Inday TrendingInday Trending
Nagnegosyo ng Ihaw-Ihaw ang Ginang na Ito sa Tapat ng Kanilang Bahay; Maging Matagumpay Kaya Ito?

Nagnegosyo ng Ihaw-Ihaw ang Ginang na Ito sa Tapat ng Kanilang Bahay; Maging Matagumpay Kaya Ito?

Matagal nang plano ni Aling Bettina na isakatuparan ang negosyo niyang ihaw-ihaw sa tapat ng kanilang bahay. Sadyang mahilig siya sa mga inihaw na pagkain gaya ng barbecue, isaw, betamax, helmet, balun-balunan, at iba pa. Kaya naman nang magkaroon ng pangkapital mula sa mga padala sa kaniya ng mister na OFW, isinakatuparan na niya ang matagal na niyang inaasam-asam na gawin.

Nakabili na rin siya ng ihawan. Nakuha niya nang mura sa isang kalugar na nakita niyang gumagawa ng ihawan sa murang halaga lamang, sa pamamagitan ng isang social media page.

Naplano na rin niya kung anong oras gigising araw-araw upang mamakyaw ng mga ibebentang ihaw-ihaw.

Nakahanda na rin ang mga uling na ipapabaga niya, ang gaas, at ang pang-ipit upang mabali-baligtad niya ang mga iniihaw.

Kinabukasan nga ay nagsimula na siya. Sa tapat lamang ng kanilang bahay. Katu-katulong niya ang bunsong anak na lalaki. Upang hindi na magpaypay, inilabas nila ang isang luma ngunit gumagana pang maliit na bentilador at itinutok sa nagbabagang uling.

Pumailanlang ang aroma ng usok na nakahikayat sa mga kapitbahay at mga napapadaan na bumili sa kanila.

Maya-maya, nasa bungad na si Aling Priscilla, isa sa mga kapitbahay nila. Sambakol ang mukha nito.

“Hoy! Bettina! Ihinto mo nga itong negosyo mong ito! Yung usok ninyo, napunta na sa loob ng bahay namin! Ano ba kami, tinapa? Amoy-usok na ang mga sinampay at loob ng bahay ko. May permit ba kayo bago kayo magnego-negosyo nang ganito?” talak ni Aling Priscilla sa kaniyang kapitbahay.

“Aba teka muna Priscilla, maghulos-dili ka muna. Ang arte-arte n’yo naman! Akala ninyo rich kid kayo… hoy, marangal itong negosyo ko ‘no? Inggit ka lang! Ikaw, wala ka nang ginawa kundi ang kainggitan ako ha? Ano bang problema mo?” ganting sagot ni Aling Bettina.

“Hindi ako naiinggit sa iyo, at bakit naman ako maiinggit sa iyo, aber? Hindi ko kailangang magnegosyo ng ihaw-ihaw na ganyan dahil sapat na sapat ang kinikita ng mister ko sa ibang bansa. At kung magnenegosyo man ako, sisiguraduhin ko na hindi makakaperwisyo sa mga kapitbahay!” asik ni Aling Priscilla.

“Eh ‘di ikaw na ang nakakaluwag-luwag sa buhay, sinluwag ng turnilyo mo sa ulo! Para sabihin ko sa iyo, sapat na sapat din ang kinikita ng mister ko sa ibang bansa, ang mister ko na nagpasok diyan sa mister mo! Pero hindi ako kagaya mo na umaasa lang sa padala ng mister at maghapong nakatihaya sa bahay nila, nagpapasarap sa buhay, at nakikiusyoso sa buhay ng may buhay!”

Nagpanting ang mga tenga ni Aling Priscilla. Nakahanda itong sumugod sa kaniya nang mapahinto ito. Tinawag ito ng isa sa mga anak.

“Mama! Si Kristine! Si Kristine po ay hinihika at hindi makahinga!”

Hindi natuloy ang panunugod ni Aling Priscilla kay Aling Bettina dahil agad itong umuwi upang daluhan ang anak.

Pero bago ito tuluyang umalis ay pinagsalitaan pa ulit nito si Aling Bettina.

“Oh kita mo na? Kaya kita pinapahinto dahil may hika ang anak ko! Nasasagap niya ang mga usok. Kapag may nangyari sa anak ko, tinitiyak ko sa iyo, hindi kita tatantanan! Umabot na tayo kung saan tayo umabot!”

Naalarma naman si Aling Bettina nang malaman ang nangyari sa anak ng kapitbahay. Hikain pala ito.

Kinabukasan, dumating ang mga barangay tanod sa bahay ni Aling Bettina upang ibigay ang isang kalatas mula sa kapitan.

“Inaanyayahan po kayo ni Kapitan para sa isang pagdinig. Inirereklamo po kayo ng kapitbahay ninyo.”

Agad namang nagpaunlak si Aling Bettina.

“Misis, may permit po ba kayo sa inyong negosyo?” tanong ng kapitan.

“Wala ho eh… pero kukuha naman po ako kung kinakailangan talaga,” sabi ni Aling Bettina.

Kumontra naman si Aling Priscilla.

“Pero hindi ako makakapayag, dahil kahit na may permit ka pa, kung nakakapinsala ka naman sa mga kapitbahay mo, huwag mo na lang gawin ‘yan. Kita mong magkakadikit ang mga bahay dito sa atin eh, gaganyan ka pa? Kung gusto mong magnegosyo ng ganyang ihaw-ihaw, hindi kita pakikialaman, pero doon sa mas tamang lugar, huwag sa atin!” katwiran naman ni Aling Priscilla.

Upang matapos na ang usapin, minabuti na lamang ni Aling Bettina na kumuha na lamang ng ibang puwesto upang maipagpatuloy ang kaniyang negosyo. Naisip niya na may punto naman ang mga sinasabi ng kapitbahay, lalo na’t may anak itong hikain. Kung siya rin naman ang nasa sitwasyon nito, ganoon din ang gagawin niya.

Simula noon ay hindi na siya pinakialaman pa ni Aling Priscilla. Ibinaon na rin ni Aling Bettina sa limot ang kanilang naging hidwaan.

Advertisement