan. Akala ko nung pinakasalan kita ay mawawala na pero hindi, binabae ako, Maricris, patawarin mo ako kung sa ganitong pagkakataon pa humantong ang lahat. Patawarin mo ako!” iyak ng lalaki saka lumuhod sa kaniyang asawa at niyakap ito.

Hindi na sumagot pa si Maricris at mas pinili na lamang niyang umalis. Tumakbo siya at umuwi nang mag-isa sa Maynila. Umalis siya sa kanilang tirihang mag-asawa at umuwi muna sa kaniyang pamilya. Halos tatlong buwan din siyang hindi nakipag-usap sa kaniyang mister hanggang sa nahanap niya ang tamang salita at lakas ng loob ay saka siya nakipagkitang muli kay Jeric.

“Gusto mo ba akong kasuhan? Saktan? Lahat ng ‘yan ay tatanggapin ko. Alam kong naging biktima ka ng kahinaan ko ng loob pero minahal kita, Maricris, sinubukan ko pero hindi ko talaga kaya dahil mas nananaig ang totoo sa pagkatao ko. Patawarin mo ako,” umiiyak na sinabi ni Jeric sa kaniya. Doon niya lamang nakita ang malambot na pagkatao ng kaniyang asawa, ng lalaking minahal niya.

“Gusto ko lang ayusin ang paghihiwalay natin ng tahimik. Hindi kita sasaktan at hindi kita hihiyain dahil naging masaya naman tayo. Kaya tanggap ko na, ang hiling ko na lang ay ang maging masaya tayo sa buhay pagkatapos ng lahat ng ‘to,” nakangiting sagot ng babae. Hindi na nagsalita pa ang lalaki at niyakap na lamang siya.

Alam niyang maraming kukutya sa naging istorya nila bilang mag-asawa ngunit mas mahalaga sa kaniya na nalaman niya ang totoo nang mas maaga habang wala pa silang anak. Alam niyang tama ang kaniyang naging desisyon at hindi niya ito pagsisisihan.

Advertisement