Pagkatapos Magretiro sa Trabaho ay Nakatakda Namang Magpakasal ang Lalaki; Sa Huli ay Pinaasa Lang Niya ang Babae
Sa isang malaking kumpanya sa Pasig nagtatrabaho bilang accounting manager si Geron. Matagal na siya roon at madalas din siyang mapag-usapan ng mga babaeng empleyado lalo na ‘yung mga dalaga pa.
“Alam mo, hanga ako kay Geron. Tumanda na sa kumpanyang ito. Matapat at masipag kasing empleyado,” wika ng isang empleyadang mataas din ang katungkulan sa opisina.
“At dedicated pa sa kaniyang trabaho. Napakasuwerte naman ng babaeng matitipuhan niya,” hirit naman ng isa.
“Akalain niyo, 30 years in service na siya rito. O ‘di ba, bongga! Siguradong marami na siyang naipon. Pwedeng-pwede na siyang mag-asawa,” sabad naman ng isa pa.
Bukod sa mahusay sa trabaho ay napakabait din at magaling makisama si Geron kaya hinahangan din siya ng mga empleyadong mas mababa ang posisyon sa kaniya.
“Sir Geron, gusto niyo po ba ng kape? Ipagtitimpla ko po kayo?” wika ng kaniyang sekretarya.
“Naku, huwag na, Stella. Nakapag-kape na ako kaninang umaga. Alam kong marami ka ring ginagawa. Salamat na lang,” nakangiti nitong sabi.
At isang araw, kinausap siya ng kanilang boss tungkol sa tagal niya sa serbisyo.
“Mr. Sanchez, dahil sa tatlumpung taon mo sa kumpanya, kahit wala ka pang sisenta ay maaari ka nang magretiro at tatanggap ka ng separation pay at iba pang benepisyo,” wika nito.
“Siya nga ho? Salamat po, sir,” masaya niyang sabi.
At doon ay nagretiro na nga si Geron sa trabaho pero ang usap-usapan ng mga kadalagahan sa opisina…
“Walang bisyo si Geron, kaya ang laki ng savings niya. Grabe, buhay na buhay na siya,” manghang sabi ng isa
“Malaki pa rin ang separation pay at may benepisyo pa kaya palamig-lamig na lang siya,” sabad ng isa pa.
“Napakasuwerte talaga ng mapapangasawa niya. Kahit hindi na magtrabaho’y kayang-kayang buhayin ni Geron kahit retirado na,” sabi pa ng isa.
Samantala, sa bahay nina Geron…
“Magandang gabi, inay! Malaya na ako!” masayang bungad niya sa ina.
“Malaya? Bakit, nakulong ka ba, anak?” gulat na tanong ng matandang babae.
“Oho, inay. Tatlumpung taon akong nabilanggo sa aking trabaho sa opisina,” sagot niya.
“A, ‘yon ba? Eh, paano ka nakalaya?”
“Nagretiro na ho ako, inay. Mula ngayon, libre na ako sa aking mga responsibilidad sa opisina,” aniya.
“Eh, paano ngayon ang kita mo?”
“Hindi ko nilustay ang pinaghirapan ko, inay. Sa interes lang bawat buwan, labis-labis na sa atin,” wika niya.
“Ganoon ba, anak. Eh, ‘di okay pala.”
Tuwang-tuwa si Geron matapos niyang magretiro. Malayang-malaya ang kalooban niya kaya kinaumagahan nang gisingin siya ng kaniyang ina.
“Anak, tanghali na! Bumangon ka na riyan!” anito.
Natawa ang lalaki, medyo may pagka-ulyanin na talaga ang nanay niya. Kasasabi lang niya rito kagabi na nagretiro na siya, nakalimutan na naman nito.
“Relaks lang kayo, inay. Kahit anong oras na ako bumangon, wala na silang pakialam sa akin sa opisina,” tugon niya sabay hikab.
At nang nag-aalmusal na silang dalawa sa hapag-kainan.
“Hindi ka na mag-aalalang mahuli ka sa opisina tuwing umaga, anak,” wika ng ina.
“Ngayon, makakakain na ako nang husto. ‘Di tulad nang dating nag-aapura ako dahil pag tinanghali, sisikip na ang trapik,” natatawa niyang sabi.
Pagkatapos mag-almusal ay parang ibong nakawala sa hawla si Geron. Buong araw siyang namasyal sa labas.
“Gagalain ko ngayon ang lahat ng lugar na hindi ko pa napapasyalan dahil sa pagkakatali ko sa opisina. Anumang oras, mapapanood kong lahat ang mga gusto kong palabas sa sine,” tuwang-tuwa pa rin niyang bulong sa sarili.
At kung saan abutin ng gutom, doon siya kumakain hanggang sa makilala niya sa isa sa mga kinainan niyang restawran ang babaeng may-ari. Nang makilala niya ito ay hindi niya inasahan na titibok ang puso niya rito. Maging ang babae ay ganoon din ang naramdaman sa kaniya.
“Alam mo, Gretchen, palagay ko ay pag-ibig sa unang pagkikita itong dumapo sa atin,” wika niya.
“‘Yon din ang nadarama ko sa iyo,” sagot ng babae.
Sa maikling panahon ay nagkaroon ng relasyon ang negosyanteng si Gretchen at ang retiradong si Geron. Ilang buwan din silang naging magkasintahan. At mula nang sila’y magkaunawaan…
“Anak, maaga pa a! Bakit nagmamadali ka na naman tulad ng dati?” nagtatakang tanong ng nanay niya.
“Gusto ho kasi ni Gretchen, maaga pa naroroon na ako sa kaniya sa restawran,” tugon niya na panay ang pa-pogi sa salamin.
Mula noon ay araw-araw na niyang dinadalaw ang dalaga. Walang palya.
“Maligaya ako kapag lagi ka sa aking paningin, Geron. Sana, kasal na tayo para di na tayo magkakalayo,” paglalambing sa kaniya ni Gretchen.
“Kung gusto mo’y itakda na natin ang araw ng ating kasal, Gretchen,” sagot niya.
Isang gabi, muli na naman siyang tinanong ng kaniyang ina.
“Hinahatinggabi ka na naman, anak. Daig pa ang may overtime ka noon nang nag-oopisina ka pa,” anito.
“Mahal na mahal ako ni Gretchen, inay! Hindi ako makapaniwala,” sabi niya sa masayang tono.
“Hindi pa kayo kasal, natatali ka na?”
“Kaya nga ho itinakda na namin ni Gretchen ang araw ng aming kasal. Sa isang buwan na, inay.”
Masaya si Geron kapag kasama niya ang kasintahan subalit napuna niya sa paglipas ng mga araw…
“Bakit ganito? Nababalik ang damdamin kong hindi na naman ako malaya, dahil kaya sa masyadong possessive si Gretchen?” tanong niya sa isip.
Nang nalalapit na ang kanilang pag-iisang dibdib ay mas lalong naguluhan si Geron.
“Ako na lang ang kukuha ng pang-kasal natin, Gretchen, para makapasyal-pasyal naman ako,” wika niya sa nobya.
“Ikaw lang? Hindi maaari! Dapat kasama ako sa iyo!” tutol ng babae.
Napaisip na naman siya. “Nang hindi pa ako nagreretiro, sa maghapon lang ako nakatali, ngayon, beinte kuwatro oras akong hindi makakawala kay Gretchen.”
Nang sumapit ang araw ng kanilang kasal, maaga pa ay sinimulan na ang pagme-make up at pagbibihis kay Gretchen.
At nang makarating sa simbahan si Gretchen ay tuwang-tuwa siya. Hindi na siya makapaghintay na maikasal sila ni Geron. Hangang-hanga rin sa kaniya ang mga bisitang dumalo roon.
“Ayan na ang bride!” sigaw ng mga tao.
“Kay ganda, ganda naman ni Gretchen! Grabe, mamahalin ang kaniyang trahe de boda!” sabi pa ng isa sa mga kaibigan niya.
Subalit mahigit nang dalawang oras na naghihintay si Gretchen sa loob ng simbahan ay hindi pa rin dumarating ang groom.
“Diyos ko! Ano kayang nangyari kay Geron?” nag-aalala niyang sabi.
Pati mga kamag-anak niya at iba pang bisita ay nagrereklamo na sa hindi pagdating ng lalaki.
“Sobra namang tagal ‘yon!” inis na sabi ng nanay ng babae.
“Baka naman naipit lang sa trapik?” sabad naman ng tatay niya.
Samantala, ‘di na nila dapat pang asahan si Geron sapagkat gaya ng ginawa niyang pagreretiro sa kumpanyang matagal niyang pinaglingkuran ay iniwan din niya ang babaeng nakatakda niyang pakasalan.
“Magpapakalayu-layo na ako para wala nang makahadlang sa aking kalayaan,” wika ng lalaki habang nakasakay na sa eroplano para pumunta sa ibang bansa at doon naman magliwaliw.
Ipinakita sa kwento na si Geron ay isang taong duwag, takot sa responsibilidad at makasarili. Ang tulad niya ay hindi dapat tularan.