Atat na ang Mister na May Gawin Sila ng Kaniyang Misis Pero Sawang-Sawa na Raw Ito; Bakit Kaya?

Isang gabi, pagkalabas sa opisina ni Sherwin ay diretso agad siya sa bahay. Maaga silang kumain ng hapunan ng kaniyang asawa na si Cheska.

Sabik na siya sa gagawin nila ng misis.

Sa kwarto nila ay matiyaga siyang naghintay na matapos maligo ang babae. Inip na inip na nga siya pero naniniwala siya na kapag may tiyaga ay may nilaga, kaya nang lumabas sa banyo si Cheska ay laking tuwa niya.

“Ang tagal-tagal mo naman, honey! Kanina pa ako sabik na sabik, eh,” atat niyang sabi.

Kahit siya ay kanina pa handang-handa. Nakapag-shower na rin siya at mabangong-mabango na, ang misis na lang niya ang kulang.

Nang matapos na ring makapagbihis at makapag-ayos ang babae ay…

“Hay, salamat! Ano, ready ka na ba, honey?” nakabungisngis niyang tanong.

“Alam mo ba na tinapos ko pa ‘yung mga hugasing pinggan kanina at isa pa ay naligo ako dahil sa maalinsangan,” sagot ni Cheska habang sinusuklay pa ang basang buhok.

Advertisement

Nanlaki ang mga mata ni Sherwin dahil sa wakas ay gagawin na nila ulit iyon ng kaniyang misis.

“Tamang-tama…magsimula na tayo!”

Pero tinaasan siya ng kilay ni Cheska.

“Ha? Ano bang gusto mo?”

“Ang sabi ko ay magsimula na tayo! ‘Di ba, gusto mo rin iyon?” sabi niya.

“Hmmm…saka na lang, honey. Gusto ko munang magpahinga,” tugon ng babae na humiga na sa kama para matulog.

Takang-taka naman si Sherwin sa ikinikilos ng asawa.

“Ano ba ‘yon? Dati-rati ay siya pa ang nagyayaya sa akin pero ngayon ay…” bulong niya na tila nabitin.

Advertisement

Hindi siya nakatiis at kinalabit ang kaniyang misis.

“Honey, sige na naman, kahit isa lang,” pangungulit niya.

“Saka na lang sabi, eh,” anito.

“Pagbigyan mo na ako, please naman!” pagmamakaawa niya.

Nairita na si Cheska at sinigawan siya.

“Kung gusto mo ay ikaw na lang mag-isa!”

“Hahayaan mo na lang akong mag-isa?” pagmamaktol ni Sherwin.

“O, eh pwede naman kahit ikaw lang mag-isa, a!” wika ni Cheska.

Advertisement

Dahil nag-inarte ang asawa ay hindi nakatulog buong gabi si Sherwin. Hindi kasi siya sanay na hindi sila sabay na mag-asawa sa gusto niyang gawin. Kinaumagahan, sa opisina ay isinangguni niyasa matalik niyang kaibigan na si Joseph ang problema niya.

“Malamang ay sawang-sawa na ang misis mo, pare. Kasi naman ay iyon at iyon na lang yata ang ginagawa niyo,” wika ng lalaki.

“Pero, pare…dati ay enjoy na enjoy siya kahit iyon lang,” aniya.

“Noon oo, pero ang isang bagay kapag paulit-ulit ay nakakasawa,” payo ng kaibigan.

“Eh, paano ang gagawin ko?”

“Ito talaga, edi pag-aralan niyo ‘yung mga hindi niyo pa alam at tiyak na mag-e-enjoy kayo nang husto. Hayaan mo, sagot ko ang solusyon sa problema mo, pare.”

Matapos na hingin ng payo ng kaibigan…

“Salamat pare ha? The best ka talaga!”

Advertisement

Pag-uwi ni Sherwin sa bahay nila, nasa labas pa lang siya ng pinto ay dinig na dinig na niya ang usapan ng asawa niya at ng kumare nitong si Paula.

“Alam mo ba, mare, sawang-sawa na talaga ako!” sabi ng misis niya.

“O, sawa ka na pala, edi sabihin mo sa kaniya,” sagot ng kumare.

“Aba, iyon talaga ang gagawin ko ‘no!”

“Tama, yan, mare.”

“Huh? Mukhang ako ang pinagtsitsismisan ng mga ito a!” bulong niya sa isip.

Sa narinig ay pumasok na siya sa loob. Wala siyang pakialam kung nagkukuwentuhan pa rin ang mga ito.

“O, Mareng Paula, narito ka pala?” bati niya.

Advertisement

“Eto na pala si pare, mare! Ako ay aalis na at marami pa akong aasikasuhin sa amin,” sabi ng babae.

“Sige, ingat mare,” nakangiting sabi naman ng asawa niya.

Nang makaalis ang babae ay maagang kumain ng hapunan ang mag-asawa. Nagmamadaling naligo ang dalawa at sabay na pumasok sa kwarto.

Biglang nagsalita si Cheska…

“May sasabihin sana ako sa iyo, honey.”

Nilingon naman ni Sherwin ang misis at…

“Huwag mo nang sabihin at alam ko na ‘yan! Marami tayong pag-aaralan ngayon, iba-ba,” sabi niya.

Napamulagat si Cheska sa sinabi niya.

Advertisement

“Ha? Talaga?”

“Oo! Kaya magdamagan tayo. Tutal ay wala naman akong pasok bukas.”

At eto na nga, sisimulan na nila ang gagawin nila.

“O, eto o, pinahiram ako ni Pareng Joseph dahil nabanggit ko sa kaniyang sawa-sawa ka na sa nilalaro nating game sa kompyuter, kaya ito nagbigay siya ng iba pang laro, o!” excited niyang ipinakita sa misis ang iba’t ibang video games.

Tuwang-tuwa naman si Cheska.

“Wow, ang gaganda namang mga laro nito! Buti naman at may mga bago tayong lalaruin, honey!”

“Di ba, magdamagan na naman tayo nito. Wala na naman tayong tulugan,” tugon niya saka ipinagpatuloy nila ng paglalaro.

Pareho pong mahilig sa paglalaro ng video games ang mag-asawang Sherwin at Cheska at hindi po tulad ng iniisip niyo. Wala kasing ibang hilig ang dalawa kundi ang paglalaro lang. Mabuti na iyon, ‘di ba, kaysa sa anupamang bisyo ang gawin nila. Ano sa tingin niyo?