Nagustuhan ng Guro ang Panindang Ulam ng Mag-Ina; Ito pala ang Maghahatid ng Suwerte sa Kanila

Isang dalagang ina si Maricar kaya mag-isa niyang itinataguyod ang kaniyang anak na pawang nag-aaral pa sa elementarya. Kahit mahirap ang buhay ay desidido siya na igapang ang pag-aaral ng anak niyang si Melany kaya lahat ng puwedeng pagkakitaan ay pinasok na niya hanggang sa maisip niya na magtinda na rin ng lutong ulam.

Dalagita pa lang siya ay masarap na siyang magluto kaya naisip niyang pagkaperahan iyon. Inutusan rin niya ang anak na ibenta ang mga luto niyang ulam sa eskwelahan nito ngunit ayaw ng anak niya ang ideyang iyon.

“Inay naman, nakakahiya pong magdala niyan sa eskwelahan. Pagtatawanan ako ng mga kaklase ko!” maktol ng anak.

“Anong nakakahiya, e iyan ang isa sa mga bumubuhay sa atin ngayon. Huwag ka nang magreklamo diyan at sundin mo na ang utos ko!” aniya sabay abot ng paper bag na may lamang paninda.

Walang nagawa si Melany kundi sundin ang utos ng ina at nakasimangot na dinala sa eskwelahan ang panindang lutong ulam.

Sa pagpasok sa kanilang classroom ay nagulat si Melany dahil may bago silang guro.

“Good morning, class! Ako nga pala si Ms. Agnes Nepomuceno. Ako muna ang papalit sa guro niyong si Ms. Sanchez sa pagtuturo ng Agham dahil sa kabuwanan na niya ay nagfile na siya ng maternity leave. So, ako na muna ang magtuturo sa inyo simula ngayong araw,” paliwanag ng bagong guro.

Binati naman ng mga estudyante ang guro. Nakaramdam naman ng tuwa si Melany dahil pansamantalang mawawala ang masungit nilang guro na si Ms. Sanchez.

Advertisement

Isang araw ay napansin ng bagong guro ang mga paninda niya.

“Hi, Melany. Ano iyang ibinebenta mo sa mga kaklase mo?” tanong ng babae.

“Pinagbebenta po kasi ako ni nanay ng mga lutong ulam dito sa eskwelahan. Ito po kasi ang negosyo namin, ma’am,” sabi niya rito.

“Talaga? Maaari rin ba akong um-order sa iyo?” masayang tanong ng guro.

“Opo, ma’am. Ano po bang gusto niyo? Adobo, menudo o caldereta?”

Natuwa si Melany dahil bumili agad ang bago nilang guro sa paninda niya. Naibenta naman niya ng araw na iyon ang lahat ng paninda kaya pag-uwi sa kanila ay tuwang-tuwa ang kaniyang ina.

“Ang galing mo pa lang magbenta, anak, e. Naubos ang pinadala kong mga lutong ulam. Ano payag ka na araw-araw na ang pagdadala mo ng mga paninda natin sa eskwelahan niyo?” tanong ni Maricar sa anak.

“Inay, nagkataon lang iyon kasi may bago kaming guro na bumili ng tatlong klaseng ulam kaya naubos,” aniya habang nagkakamot ng ulo.

Advertisement

“Ang suwerte naman kung ganoon. Sana palagi siyang bumili sa iyo anak.”

“Sana nga po.”

Kinaumagahan, pagdating sa klase ay nilapitan agad si Melany ng kaniyang guro.

“Napakasarap ng mga lutong ulam ng nanay mo, nagustuhan din ng papa ko nang dalhan ko siya sa bahay kaya nga gusto niyang makausap ang nanay mo,” anito.

“Bakit daw po, ma’am?” nagtataka niyang tanong sa guro.

“Hindi ko alam, e. Basta gustong makilala at makausap ng papa ko ang nanay mo. Kaya iniimbitahan namin kayo sa bahay ngayong darating na Sabado. Sana makapunta kayo.”

“S-sige po ma’am, sasabihin ko po kay nanay.”

Sinabi niya sa ina ang paanyaya ng kaniyang guro. Kahit nagtataka ay pumayag si Maricar na makipagkita sa guro ng anak. Pinuntahan nila ang address na ibinigay ni Ms. Nepomuceno at laking gulat nila nang makita ang malaking bahay sa harapan nila.

Advertisement

“Anak, sigurado ka na dito nakatira ang guro mo? Aba, mukhang mayaman ang pamilya nila, kita mo ang laki at ang gandang bahay, o!” manghang wika ni Maricar.

“Opo, iyan lang naman po ang sinulat niyang address, e.”

Pinindot nila ang doorbell na nasa labas. Maya-maya ay may nagbukas ng pinto at bumungad sa kanila ang guro ni Melany na si Ms. Nepomuceno.

“Melany! Mabuti naman at nakarating kayo! Kayo po ba ang nanay ni Melany?” masayang bati ng babae.

“Opo, ma’am ako nga. Ikaw pala ang sinasabi nitong anak ko na bagong guro nila sa klase,” sagot ni Maricar.

“Ako nga po. Ikinagagalak ko po kayong makilala,” ani Ms. Nepomuceno at nakipag-kamay sa ginang. “Tuloy po kayo, kanina pa po kayo hinihintay ni papa!” yaya nito.

Nang makapasok sila sa loob ng malaking bahay ay mas lalo silang namangha dahil punumpuno ng mamahaling kagamitan ang buong sala. ‘Di nagtagal ay sinalubong sila ng isang matandang lalaki.

“Kayo ba ang magulang ng estudyante nitong aking anak?” masayang tanong ng matanda.

Advertisement

“Ako nga po. At ito po ang aking anak na si Melany, estudyante po ng inyong anak,” nahihiyang sagot ni Maricar.

“Ikinagagalak ko kayong makilala. Ako nga pala si Mauricio Nepomuceno., isang negosyante,” tugon ng matanda.

Nagulat si Maricar sa sinabi ng matandang lalaki. Pamilyar sa kaniya ang pangalang iyon.

“M-Mauricio Nepomuceno po ba kamo? Kayo po si Mr. Mauricio Nepomuceno na kilalang may ari ng pinakasikat na restaurant dito sa bansa?” tanong niya.

“Ako nga. Nang ipatikim sa akin ng aking anak ang iyong luto ay labis akong humanga dahil sa sobrang sarap ng pagkakaluto mo ng iyong mga ulam. Kaya gusto kitang aluking magtrabaho sa aking restaurant bilang tiga-luto. Babayaran kita ng malaki dahil sa sarap ng iyong mga lutong ulam. Kailangan sa aking restaurant ang isang katulad mo na mahusay magluto,” hayag ng matanda.

Hindi makapaniwala ang mag-ina na ang ama pala ng guro ni Melany ay isang kilala at mayamang negosyante. Inamin ng guro na mas pinili nitong magturo sa pampublikong eskwelahan imbes na tularan ang ama na isang negosyante dahil sa paguturo ito masaya. Hindi naman ito hinadlangan ng ama at hinayaan sa gusto nitong propesyon. Napakalaki ring oportunidad ang ibinigay ng negosyante para sa mag-ina dahil malaking tulong ito sa kanilang pamilya. Agad na pumayag si Maricar sa alok ni Mr. Nepomuceno.

Maayos ang naging pagtatrabaho ni Maricar sa restaurant ng mayamang negosyante. Mas lalo pa ngang dumami ang mga customer doon mula nang matikman ng mga kumakain sa restaurant ang masarap na luto ni Maricar. Pinag-aral din ng mabait na negosyante si Melany hanggang kolehiyo. 

Laking pasasalamat ng mag-ina at dumating sa buhay nila ang gurong si Ms. Nepomuceno, kundi dahil sa mabait na guro ay hindi nila makikilala ang mabait nitong ama na tumulong sa kanila upang magkaroon ng mas maayos at maginhawang pamumuhay.