Nagulat ang Nobyo nang Sabihin ng Kaniyang Pakakasalang Nobya na ang Gusto ng Pamilya Niya ay ‘Kasalang Batangueño’; Bakit Nagdalawang-Isip ang Nobyo na Gawin Ito?
Pakiramdam ni Edbert, siya na ang pinakamapalad na lalaki nang mapa-oo niya ang nililigawang si Amelie, tubong Batangas, na nakilala niya sa kanilang kompanya. Lumuwas ito ng Maynila upang makipagsapalaran sa kalunsuran matapos maka-graduate sa kolehiyo.
Maganda, mabait, at responsableng babae si Amelie. Hindi rin naman basta-basta si Edbert. Guwapo, matalino, at masipag. Hindi sila mayaman ngunit masasabi niyang nakakaluwag-luwag na sila ng kaniyang pamilya, dahil na rin sa kaniyang pagsisikap.
Makalipas ang dalawang taon, hiningi na ni Edbert ang kamay ni Amelie at pumayag naman ito.
“Babe, masayang-masaya ako na sa wakas ay magiging misis na rin kita,” sabi ni Edbert kay Amelie habang hinahalik-halikan nito ang kamay nito na may singsing na handog niya.
“Salamat, babe. Ako rin. Ikaw ang lalaking matagal ko nang ipinagdarasal na sana ay ipagkaloob Niya sa akin. Pero babe, nais ng pamilya ko na makita at makilala ka. Handa ka na ba sa pamamanhikan?” tanong ni Amelie.
Napakunot ang noo ni Edbert.
“Pamamanhikan? Uso pa ba iyon?”
“Oo babe. Sa amin sa Batangas, ginagawa pa iyon. Kailangan mo munang mamanhikan sa pamilya ko. Kailangan munang may basbas nila bago tayo magpakasal, babe.”
“Wala namang problema, babe. Haharap ako sa pamilya mo at sasabihin sa kanila kung gaano kita kamahal at handang pakasalan,” wika naman ni Edbert.
“Hindi ganoon kadali iyon babe. Handa ka na ba?”
“Ha? Handa saan?”
“Dahil may sakahan ang Tatay, kailangan mong magdala sa kaniya ng tatlong kalabaw, o kung ano pa man ang magustuhan niyang ipadala sa iyo. Tatlong kalabaw raw ang gusto niya eh.”
Napalunok naman si Edbert sa sinabi ni Amelie. Tatlong kalabaw? Ang pagkakaalam niya kasi, mahal ang presyo ng isang kalabaw. Tatlong kalabaw pa ang gusto?”
Hindi pa man nakakahuma si Edbert ay may idinagdag pa si Amelie.
“Bukod doon babe, kailangang may pa-caridad ka rin o pakain sa pamilya at mga kapitbahay. Iyon kasi ay pagbubunyi ng dalawang pamilya. Pagkatapos, ihanda mo ang budget para sa tradisyunal na kasalang Batangueno.”
“Kasalang Batangueno?”
“Oo. Kapag tradisyunal na kasalang Batangueno, imbitado ang buong barangay namin. Ganoon ang naging kasal ng mga ate at kuya ko, babe. Siguro mga 20 baboy at 15 baka ang nakatay, bukod pa sa iba pang putahe. Hindi kasi puwedeng hindi maimbitahan ang lahat, lalo na ang matataas na tao sa barangay. Magtatampo.”
Pakiramdam ni Edbert ay hindi siya makahinga sa mga sinabi ni Amelie.
“S-Sige titingnan ko, babe, kung ano ang magagawa ko. Pero may ideya ka ba kung magkano ang nagastos ng mga kapatid mo, magmula sa pamamanhikan hanggang sa mismong aktuwal na kasal?”
“Mga kulang-kulang na kalahating milyon, babe,” walang kagatol-gatol na sabi ni Amelie.
Pagkauwi sa bahay at nakahiga na sa kaniyang kama ay hindi madalaw ng antok si Edbert. Iniisip niya ang mga sinabi ni Amelie. Tiningnan niya ang laman ng kaniyang bank account. Nasa higit 200,000 piso ang ipon niya, nabawasan na nga dahil sa pagbili niya ng singsing para sa paghingi sa kamay ni Amelie upang mapakasalan ito.
Nagsaliksik siya sa sinasabi nitong tradisyunal na kasalang Batangueno at ganoon nga pala kagarbo ito. Mahalaga pala sa ilang mga konserbatibong Batangueno ang pagsunod sa tradisyon o nakasanayan.
Hindi kasya ang kaniyang pera. Kailangan ba niyang mangutang? Tiyak na masasaid ang kaniyang ipon kapag pumayag siya sa tradisyunal na pagpapakasal na sinasabi ni Amelie.
Nagpasya si Edbert. Kinabukasan ay kinausap niya ang fiancee nang masinsinan.
“Alam mong mahal na mahal kita babe at kahit saang simbahan ay handa kitang pakasalan. Pero magiging tapat ako sa iyo. Hindi ko yata kakayanin ang magarbong kasal na nais ng pamilya mo, at batay na rin sa tradisyon ninyo. Kung ipon ko, sapat lamang para makapagsimula tayo bilang isang pamilya,” pag-amin ni Edbert.
Tumango-tango naman si Amelie.
“Paano ‘yan? Hindi ko naman kaya na hiwalayan ka o hindi ka pakasalan nang dahil lamang sa isang tradisyunal na pagpapakasal, at dahil wala pa akong kapasidad na gawin ‘yun?” malungkot na sabi ni Edbert.
Ngumiti naman si Amelie. Kinuha niya ang mga kamay ni Edbert.
“Babe, ayos lang sa akin. Kahit simpleng kasalan lamang, magpapakasal ako sa iyo. Kahit saang simbahan pa iyan, kahit sa huwes pa ‘yan, mahal na mahal kita. Sinabi ko lang sa iyo ang tradisyon namin. Pero kung hindi talaga kaya, wala naman silang magagawa. Nasa hustong edad na ako upang magdesisyon para sa sarili ko. Noong lumuwas nga ako rito sa Maynila, wala silang nagawa eh.”
Mahigpit na niyakap ni Edbert si Amelie at pinupog ito ng mga halik sa labi.
Sa ngayon, masayang-masaya na silang nagsasama bilang mag-asawa. Ikinasal muna sila sa huwes, at pangako ni Edbert, pag-iipunan niya ang magarbong kasal sa simbahan, sa takdang panahon.
Nagalit man sa umpisa ang mga magulang ni Amelie, napawi na rin ito nang makita na nila ang kanilang apo, at nang makilala ang mabait na manugang na si Edbert. Sa panahon ngayon, ang mahalaga ay hindi ang magarbong kasal, kundi ang tapat na pagsasama at pagmamahalan ng mag-asawa.