Pinauwi sa Probinsya ang Dalaga para Dumalo sa Kasal ng Ate Niya; Durog ang Puso Niya Nang Malaman Kung Kanino Ito Ikakasal
Sa edad na beinte tres anyos ay masasabing matagumpay na sa buhay si Priscilla. Isa siya sa pinakamahusay na arkitekto sa Maynila at umasenso siya dahil sa talento niyang iyon. May sarili na rin siyang bahay at lupa pati sasakyan, tahimik na sana ang buhay niya pero isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa mga magulang niya dahil ikakasal na raw ang nakatatanda niyang kapatid na gaganapin sa probinsya. Sinabi ng mga ito na hindi siya pwedeng hindi dumalo.
“Anak, importanteng araw ng ate mo ito. Hindi maaaring hindi ka pumunta. Magtatampo ang kapatid mo sa iyo,” wika ng mama niya sa kabilang linya.
“Pero mama, bakit kasi hindi pwedeng sa mismong araw ng kasal na lang ako dumiretso diyan? Hahabol na lang ako sa simbahan. Malapit lang naman po ang Calamba dito sa Maynila,” sabi niya.
“Kailangan ng Ate Pamela mo ang suporta mo, anak. Dalawa lang kayong babae, hindi ko naman pwedeng asahan ang mga kuya mo dahil may sari-sarili na rin silang pamilya. Ikaw lang ang maaasahan ko rito,” pakiusap ng ina.
Wala siyang nagawa.
“Okey, pupunta na po,” sagot niya, pero ang totoo ay may hinanakit sa puso niya.
Si ate, puro na lang si ate. Mula pagkabata, palaging ang ate niya ang pinapaboran ng mga magulang niya. Ang Ate Pamela niya ang pinakamatalino, pinakamagaling, pinakamasunurin etcetera samantalang siya ay balewala at hindi napapansin. Kaya nga nung nang-aaral siya sa kolehiyo ay pinaghusayan niya para maging Magna Cum Laude pero wala, hindi pa rin niya natalo ang ate niyang Summa Cum Laude at top notcher pa sa kursong Accountancy. Kaya nga ayaw niyang pumunta sa kasal nito, siguradong ito na naman ang bida at siya ang napag-iiwanan.
“Pero, teka mama, sino ba itong lalaking papakasalan ni ate?” tanong niya.
“Naku, basta anak, umuwi ka na lang dito para malaman mo,” sagot ng ina, mayamaya ay natapos na rin ang usapan nila at ibinaba na nito ang tawag.
Sino kaya ang lalaking iyon na nakakuha sa puso ng ate niya? Sa isip niya ay napakasuwerte nito, ang ate niya ay ‘perfect wife’. Buti pa ang ate niya may lovelife na, samantalang siya mukhang tatanda nang dalaga. Pagdating sa pag-ibig, talo pa rin siya nito.
Na-intriga si Priscilla, gusto niyang makilala ang poncio pilatong nabingiwit ng ate niya kaya kinaumagahan ay bumiyahe agad siya pauwi sa kanila.
Pagdating niya ay sinalubong agad siya ng kaniyang Tiya Manuela. Ito ang paborito niyang tiyahin dahil mula pagkabata ay malapit na ito sa kaniya. Siya rin ng paborito nitong pamangkin. Pagdating niya ay abala ang lahat na sinusukatan ng gown ang ate niya.
“O, Priscilla, mabuti naman at dumating ka na! We need you here, sis!” sabi ng ate niya at pilit pa siyang niyakap kahit suot nito ang magarbong gown.
“Ikakasal ka na raw? At sino naman itong knight in shining armor mong groom and husband to be?” tugon niya na may pilit ding ngiti.
“Yes, o, speaking, eto na siya. Christian, this is my younger sister Priscilla. Sis, si Christian, ang mapapangasawa ko,” wika ng ate niya.
Unti-unting napalingon si Priscilla sa tinutukoy nito at laking gulat niya nang makilala ang lalaki.
“A-ano? S-siya?”
Hindi siya makapaniwala, parang gustong umiyak ng puso niya nang malaman kung sino ang mapapangasawa ng kapatid niya. Walang iba kundi si Christian Valdez, ang super crush niya noong hayskul. Pareho sila ng eskwelahang pinapasukan noon. Nasa 2nd year siya noon at 4th year naman ang lalaki. Matalino rin ito, matangkad at napakaguwapo. Singkit ang mga mata nito. Makinis din ang balat at maputi na bumagay sa mala-koreano nitong hitsura. Talagang Oppa! Maraming babaeng estudyante ang pat*y na pat*y kay Christian noon at isa na siya sa mga iyon.
Parang gusto niyang himatay*n sa mga sandaling iyon. Ang lalaking pinangarap niya ay mapupunta lang pala sa ate niya. Kay saklap talaga ng buhay niya. Lahat na lang ay nakukuha ng ate niya. Anak yata ng Diyos ang kapatid niyang ito kaya nang umulan ng suwerte ay sinalo nitong lahat.
“Nice meeting you. p-pero parang nagkita na tayo before… O, naalala ko na, same tayo ng school, ‘di ba? Pero mas senior ako sa iyo?” sabi ng lalaki.
“O-oo. Schoolmate tayo nung hayskul,” tangi niyang sagot.
“Alam mo, sis, isa si Christian sa pinakamahusay na inhinyero sa Maynila. Sa malaking kumpanya din siya nagtatrabaho gaya mo,” sabad ng ate niya.
Nang malaman niya iyon ay mas lalo siyang humanga sa lalaki. Arkitekto siya, inhinyero naman ito, sayang bagay pa naman sila kaso ang ate niya ang napili nito. Gusto na niyang umalis sa lugar na iyon dahil parang pinamumukha lang sa kaniya na walang-wala talaga siya sa ate niya pero napag-isip isip niya na ayaw niyang lumabas na talunan kaya pagbibigyan na lang niya ito. Mananatili siya roon hanggang sa dumating ang kasal nito. Pagkatapos ng pag-iisang dibdib ng mga ito’y aalis na agad siya at babalik na sa Maynila. Nakakahiya rin naman sa pamilya niya kung bigla na lang siyang magwo-walk out, ‘di ba? Kaya kahit nagdurugo ang puso niya ay titiisin na lang niya ang sakit.
Lumipas ang ilang araw, akala ni Priscilla ay mahirap ang pananatili niya sa probinsya na kasama ang ate niya’t lalaking gustung-gusto niya pero tila nawiwili siya roon lalo na at nagkakalapit sila ni Christian. Napakabait nga nito at pala-kwento. Palagi rin siya nitong pinapatawa kapag minsan pakiramdam niya ay na-out of place na siya. Ewan niya ba, pero bihira niyang makitang magkausap ito at ang ate niya.Inoobserbahan niya kasi ang dalawa. Mas madalas pa ngang tulala ang Ate Pamela niya, tapos ‘pag napansin ng mama at papa niya o ng ibang kamag-anak ay lalapit ito kay Christian at magkukunwaring maglalambing, aakbayan naman ito ng lalaki.
Minsan nang magkausap sila…
“Shall I start calling you, kuya?” natatawang tanong niya sa lalaki. Ang ate naman niya ay abala sa pag-aasikaso ng iba pang preparasyon sa kasal.
“Huwag!” parang nabiglang sagot ni Christian.
“Why? Eh, magiging kuya na kita pag mag-asawa na kayo ng kapatid ko,” tanong niya.
“Just…just don’t. Okay nang tawagin mo akong Christian,” wika nito at kumindat pa.
Hindi nakasagot pa si Priscilla dahil kilig siya sa inakto nito, kahit paulit-ulit niyang pagalitan ang sarili ay tila lumalalim ang pagtingin niya kay Christian. Bahala na, tutal pagkatapos naman ng kasal ay babalik na siya sa Maynila at ‘di niya na ito makikita, susulitin na niya ang mga araw na kasama ang lalaking tinatangi niya. Lilipas din siguro ang nararamdaman niya rito.
Dumating ang araw ng kasal. Handa na ang lahat, isa iyong engrandeng pagdiriwang na nakalaan lang talaga sa kaniyang kapatid.
“Priscilla, aayusan ka na, anak,” nakangiting sabi ng mama niya.
Malungkot na umupo na lamang siya at pinabayaan ang babaeng taga-make up na ayusan siya. Ilang sandali pa ang lumipas ay nakaayos na silang lahat. Nang nasa simbahan na sila ay napansin din niya na iba ang ngiti ni Christian. Sa isip niya ay sabik na itong maikasal sa ate niya.
Napansin din niya na iba ang gown na ipinasuot sa kanya ng kapatid niya, kinulang daw kasi ang gown ng mga abay na nabili nila kaya siya na lamang ang nagparaya. Isang bestidang kulay puti ang kaniyang suot pero maganda rin naman at elegante gaya ng sa ate niya.
Nang tumunog ang piano ay nagulat pa siya dahil hinawakan pa siya ng kaniyang ate at sabay silang naglakad papunta sa altar ng simbahan, ipinatong nito sa ulo niya ang isang maliit na koronang may belo.
“Wait? A-anong ibig sabihin nito?”
“Just smile, sis,” nakangiting sabi ng ate niya dahil nakatingin sa kanila ang mga tao. Hindi maintindihan ni Priscilla ang nangyayari pero nanlaki ang mga mata niya nang mapadako ang paningin niya sa altar.
Naroon si Christian, titig na titig sa kaniya. Hindi pa rin nawawala ang malapad nitong ngiti.
Ang lakas lakas ng tibok ng puso ni Priscilla at unti-unti siyang binalot ng kilig sa mga oras na iyon. Mas ikinagulat niya nang hawakan ni Christian ang kamay niya at inakay siya sa unahan, kung saan naghihintay na ang dalawang upuan para sa ikakasal.
“T-teka, ano bang nangyayari?”
“Sis, oras na para malaman mo ang totoo, ang kasal namin ni Christian ay isang pagpapanggap dahil hindi naman talaga kami ang ikakasal, dahil ang ikakasal sa araw na ito ay ikaw at si Christian, mahal kong kapatid. Matagal ko na siyang kaibigan, ipinagtapat niya sa akin na matagal ka na niyang gusto noon pang nasa hayskul kayo. Alam mo ba na hanggang ngayon ini-stalk ka pa rin niya? Inalam niya kung saan ka nagtatrabaho, saan ka nakatira sa Maynila. Pat*y na pat*y siya sa iyo, sis! At ang kasal na ito ay talagang pinaghandaan niya, siya ang nag-isip ng plano, siya ang gumastos sa lahat. Kinuntsaba niya ako sa lahat ng ito dahil gusto ka raw niyang maging asawa. Lately na rin nalaman nina mama, papa, mga kuya at ng mga kamag-anak natin ang totoo at lahat sila ay pabor sa kasalang ito. At alam kong gusto mo rin siya, huwag na huwag kang magkakaila sa akin dahil kilalang-kilala kita, alam kong matagal mo na siyang crush. Hangad ko ang kaligayahan mo, ninyo ni Christian. Huwag mo ring isipin na walang nagmamahal sa iyo dahil narito kami, mahal na mahal ka namin,” bunyag ng Ate Pamela niya.
“A-ate…” lumuluha niyang sagot.
Oh my God! Grabe, isang malaking palabas lang pala ang kasal ng ate niya at ni Christian. Hindi siya makapaniwala na siya pala ang ikakasal sa araw na iyon, at sa lalaking pinaka-iibig niya.
Parang lumulutang si Priscilla sa alapaap at namalayan na lamang niyang hinalikan siya ng kaniyang mister sa unahan.
“Kaya pala ayaw mong magpatawag ng kuya. Ang galing mong magplano at magpanggap ha? natatawang sabi niya kay Christian. Tumango ang lalaki at binulungan siya. “Dahil mahal na mahal kita, Priscilla. Noon pa man ay mahal na kita,” anito.
Bilang sagot ay hinalikan niya ang mister.
“Mahal na mahal din kita, asawa ko!” aniya.
Iba ring maglaro ang tadhana. Sino ang mag-aakala na ang lalaking minamahal ni Priscilla na akala niya’y wala na siyang pag-asa ay siya pa rin palang nakalaan sa kaniya?