Inday TrendingInday Trending
Nagdadalawang-Isip na ang Babae Kung Pakakasalan ba Niya ang Nobyo Dahil Ultimo Pampa-Check Up Niya sa Klinika ay Hindi Nito Maibigay; Ito Rin Ba ang Dahilan ng Kanilang Paghihiwalay?

Nagdadalawang-Isip na ang Babae Kung Pakakasalan ba Niya ang Nobyo Dahil Ultimo Pampa-Check Up Niya sa Klinika ay Hindi Nito Maibigay; Ito Rin Ba ang Dahilan ng Kanilang Paghihiwalay?

Dalawang taon nang magkasintahan sina Jennina at Dindo. Nagtatrabaho sa BPO bilang call center agent si Jennina habang si Dindo naman ay merchandizer. Hanggang sa nabuntis ni Dindo si Jennina.

“Babe, kailan tayo magpapakasal? Kasi nalaman na ni Mama na buntis ako. Sabi niya, mas mainam daw na nakabukod tayo. Iba pa rin daw kapag nakabukod ang mag-asawa, yung nagsisimulang bumuo ng sariling pamilya at malayo sa mga mata ng mga magulang ng bawat isa na kailangang pakisamahan,” tanong ni Jennina sa kaniyang nobyo.

“Darating naman tayo diyan babe. Kaya lang syempre, kailangan ko pa ring mag-ipon. Hindi pa ako handa eh. Hindi pa ako handang magkapamilya dahil alam mo naman, maliit lang ang sahod ko bilang isang merchandizer. Wala pa akong naiipon,” paliwanag naman ni Dindo.

“Ah ganoon ba babe…” nasabi na lamang ni Jennina. Lihim siyang nasaktan sa mga sinabi ni Dindo.

Sa tagal ba ng pagsasama nila ay hindi nito naisip na mag-ipon para sa kasal nila? O para man lamang sa kinabukasan nila?

Paano na ngayong magkaka-baby na sila? Wala rin ba itong plano sa kanila?

Naikuwento ni Jennina ang bagay na ito sa kaniyang matalik na kaibigang si Denise.

“Huwag mo munang i-pressure si Dindo kung talagang hindi pa niya kaya. Kaya lang, syempre, dapat bago ka niya buntisin eh kahit paano, handa na siya sa pinansyal na aspeto. Mahirap maging magulang ah. Masarap gawin ang pagbuo ng anak, pero kapag nariyan na iyan at lumalaki na, maiisip mo na hindi birong magpalaki ng tao! Batay sa karanasan ko, be,” sabi ni Denise na may anak at asawa na rin.

“‘Di ba? Ibig sabihin ba ay wala siyang plano para sa amin at magiging responsableng ama siya? Sa palagay mo ba ay red flag na si Dindo?”

“Anong ibig mong sabihin? Anong balak mo?”

“Kung ngayon pa lang ay parang wala na siyang plano sa amin ng magiging anak niya, kapag nag-aya siyang pakasalan ako, hindi ako papayag. Kasi baka mamaya, hindi naman niya ako kayang mapanindigan at ang anak namin. Kung tutuusin, mas malaki nga ang suweldo ko sa kaniya. Kayang-kaya kong buhayin ang anak ko na ako lamang ang mag-isa,” matatag na sabi ni Jennina.

“Hay naku Jennina, pag-isipin mo munang maigi iyan at huwag kang magpadalos-dalos. Baka mamaya, pagsisihan mo ang mga desisyon na gawin mo. Ang mabuti pa, kausapin mo siya sa mga bagay na iyan para alam din niya ang gagawin niya,” payo naman ni Denise sa kaniyang kaibigan.

Ngunit mas lalong umigting ang naiisip ni Jennina hinggil sa kasintahan nang humingi siya rito ng pera upang makapagpa-check up siya sa isang pribadong klinika o ospital para sa kaniyang pinagbubuntis.

“Babe, kasi… wala pa akong suweldo eh…” sabi ni Dindo. “Baka puwedeng sa health center na muna sa barangay.”

“Ha? Grabe ka naman sa akin. Unang pagbubuntis ko ito tapos sa health center lang? Gusto ko naman sa pribadong klinika o kaya sa ospital. Sige, ako na nga lang ang gagastos, wala pala akong aasahan sa iyo,” galit na sabi ni Jennina.

Kaya naman, nabuo sa sarili niya na hinding-hindi siya papayag na magpakasal kay Dindo. O kaya naman, kapag inaya siya nitong magsama na sila. Kung ngayon pa nga lang na pampa-check up sa kaniya ay hindi nito magawa, paano pa kapag lumalaki na ang anak nila? Pakiramdam niya tuloy ay wala itong ka-amor-amor sa kaniyang pagbubuntis.

Simula noon ay iniwas-iwasan na ni Jennina ang nobyo. Sa tuwing nag-aaya itong makipagkita sa kaniya, marami siyang alibi.

Hanggang isang araw ay dumalaw na ito sa kanilang bahay.

“Anong problema babe? Bakit ayaw mo nang makipagkita sa akin?”

“Anong problema? Sige, makinig ka sa akin. Pakiramdam ko kasi wala kang pakialam sa akin, at sa magiging anak mo. Diyos ko, pa-check up lang hindi mo pa magawa? Paano pa kaya kapag ikinasal na tayo? Kapag mag-asawa na tayo? Pero pakakasalan mo nga ba ako? Kaya mo bang gastusan ang isang kasalan na may matino-tino namang reception? Baka nga pangkain namin ng baby, hindi mo maibigay dahil lagi mo namang kinakatwiran na maliit ang suweldo mo,” sumbat ni Jennina sa kaniyang nobyo.

“Ang sakit mo namang magsalita, babe. Palibhasa, hindi mo alam ang lahat-lahat. Sige, halika’t sumama ka sa akin.”

“Saan tayo pupunta?”

“Basta. May pupuntahan tayo.”

Sumama naman si Jennina sa kaniyang nobyo. Matapos ang halos isang oras na biyahe, nasa harapan na nila ang isang unit ng bahay na may dalawang palapag, na nasa loob ng isang village na pag-aari ng isang real estate developer.

“Ito ang dahilan kung bakit hindi pa kita maalok ng kasal, babe. Sabi ko, bago ko muna gawin ‘yun, sisiguraduhin ko muna na may bahay tayo. Heto, malapit ko nang matapos ang paghuhulog ng buwanang equity nito, at kapag natapos ko na, puwede na itong tirhan. Pagkatapos, monthly amortization naman ang bubunuin sa loob ng 10 taon. Pasensya ka na sa akin… hindi naman totoo na wala akong pakialam sa inyo ng baby natin, pero ang gusto ko kasi, nasa ayos na ang lahat kapag nagpakasal na tayo. Pero sa ngayon, may sarili na tayong bahay. Sopresa ko sana ito sa iyo eh, kaya lang, sa mga sinasabi mo kanina, baka mamaya hindi na umabot yung araw na iyon,” paliwanag naman ni Dindo.

Nakonsensya naman si Jennina sa kaniyang mga binitiwang mga salita laban sa nobyo. Niyakap niya ito at hinalikan sa mga labi.

“Babe, pasensya ka na sa mga nasabi ko ha? Akala ko lang kasi wala kang plano sa amin ng anak mo. Huwag kang mag-alala, magtutulungan tayo, babe. Tutulong ako sa pagbabayad ng bahay na ito para nang sa gayon ay mapabilis ang paglipat natin habang hindi pa ako nanganganak,” pangako ni Jennina sa kaniyang nobyo at magiging mister sa hinaharap.

Simula noon ay mas naging matatag pa ang pagsasama nina Jennina at Dindo dahil mas nagkakaunawaan na sila sa isa’t isa. Makalipas ang ilang taon ay ikinasal na rin sila at mas lumawig pa ang kanilang pamilya sa kanilang sariling bahay.

Advertisement