Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Dalagitang Ito ang Kaniyang Tatay Dahil sa Hitsura Nitong Dugyot, Palibhasa ay Tagawalis ng mga Kalat sa Kalsada; Bakit Kaya Siya Natauhan?

Ikinahihiya ng Dalagitang Ito ang Kaniyang Tatay Dahil sa Hitsura Nitong Dugyot, Palibhasa ay Tagawalis ng mga Kalat sa Kalsada; Bakit Kaya Siya Natauhan?

Tahimik na umuwi si Delia matapos ang kanilang klase. Inihayag ng kanilang gurong tagapayo na magkakaroon ng pagpupulong sa kanilang paaralan at kailangang dumalo ang kanilang mga magulang. Taon-taon naman itong ginagawa sa kanilang paaralan, at maging sa ibang paaralan, upang makausap at makapagbigay ng pidbak ang mga guro sa performance ng kanilang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga magulang.

Sa buong pag-aaral ni Delia, laging ang nanay nila ang dumadalo sa mga ganitong gawain. Subalit nang sumakabilang-buhay ang kanilang nanay dahil sa isang malubhang karamdaman, ang kaniyang Kuya Mario na ang dumadalo rito para sa kaniya.

Ayaw niyang dumadalo, o nakikita man lamang ng kaniyang mga kaklase at kaibigan ang kaniyang tatay. Si Mang Lando. Ikinahihiya niya ang hitsura nito. Madalang mag-ahit ng mga balbas at bigote. Hindi nag-aayos ng sarili. Isa itong tagawalis ng mga kalat sa kalsada sa ilalim ng pamamahala ng lokal na pamahalaan.

Malayo rin ang loob ni Delia sa kaniyang tatay. Aminado siyang mas malapit siya sa kanilang sumakabilang-buhay na nanay kaya’t labis ang kaniyang kalungkutan nang lumisan kaagad ito sa daigdig. Nang magkaroon na ng sariling pamilya ang kuya, nagmakaawa siya rito na kunin at isama na lamang siya dahil ayaw niyang maiwan sa kanilang tatay. Sinuweto siya nito at pinagsabihan.

“Ano ka ba, hindi puwede iyon, paano naman ang Tatay? Kailangan ka niya ngayon.”

Sa tuwing pumapasok sa paaralan si Delia, umaalis siya ng madaling-araw upang hindi niya mabungaran ang tatay. Subalit mas maagang gumigising sa kaniya si Mang Lando upang ipaghanda siya ng almusal at ipag-init siya ng tubig para sa kaniyang paliligo.

Pinaplantsa nito ang kaniyang mga unipormeng blusa at palda.

Pinakikintab ang kaniyang mga sapatos.

Binibigyan siya nito ng malaking halaga ng baong pera at laging pinaaalalahanang huwag siyang magbubulakbol o kaya naman ay maagang pumasok sa pakikipagrelasyon. Sa kabila nito, ayaw pa rin niyang makita ito ng kaniyang mga kaibigan, kaklase, at guro sa paaralan.

Agad na tinawagan ni Delia ang kaniyang Kuya Mario na matagal nang bumukod ng tirahan matapos magkaroon ng sariling pamilya.

“Kuya, sige na… ikaw na ang dumalo sa pulong sa aming paaralan. Parang awa mo na,” pakiusap ni Delia.

“Naku Delia, hindi maaari, may trabaho ako bukas, alam mo naman. Isa pa, nariyan naman si Tatay ah, bakit hindi siya ang papuntahin mo? Mainam nga iyon para makilala ni Tatay ang mga guro mo,” wika ni Kuya Mario.

Napakamot sa kaniyang ulo si Delia.

“Kuya naman eh… alam mo naman ang isyu ko kay Tatay, ‘di ba? Nakakahiya kasi siya. Ano na lamang ang sasabihin ng mga kaklase ko kapag nakita nilang dugyot ang tatay natin? Nakakahiya!”

“Delia, mali ‘yang iniisip mo. Huwag mong ikahihiya si Tatay. Tatay pa rin natin siya kahit na anuman ang hitsura at trabaho niya. Aminado ako, guilty ako diyan. Pero ngayong may anak na ako, napagtanto ko na anuman ang sabihing hindi maganda sa akin ng anak ko, ng pamangkin mo, masakit sa akin. Ganoon din si Tatay. Gusto mo bang masaktan si Tatay dahil ikinahihiya mo siya?” pangaral ni Kuya Mario.

Sumimangot si Delia.

“Delia, tigilan mo na ‘yan ha? Huwag mo naman ikahiya si Tatay. Siya ang dahilan kung bakit nakakapag-aral ka ngayon.”

“Oo na. Tama na ang sermon, kuya. Pag-iisipan ko,” at ibinaba na ni Delia ang linya.

Sinubukan niyang pakiusapan ang kaniyang mga tiyahin at maging ang mga nanay ng kaniyang mga kapitbahay ngunit lahat sila ay tumanggi dahil may kani-kaniya rin naman silang ginagawa at pinagkakaabalahan sa buhay.

Lulugo-lugong umuwi na lamang si Delia sa kanilang bahay. Napansin niyang nakauwi na pala ang kaniyang Tatay at may kasama itong kasamahan sa trabaho. May panauhin pala sila.

Narinig niya ang pinag-uusapan ng dalawa.

“Masuwerte ka sa mga anak mo, Lando. Mukhang hindi ka binibigyan ng problema,” saad ng kanilang panauhin.

“Oo naman. Wala akong naging problema sa mga batang iyan. Ang panganay ko, bago mag-asawa, nagtapos muna ng pag-aaral at kahit paano ay nakakapagbigay-bigay sa akin. Yung bunso ko naman, matalino ‘yun. Ipinagmamalaki ko sila!”

May kumurot sa puso ni Delia nang marinig ang mga papuri ni Mang Lando sa kanila ni Kuya Mario.

“Mabuti naman kung gayon. Naku, yung mga anak ko, kung hindi bulakbol ay nakadukmo lamang ang mga mukha sa cellphone o computer.”

Hindi napigilan ni Delia na maging emosyunal. Bigla siyang nakaramdam ng sundot sa konsensya. Ikinahihiya niya ang Tatay niya na naging mabuting magulang sa kanila, pero heto’t ipinagmamalaki naman sila.

Sa araw ng pagpupulong, nakangiting ipinakilala ni Delia si Mang Lando sa kaniyang mga guro at kaklase. Napag-isip-isip niyang hindi niya dapat ikinahihiya ang kaniyang tatay; sa halip, marapat lamang itong ipagmalaki at ibida dahil sa pagiging masikap, masipag, at mabuti nitong magulang.

Advertisement