Pinuntahan ng Isang Kilalang Reporter ang Isang Barrio kung Saan Mayroon daw mga ‘Aswang’; Isang Matandang Babae ang Magpapatotoo Nito

Isang kilalang reporter si Kara ngunit imbes na mga nangyayari sa paligid ang kaniyang pinagkakaabalahan, mga kwentong kababalaghan ang gustung-gusto niyang gawan ng report.

Alas kuwatro ng umaga ay nagising siya dahil biglang tumunog ang kaniyang cell phone at agad niya iyong sinagot.

“Hello, Dino, napatawag ka?” aniya.

“Good morning, Kara! Ginising ba kita? Kailangan mo kasi itong malaman, e. ‘Di ba naghahanap ka ng ire-report mo tungkol sa kababalaghan? May nagkuwento kasi sa akin ng tungkol sa mga aswang sa Barrio Liwaswas, itinext ko na sa iyo kung saan iyon matatagpuan,” sabi ng lalaki sa kabilang linya.

Agad na binasa ni Kara ang sinasabing text message at saka binalikan ang kausap.

“Ang layo naman ng lugar na ito! Sigurado ka bang may mapapala ako kapag nagpunta ako roon?” singhal ng babae.

“Sigurado iyan! Ang sabi nang nakausap ko, totoo raw na may mga aswang sa lugar na iyon.”

Nagdesisyon si Kara na puntahan ang lugar kung saan may mga nakatira raw na mga aswang. Nagpasama naman siya kay Dino para may kasama siyang lalaki.

Advertisement

Makalipas ang halos labing-dalawang oras na biyahe ay narating din nila ang lugar. Agad nilang natanawan ang isang grupo ng mga matatanda na nakaupo sa harap ng isang maliit na tindahan.

“Magandang gabi po. Puwede po bang magtanong? Ito na po ba ang Barrio Liwaswas?” magalang na tanong ni Kara.

“Ito na nga ang Barrio Liwaswas, ineng. Teka, mga dayo kayo mula sa Maynila ‘no?” balik-tanong ng isang matandang lalaki.

“Opo. Ako po pala si Kara Reyes, isa po akong reporter galing sa Maynila,” sagot niya.

“A, ganoon ba. Naku, alam ko na kung bakit ka naririto, hija. Gusto mong malaman kung totoong may mga aswang na nakatira rito ‘no? Ang dami nang mga dayo ang nagpunta rito para malaman kung totoo nga ang mga aswang, pero kung gusto niyo talagang malaman, puntahan niyo si Manang Imang. Siya ang pinakamatanda rito sa buong barrio at siya ang naka-engkwentro sa aswang. Kailangan niyo lamang na iwanan ang sasakyan niyo magmula rito. Diyan sa gawing kanan kung natatanaw niyo yung maliit na ilaw na nanggagaling sa gasera. Doon kayo pupunta. Baybayin niyo na lang yung pilapil at matatanaw niyo na ang bahay niya,” detalyadong sagot ng matandang lalaki.

Sinunod nila ang sabi ng matanda at tinungo ang sinasabing bahay ni Manang Imang. Matapos ang humigit-kumulang na limang minuto ay nasa tapat na sila ng maliit na kubo. Tangkang kakatukin na sana nila ang pinto ngunit may nagbukas niyon na parang naramdaman ang pagdating nila.

“Anong kailangan ninyo?” bungad na tanong ng isang matandang babae.

“Magandang gabi po. Kayo po ba si Manang Imang? Ako po si Kara Reyes at siya naman po ang kasama kong si Dino.” Sabay magalang na inilahad ang kamay. Inabot naman iyon ng matanda.

Advertisement

“Kilala kita, hija. Isa kang kilalang reporter sa Maynila. Halina’t pumasok kayo sa loob,” paanyaya ni Manang Imang.

Tahimik lamang na nakatingin sa mga bisita ang matanda nang umupo ang mga ito sa kahoy na upuan.

“A, e Manang Imang. Mawalang galang na po. Nagpunta po kami rito para mangalap ng mga impormasyon tungkol sa mga aswang. Nabalitaan po namin na may mga aswang daw po rito sa Barrio Liwaswas? At may nakapagsabi po sa amin na naka-engkwentro niyo po ito?” tanongn ni Kara.

“Totoo iyon, hija. May mga gumagalang aswang dito sa aming barrio at minsan ko nang nakaharap ang isa sa kanila!” walang kagatul-gatol na sagot ng matandang babae.

At nagkatinginan na lamang si Kara at Dino sa ibinulgar nito.

“Matagal na iyon, beinte singko anyos pa lang ako noon nang makaharap ko ang isang aswang. Pauwi na ako noon galing sa paglalaba sa ilog nang bigla kong nakasalubong sa daan ang isang nakakatakot na nilalang. Punum-puno ng balahibo ang buo niyang katawan, nanlilisik ang kaniyang mga mata at may matatalas na mga kuko. Ang akala ko’y ako ang kaniyang bibiktimahin ngunit laking gulat ko nang atakehin niya ang isang lalaki na palihim palang sumusunod sa akin. Napagtanto ko na iniligtas niya pala ako sa tiyak na kapahamakan. Ang lalaking biniktima niya ay balak pala akong pagsamantalahan. Iniligtas ng aswang na iyon ang aking buhay kaya mula noon ay hindi ako naniniwala na lahat ng aswang ay masama. Naniniwala ako na ang ilan sa kanila ay may puso rin na handang tumulong sa mga taong nasa kapahamakan,” bunyag ng matanda.

“Ibig niyong sabihin, naniniwala kayo na may mga mabubuting aswang?” muling tanong ni Kara.

“Oo, hija. Nababalot man ng kadiliman ang kanilang pagkatao ngunit sa kabila niyon ay may kabutihan pa rin sa kanilang puso. Kaya masasabi kong huwag niyo silang katakutan dahil hindi naman lahat ng aswang ay basta-basta na lang kumikit*l ng buhay,” dagdag pa ng matandang babae.

Advertisement

Maayos naman ang pag-iinterview nina Kara kay Manang Imang kaya nang matapos iyon ay magalang na nagpaalam na sina Kara at Dino na babalik na ang mga ito sa Maynila ngunit sinabi ng matanda na ipagpabukas na nila ang pag-alis dahil malalim na rin ang gabi at doon na sila matulog. Pinaunlakan naman nina Kara ang paanyaya ni Manang Imang. Ipinaghanda pa sila ng masarap na pagkain ng matanda. Nang sumapit ang umaga ay tuluyan nang nagpaalam ang dalawa na babalik na sa Maynila. Pinabaunan pa sila ni Manang Imang ng pasalubong na kakanin. Labis-labis naman ang pasasalamat nina Kara at Dino sa kabaitan ng matanda.

Mabilis na pinaandar ni Kara ang kanilang sasakyan at nang makaalis ang dalawa ay patuloy silang hinahabol ng tingin ni Manang Imang at bumulong sa sarili.

“Totoong hindi lahat ng aswang ay kumakain ng laman ng tao, GAYA KO. Dahil alam kong ang bawat nilalang ay may karapatang mabuhay sa mundong ito,” sabi ni Manang Imang sa isip.

Walang kaalam-alam sina Kara at Dino na isa ring ASWANG si Manang Imang, ngunit hindi ito pumap*slang ng mga tao. Karne at dugo lang ng mga hayop ang kinakain ng matanda. Tahimik rin itong namumuhay sa barriong iyon gaya ng ordinayong tao. At totoo rin na mga aswang ang mga nakatira sa Barrio Liwaswas ngunit gaya ni Manang Imang ay hindi rin nanggagambala ang mga ito. Ang ikinuwento ng matanda sa dalawa ay totoong nangyari, isang dalaga ang iniligtas niya noon sa kapahamakan sa lalaking nagtangkang manamantala rito at ang matanda ang aswang na tumulong sa dalaga.