Inday TrendingInday Trending
Pumunta sa Reunion ang Babaeng may Kapansanan; Doon pala Niya Matatagpuan ang Pag-ibig na Nakalaan sa Kaniya

Pumunta sa Reunion ang Babaeng may Kapansanan; Doon pala Niya Matatagpuan ang Pag-ibig na Nakalaan sa Kaniya

Bata pa lang si Winona ay alam na niya na hindi siya kailanman magkakaroon ng lovelife. Ipinanganak siyang walang mga paa at binti kaya buong buhay niya ay ang wheelchair lang ang kaniyang kasa-kasama kaya kahit kailan ay hindi na siya umaasa na mayroon pang lalaki na magmamahal sa kaniya nang tapat sa kabila ng kaniyang kondisyon. Masaya na siya sa pagmamahal ng kaniyang mga magulang at mga kaibigan.

Kahit may kapansanan ay hindi iyon naging hadlang para makapagtapos siya ng pag-aaral at makahanap ng trabaho. Dahil napagdaanan din niya ang hindi pantay na trato sa mga kagaya niya ay naghanap na lang siya ng trabaho online at masuwerte naman siyang natanggap bilang home-based content writer.

Isang araw ay may nag-message sa kaniya sa Facebook. Chinat siya ng isa niyang malapit na kabigan nung college na si Tetchie at iniimbitahan siyang dumalo sa gaganaping reunion ng kanilang batch.

“Ano, pupunta ka ba?” tanong ng kaibigan sa chat.

“Bahala na!” tanging sagot niya.

Alam naman niya kasi ang posibleng mangyari sa reunion na iyon. Siguradong pag-uusapan siya at posibleng pagtawanan kaya nagdadalawang-isip siyang pumunta sa reunion.

“Sige na, Winona. Minsan lang naman iyon mangyayari at saka dadalo rin ang mga kaibigan nating sina Rose, Cathy at Digna!”

“Talaga, pupunta rin sila?” biglang natuwa si Winona nang malamang dadalo rin sa reunion ang matatalik niyang kaibigan.

“Ano payag ka na?”

“Hmmm… Oo na sige na, payag na ako. Pupunta na ako!”

Sumapit ang araw ng reunion at dumalo nga roon si Winona. Nang makita siya ng mga dating kaibigan at kaklase ay laking tuwa ng mga ito at kinamusta siya.

“Uy, Winona kumusta ka na? Na-miss ka namin, sobra!” masayang wika ni Digna.

“Mas lalo kang gumanda! Anong secret mo?” ani Cathy.

“Grabe, ilang taon lang tayong hindi nagkita-kita, sumobra na ang pagkabolera niyo ha!”

“’Di nga, Winona. Mas gumanda ka nga ngayon. Hindi kami nagbibiro!” sabi ni Rose.

“Ikaw naman kasi, ayaw mong aminin sa sarili mo na maganda ka,” ani Tetchie.

“Alam niyo naman ang friend nating iyan, sobra ang pagka-humble,” hirit pa ni Cathy.

Napatigil sila sa kanilang pag-uusap nang may makita silang pamilyar na mukha sa reunion nila.

“S-si Brian ba iyon?” manghang tanong ni Digna.

“Oo siya nga iyon! Napaka-guwapo pa rin niya ‘no!” ani Rose.

Ang tinutukoy nila ay ang kaklase nilang si Brian na hinahangaan noon ng buong campus. Maraming babae ang nagkakagusto at nahuhumaling sa lalaki ngunit sa isang babae lang tumibok ang puso ng lalaki.

Nang makita nito na nag-uusap ang magkakaibigan ay agad itong lumapit.

“Good evening, girls! Kumusta na kayo?” anito.

“Okay lang naman kami, Brian. Si Winona hindi mo ba kukumustahin?” kinikilig na sabi ni Tetchie.

Nang muling magtama ang mga mata nina Winona at Brian ay bumalik sa kanilang alaala ang mga nangayri.

Silang dalawa ay dating magkasintahan na pinaghiwalay ng pagkakataon. Mula nang makilala ni Brian si Winona ay nagustuhan na niya ito kahit pa may kapansanan ang dalaga. Kahit marami sa mag-aaral at mga kaklase nila ang nagpapahiwatig sa lalaki ay hindi iyon umubra rito at tanging kay Winona lang umikot ang mundo ng lalaki ngunit hindi boto ang pamilya ni Brian sa dalaga dahil sa kapansanan nito. Tinakot ng mga magulang ang binata na itatakwil kapag ipinagpatuloy ang pakikipagmabutihan kay Winona. Natakot si Brian sa banta ng mga magulang at sinunod ang mga ito kaya mula noon ay iniwasan na nito ang dalaga hanggang sa maka-graduate sila ay hindi na sila nag-usap pa.

“W-Winona, maaari ba tayong mag-usap?” seryosong tanong ng lalaki.

Tumango naman ang dalaga at pinagbigyan ang hiling nito. Iniwan muna sila ng mga kaibigan para makapag-usap ang dalawa.

“Ang totoo ikaw talaga ang sinadya ko rito, Winona,” anito.

“Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan, hindi ba tinapos mo na sa atin ang lahat mula nang iwasan mo ako at hindi na kailanman kinausap?”

Bumuntong-hininga muna ang lalaki bago ipinagpatuloy ang sasabihin.

“Mahal pa rin kita, Winona. Kahit kailan ay hindi ka nawala sa puso at isip ko. Kaya nga hanggang ngayon ay binata pa rin ako at wala pang asawa dahil ang hirap makahanap ng isang kagaya mo. Inaamin ko na natakot ako noon sa mga magulang ko, pero pinagsisihan ko na iyon. Wala na akong pakialam kung itakwil man ako ng aking pamilya, ang mahalaga ay ang nararamdaman ko sa iyo. Kung noon ay hindi kita nagawang ipaglaban, ngayon ay handa na ako dahil mahal na mahal kita,” wika ni Brian.

‘Di namalayan ni Winona na nangingilid na pala ang luha sa kaniyang mga mata. Hindi siya makapaniwala na muling babalik sa buhay niya ang kauna-unahan at kaisa-isang lalaking minahal niya.

“Ang akala ko’y tuluyan mo na akong kinalimutan, Brian. Kaya naniwala ako na kahit kailan ay hindi na ako makakahanap pa ng tunay na pag-ibig dahil sa aking kapansanan. Aaminin ko na labis akong nasaktan nang iwan mo ako, inakala ko na pinaglaruan mo lang ang aking damdamin at ang aking kondisyon,” hayag ng dalaga.

“Hindi totoo iyan mahal ko, kahit kailan ay hindi ko magagawang paglaruan ang damdamin mo dahil ikaw lang ang nandito sa puso at isip ko.”

Hindi na napigilan pa ni Winona ang masaganang luha na dumaloy sa kaniyang mga mata na agad namang pinahid ng lalaki.

“Hinding-hindi na ako aalis, mahal ko. Pinapangako ko sa iyo na habambuhay na tayong magsasama. Ano, handa mo pa ba akong tanggapin sa buhay mo?” tanong ng lalaki.

Nang may biglang tumugtog ng sweet music. Napukaw ang atensyon ng mga taong naroroon sa magandang musikang iyon.

Nagulat si Winona nang makita ang lalaking may hawak na pumpon ng mga bulaklak at isang maliit na kahon.

“B-Brian? A-anong?”

Binuksan ni Brian ang maliit na kahon sa harap ng dalaga.

“Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito, Winona at sana ay hindi mo ako tanggihan,” pagtatapat ng lalaki.

“B-Brian…”

“Nang malaman ko ang tungkol sa reunion ay agad akong nagplano at alam kong ito na ang tamang oras at lugar para ipagtapat ko sa iyo ang totoo kong nararamdaman,” bunyag ni Brian.

Laking gulat ni Winona nang malaman ang plano ng lalaki. Hawak ang kahon at bulaklak ay lumuhod sa harap ni Winona ang lalaki para hingin ang kamay niya.

“Please give me another chance. Will you marry me?”

Napahulgol sa sobrang saya si Winona sa sinabing iyon ng lalaki.

“Huwag ka nang umiyak,” bulong nito habang pinapahid ang kaniyang luha.

Nagsigawan naman ang mga kaibigan at mga kaklase nila. “Sasagot na ‘yan! Sasagot na ‘yan!”

Muling ibinaling ni Winona ang tingin kay Brian at sinagot ng buong puso ang tanong nito.

“Yes, Brian! I love you… and I will marry you!” aniya sabay yakap nang mahigpit sa lalaki. Inilabas na ni Brian ang dalang singsing at isinuot sa daliri ng babae.

Hindi na napigilan ng dalawa ang kanilang nararamdaman at hinalikan sa labi ang isa’t isa habang masayang nagpapalakpakan at naghihiyawan ang tuwang-tuwa nilang mga kaklase at kaibigan.

Saglit mang pinaghiwalay ng pagkakataon sina Winona at Brian ay pinagtagpo pa rin sila ng tadhana para ituloy ang naudlot nilang pag-iibigan. Hindi hadlang ang pagkakaroon ng kapansanan para matagpuan ang tunay na pagmamahal, basta may busilak na puso at totoo ang iyong nararamdaman ay makakamtan din ang pinakamimithing forever.

Advertisement