Iniiyakan pa rin ng Babae ang Pagkawala ng Kaniyang Ama; Malagim Pala ang Sanhi ng Pagpanaw Nito
Kapag naaalala ni Marian ang pagpanaw ng kaniyang ama ay hindi pa rin niya maiwasang lumuha. Sariwang-sariwa pa rin sa isip niya ang pagkawala nito kahit mag-iisang buwan na ang nakakaraan.
Dalawang taon na silang nagsasama ng asawa niyang si Rommel ngunit hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak. Nagmamay-ari siya ng isang maliit na kumpanya sa Makati habang ang mister niya naman ay manager sa kumpanya niya. Ang suwerte nga nito dahil kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo ay mataas agad ang posisyon. Wala namang kaso iyon kay Marian dahil nakikita naman niyang masipag at matiyaga ang asawa.
Nahuli na naman siya ni Rommel na umiiyak.
“Sweetheart, hindi naman masamang magluksa pero ilang linggo na ring pumanaw si papa. Malulungkot ang kaluluwa niya kapag nakikita kang nagkakaganyan,” wika ng mister.
“Napakasakit pa rin sa akin na mawalan ng ama. Wala na nga akong mama, nawala pa si papa. Pakiramdam ko para akong naputulan na naman ng kamay at paa,” humihikbing niyang sabi.
“Nandito naman ako, eh, nakayanan mo nga nang mamat*y ang mama mo, makakaya mo rin ngayon na wala na rin ang papa mo. Let’s just move on, ako man ay nasasaktan din sa pagkawala ni papa pero ganyan talaga ang buhay, una-una lang.”
Hindi na sinagot ni Marian ang tinuran ng kaniyang asawa. Pinahid niya ang ang luha sa mga mata ngunit ang pangungulila sa kaniyang puso ay hindi basta mawawala.
Maya maya ay tumunog ang selpon niya, nang tingnan kung sino ang tumatawag ay ang abogado pala ng kaniyang papa na si Atty. Martinez.
“Si Attorney ba iyon? Anong sabi?” sabik na tanong ni Rommel.
“Pinapapunta kami ni Argel sa opisina niya bukas. Babasahin na raw ang last will ni papa,” sagot niya.
“Yung hatian niyo sa mana? Naku, ayos ‘yan sweethert, pero ‘di ba dapat hindi ka pumayag sa hatian na iyon dahil hindi naman tunay na anak ng mga magulang mo si Argel. Ampon lang siya. Ikaw ang mas may karapatan,” sabi ni Rommel.
“May karapatan din siya dahil itinuring siyang tunay na anak nina papa at mama at tunay na kapatid din ang turing ko sa kaniya.”
“Ang suwerte naman niya, kahit sampid lang sa pamilya ninyo’y nagkaroon pa rin ng mana? Pero nasisiguro ko namang mas malaking parte ang mapupunta sa iyo dahil ikaw ang tunay na anak. Siyempre hindi niya hahayaan na mabalewala ang totoo niyang kadugo, kaya bukas na bukas ay maaga tayong pupunta sa opisina ni Attorney,” hirit pa ni Rommel.
Nag-init ang ulo ni Marian sa sinabi ng mister sa kapatid niya, pero hindi na lamang niya ito pinatulan. Mahal niya si Argel, kahit kailan ay hindi niya ito itinuring na iba. Kaya para wala nalang talo ay sumunod na lang siya sa asawa niya. Kinaumagahan ay pinuntahan nilang magkapatid ang opisina ng abogado. Halatang-halata nman sa mga mata ni Rommel ang matinding pagkasabik dahil sa mamanahin ng misis.
Pagdating nila roon ay sinalubong agad sila ni Atty. Martinez.
“Ngayong narito na kayo ay maaari na nating simulan. Ang bahay at lupa pati na ang kotse ay mapupunta kay Argel at ang lupain ng iyong papa sa probinsya ay mapupunta sa iyo, Marian,” simula nito, tapos ay binalingan ang babae. “Marian, nakasaad rito na nag-usap na kayo ng papa mo na ang kumpanyang pagmamay-ari niya na dapat ay paghahatian ninyong magkapatid pero ang sabi mo’y ibigay na ito kay Argel. Pinilit ka ng papa mo na may karapatan ka rin sa kumpanya niya pero ayaw mo raw kaya ito at tuluyan nang mapupunta kay Argel.”
Nawindang si Rommel sa sinabi ng abogado.
“A-anong ibig sabihin nito? T-teka lang muna. May mali yata sa testamento ni papa, sweetheart, ano ba ang sinasabi nitong abogado na ito?” pagpa-panic na sabi ng lalaki.
Tumango siya sa mister bilang kumpirmasyon.
“Tama si Attorney. Ibinilin ko nga kay papa na ibiga na sa kapatid ko ang kaniyang kumpanya dahil alam kong kayang-kaya niyang pamahalaan iyon. Matalino si Argel, masipag at hanga ako sa dedikasyon niya. Tutal ay may sarili na naman akong kumpanya, sobra-sobra na iyon para sa atin,” paliwanag ni Marian.
Parang sumabog ang ulo ni Rommel sa sinabi ng asawa. Naisuntok pa niya ang kamao sa mesa sa sobrang pagkadismaya.
“Put*ngina! Hindi na sana ako sumama rito!” malakas na sabi ng lalaki, tiningnan ang tatlong kasama ng masama tapos ay padabog na umalis.
Hahabulin niya sana ang mister nang pigilan siya ni Argel.
“A-ate. Alam kong hindi ito ang tamang oras para sabihin ito sa iyo dahil may hindi kayo pagkakaintindihan ni Kuya Rommel. Pero gusto ko lang magpasalamat sa iyo dahil kahit hindi tayo magkadugo ay minahal at pinagkatiwalaan niyo ako nina papa at mama. Gusto kong malaman mo na ang laki ang utang na loob ko sa inyo, kundi dahil sa inyo ay wala ako. Binigyan niyo ako ng pamilya. Mahal na mahal ko kayo,” lumuluhang sabi ng lalaki.
“Magkapatid tayo, Argel, hindi ka man nagmula sa sinapupunan ni mama ay minahal ka nila ni papa. At mahal na mahal din kita, my younger brother,” naiiyak na ring sabi ni Marian na niyakap ang kapatid.
Maya maya…
“P-pero teka lang ate, may itatanong din sana ako sa iyo, eh,” nag-aalalang wika ni Argel.
“Ano iyon?”
“B-bago kasi namat*y si papa, si Kuya Rommel ang tumawag sa akin at ang sabi ay bigla raw nahilo si papa at nawalan ng malay kaya agad akong umuwi sa bahay. Sabi rin niya sa akin na may pag-uusapan daw sila ni papa kaya maaga siyang pumunta roon. Pero pagdating ko naman ay wala na si kuya at si papa na lang ang naabutan ko, nakahiga siya sa kama at wala nang buhay. Naisip kong baka tumawag ng tulong si Kuya Rommel. Naguguluhan lang ako, eh ano ‘yung pag-uusapan nila ni papa? Ang alam ko kasi masama ang pakiramdam ni papa nung araw na iyon kaya sabi niya sakin nang magtext ako sa kaniya’y maghapon lang siya magpapahinga sa kwarto at ayaw niya tumanggap ng sinumang bisita,” sabi ng kapatid.
“Sige, tatanungin ko ang kuya mo,” wika ni Marian, ewan niya ba pero bigla siyang kinabahan.
Ilang sandali pa ay nagpaalam na sila sa abogado. Si Argel ay nagpaalam na may mga aasikasuhin pa itong importante at siya naman ay umuwi na sa bahay. Kailangan niyang makausap ang mister. Dahan-dahan siyang naglakad, ‘di niya pa rin alam ang sasabihin rito. Nakita niyang bukas ang pinto ng kanilang kwarto kaya dire-diretso na siyang pumasok. Napansin niyang nasa loob ng CR ang asawa niya, may kausap ito sa selpon. Nakaawang ang pinto kaya dinig na dinig niya ang pinag-uusapan ng mga ito at nawindang siya sa mga nalaman niya.
“L*tse talaga! Kung alam ko lang na ibibigay ng boba kong misis ang kumpanya sa bastardo niyang kapatid ay hindi na sana ako nagpakasal sa kaniya. Para saan pa ang pagpat*y ko sa bwisit nilang tatay kundi man lang ako makikinabang?” gigil na sabi nito sa kabilang linya.
Dali-daling tumwag ng mga pulis si Marian. Sapat na ang mga narinig niya. At nang lumabas sa kwarto ang mister ay laking gulat nito.
“A-anong ibig sabihin nito, sweertheart? B-bakit may mga pulis?”
“Ano pa, e ‘di ipapahuli kitang hay*p ka! Napaka-walanghiya mo, mamamat*y tao!” galit na galit na sigaw ni Marian. Tila nawala lahat ng pagmamahal niya kay Rommel t napalitan iyon ng poot at pagkasuklam.
Sinubukan pa ng lalaki na magmakaawa at bilugin ang ulo niya pero hindi na siya naniwala. Ipinadampot niya sa mga awtoridad ang mister. Nang nasa presinto na ay nagkaalaman na, ang dahilan pala ng pagkamat*y ng kanilang ama ay sinakal ito ni Rommel habang nakahiga sa kama. Siniguro ng lalaki na wala na itong hininga bago lubayan at hindi pala atake sa puso kung bakit nawala ang mabait nilang ama.
Una palang pala ay pera lang ang habol nito kay Marian at kaya lang pina-ibig ang babae dahil napag-alamang nanggaling ito sa mayamang pamilya.
Akala ni Rommel ay habangbuhay na niyang mapapaikot si Marian pero wala talagang sikretong hindi nabubunyag. May kasabihan nga, kung may usok, may apoy. Pinagdusahan niya sa kulungan ang kasalanang ginawa niya.
Labis na pinagsisisihan ni Marian na nagmahal siya ng maling lalaki, dahil doon ay nawalan silang magkapatid ng ama. Pero kahit ganoon ang nangyari ay mas pinili pa rin nilang ipagpatuloy ang buhay. Ang mahalaga ay nakamit na nila ang hustisya at napagbayad na nila ang may sala.