Ibinahagi ng Misis sa Grupong Pangkakabaihang Kinabibilangan Kung Gaano na Kalala ang Panlalamig sa Kaniya ng Mister; Susundin Ba Niya ang Payo Nila na Hiwalayan Ito?
Sa kauna-unahang pagkakataon ay dumalo sa isang grupo ng kababaihan si Nessa. Inaya siya ng kaibigang si Josie na subuking sumali sa grupong ito na naglalayong magkaroon ng kapatiran sa mga babae, lalo na ang mga malulungkot sa kanilang buhay may asawa.
Bumuo sila ng isang malaking bilog at umupo nang harapan.
Dahil siya ang bago, siya ang unang sumalang sa pagbabahagi ng kaniyang problema.
“Sabihin mo lamang, Nessa, ang lahat ng gusto mong sabihin. Makikinig kami. Pagkatapos, isa-isa kaming magbibigay ng reaksyon at opinyon namin. Ikaw na ang bahala kung dadamputin mo kung anuman ang mga sabihin namin,” pagbibigay-panuto ng tagapagdaloy nito.
Tumango-tango naman si Nessa. Bago sa kaniya ito dahil sanay siyang kinikimkim lamang ang kaniyang mga nararamdaman.
“Maaari ka nang magsimula, Nessa…”
Tumikhim muna si Nessa. Inalis ang kung anong nakabara sa kaniyang lalamunan. Saka na siya nagsimulang magsalaysay.
“A-Ako si Nessa. Pamilyado. Walang amor sa akin ang asawa ko… Tatlong taon na kaming kasal at tatlong taon na rin ang anak naming lalaki. Sa pinansyal na aspeto, okay naman kami, nakabukod na kami ng bahay, may negosyo siya, ako naman ay simpleng maybahay dahil pinahinto niya ako sa pagtatrabaho simula nang magka-anak na kami.”
Saglit na huminto sa kaniyang pagsasalaysay si Nessa. Sinulyapan niya ang lahat. Nakikinig sa kaniya ang lahat.
“Pero kahit na masasabi kong maayos ang mga aspetong iyon sa pagsasama namin, parang may mali pa rin. Dalawang beses niya na kong sinasabihan na lumayas sa aming bahay, sa tuwing sinisita ko siya kapag gabing-gabi na siyang umuuwi sa bahay, lalo na kapag kasa-kasama niya ang barkada niya sa inuman. Kanina lang nag-away kami dahil sa simpleng bagay at sinabihan niya ako na ‘Umalis ka na lang’ at ‘Wala na akong pakialam sa iyo’.”
“Napansin ko rin na mainitin na ulo ang niya, at lagi siyang nakasigaw sa mga simpleng bagay. Kapag naglalambing naman ako sa kaniya, kapag humihiling ako ng yakap at halik, gagawin niya pero smack lang. Isang simpleng halik lamang sa pisngi. Pero siya, hindi siya humiling sa akin na gawin ko rin iyon sa kaniya. Hindi siya humiling na yakapin at halikan ko siya….” at sa pagkakataong ito ay napaiyak na si Nessa.
“Sis, kalma ka lang…” umusod nang kaunti ang kaniyang katabi. Hinimas-himas ang kaniyang likod.
Napansin ni Nessa na parang mangiyak-ngiyak na rin ang ilan. Nagpapahid ng tissue paper o panyo sa sulok ng kanilang mga mata. Mukhang nakakaugnay sila.
Tumikhim si Nessa. Pinahid ng mga kamay ang mga luhang sumungaw sa kaniyang mga mata. Saka siya nagpatuloy.
“H-Hindi na kami nagtatabi bilang mag-asawa. M-Matagal na akong tigang. May kuwarto kami pero mas pinipili niyang sa sala matulog. Oo, tumaba ako pagkatapos kong manganak, hanggang ngayon. Hindi ko na naibalik ang katawan ko. Isa lang ang anak namin pero simula noong nagbuntis ako hanggang ngayon na 4 na taong gulang na ang anak namin, wala pang limang beses na may nangyari sa amin ulit. Ako pa lahat nag-aya niyan. Napilitan siya. Hindi ito normal sa mag-asawa, ‘di ba? Tuwing nag-aaya ako sa kaniyang maging intimate at sweet, ayaw niya kahit ginagawa kong biro para ‘di masakit kasi alam kong tatanggi siya…”
“Mahal niya ang anak namin pero sinasabi niya na kaya niya akong mawala, ‘yung anak namin hindi.”
“Bakit ganoon? Kaya ko pang maghanap ng pagkakakitaan or mag-aplay ng trabaho kung uuwi man ako sa mga magulang ko kasama ang anak namin. Pero aaminin ko sa inyo, kinakabahan ako sa naiisip kong hiwalayan siya. Ano po ba ang nararapat kong gawin?”
Isa-isa nang nagbigay ng kanilang opinyon ang mga babaeng nakapaligid sa kaniya.
“Hindi po talaga normal. May iba na ‘yan. Paggalang sa sarili na lang po ang itira mo sa sarili mo. Mas okay nang humiwalay ka at maging broken family kayo kaysa manatili ka sa taong sinlamig ng yelo para lang sabihing buo ang pamilya mo. Nariyan ang Panginoon para gabayan ka, basta tulungan mo rin sarili mo. You deserve much better.”
“Sis, magbalik-alindog ka, mag-diyeta ka muna, tapos kausapin mo ang asawa mo nang masinsinan kung bakit ganoon na siya sa iyo, o kung ano ang nais niya… tandaan mo, nasa babae ang itatagal ng pagsasama ng isang buong pamilya.. Ibalik mo ang dating alindog na mayroon ka.”
Napatingin ang ibang mga miyembro sa babaeng nagsalita subalit nagtaas lamang siya ng kilay. Iyon ang opinyon niya at wala silang magagawa.
“Sabi nga nila, kapag nanlalamig na, may ibang nagpapainit. All the signs are there. Ayaw tumabi, ayaw ng intimacy, laging nakasigaw, diretsahan nang nagsasabing hindi ka na mahal at lumayas ka na. Sa madaling sabi, wala nang respeto. Mag-isip-isip ka na. Pero nasa sa iyo iyan kung isasalba mo pa. Kung hindi mo na kaya, isalba mo na ang sarili at ang anak mo.”
Lahat nang ito ay tinandaan ni Nessa.
Pag-uwi niya sa bahay…
Sinalubong siya ng nakangiting mister.
“Mahal, mabuti naman at dumating ka na… nakahanda na ang hapunan. Alam kong gutom ka na…”
“Lumayas ka nga sa harapan ko, Henry! Naiinis ako sa tuwing nakikita ka! Lumayas ka na nga rito sa bahay. Naaalibadbaran ako sa iyo!” tungayaw ni Nessa sa mister.
“G-Grabe naman Mahal… lagi ka na lang ganyan sa akin. Ginagawa ko naman ang lahat para maiparamdam sa iyo ang pagmamahal ko, bakit simula nang manganak ka, ganyan ka na sa akin?”
“Wala na akong pakialam sa iyo! Alis!”
Lahat ng mga ibinahagi kanina ni Nessa sa kanilang grupo ay kabaligtaran.
Ang totoo niyan, siya ang nanlamig na sa kaniyang mister. Siya ang laging nang-aaway, ayaw nang tumabi sa kaniyang mister, umuuwi nang lasing dahil sa pagsama sa barkada, at mapanakit.
Pinalabas niyang ang masama sa kanilang relasyon ay ang mister, na kung tutuusin ay napakabuting asawa sa kaniya.
“Mahal… alam kong naging matagal ang epekto ng post-partum sa iyo, pero tatandaan mo, hinding-hindi ako susuko sa iyo, kasi mahal na mahal kita…” sabi ni Henry at tinangkang niyakap ang misis.
Alam ni Henry na matatagalan pa ang lubusang paggaling ng kaniyang misis, na bukod sa post-partum ay dumaan din sa matinding problema sa mental health, subalit mahal niya ang misis, at tanggap niya ito simula pa noong una.
Mananatili siya sa taong mahal niya.