Inibig ng Dalaga ang Nakilalang Traysikel Drayber Kahit Magkaiba Sila ng Estado sa Buhay; Aayon Din Kaya sa Kanila ang Kapalaran?
Maganda at matalino si Trisha kaya marami ang humahanga sa kaniya sa eskwela. Nagmula rin siya sa may kayang pamilya pero ‘di gaya ng iba ay hindi siya matapobre at marunong makibagay sa kapwa. Minsan na ring tumibok ang puso niya sa kaklase niyang si Marcus.
“Ang guwapo niya at talented pa! Type na type ko talaga siya!” kinikilig niyang sabi habang pinapakinggan itong kumakanta sa harap ng klase. Nasa music class sila kung saan pinatayo ng guro ang binata at pinakata. Wow! ang ganda ng boses nito, para silang hinaharana.
Tulad niya ay may kaya rin si Marcus kaya bagay na bagay sila. Dahil natipuhan din siya ng binata ay naging magkasintahan sila. Mabait si Marcus at galante, palagi siya nitong binibigyan ng regalo. Kapag nagde-date sila ay sa mamahaling restawran siya nito dinadala. Araw-araw din siya nitongsinusundo at hinahatid sa bahay niya gamit ang magara nitong kotse.
Minsan nga…
“Aba, bago na naman itong kotse mo, ha?” mangha niyang sabi.
“Oo, regalo sa akin ng daddy ko no’ng last birthday ko,” sabi ng binata.
Pero ang relasyon nila ay hindi rin nagtagal dahil…
“Trisha, balita ko break na daw kayo ni Marcus? Akala ko ba type na type mo na siya?” wika ng isa sa mga malalapit niyang kaibigan na si Nora.
“Akala ko rin, eh, pero ‘di ko inasahan na ganoon pala siya ka-duwag,” dismayado niyang sagot.
“Ha? Bakit mo naman nasabi iyan?”
“Minsan ba naman…dinilensiyahan kami ng isang lasing, aba, ang takot ni g*go! Hay naku, na-turn off ako talaga!” inis niyang sabi.
Pang lima na si Marcus sa mga naging nobyo niya na kinalasan niya dahil sa na-turn off siya. Para kasing may hinahanap siyang katangian na hindi pa rin niya makita sa mga nakarelasyon niya. Pero ano ba talaga ang hanap ni Trisha sa isang lalaki?
“Aba, eh…wala kang makikitang lalaking perpekto liban na lang do’n sa kapitbahay naming bulag na si Mang Pekto. Perpekto ang pangalan no’n, eh,” pabirong sabi ni Nora.
Napahagalpak ng tawa ang dalaga. “Ikaw talaga, puro ka kalokohan!”
Hanggang isang araw, nadala sa talyer ang kotse ng kaniyang daddy na naghahatid-sundo sa kaniya sa eskwela. Naisipan niyang sumakay ng traysikel para hindi siya mahuli sa klase. Mabuti na lang at may pumara sa harap niya.
“Sakay na, Miss Trisha!” wika ng traysikel drayber.
Nagulat pa siya dahil tinawag siya ng binata sa pangalan niya.
“Aba, kilala mo ako ha?”
“Opo, magkapitbahay po tayo. Anak po ako ni Mang Gibo na tubero. Kami po ‘yung mga nakatira sa labas ng mataas niyong pader,” nakangiting sagot ng binata.
“Ganoon ba? Naku, tamang-tama, magta-traysikel na lang ako pag papasok ako sa eskwela, baka kasi matagalan pang maayos ‘yung kotse ng daddy ko, eh. Okey lang ba sa iyo?”
“Ayos lang po sa akin. Mas okey nga po iyon para may ekstra akong kita. Saka akin naman po itong traysikel. Ako nga po pala si Brandon,” wika ng binata.
“Sige, salamat ha? Araw-araw na akong sasakay sa traysikel mo,” tugon ng dalaga.
Mula noon ay palagi na siyang hinahatid-sundo ni Brandon. Guwapo rin ang binata, mabait, masipag at lalaking-lalaki ang dating. Sa mga araw na sumasakay siya sa traysikel nito ay marami siyang nalaman tungkol sa binata.
“Engineering pala ang kinukuha niya sa night school. Hmmm, may ambisyon sa buhay, ha?” wika ni Trisha sa isip.
Mas lalo siyang humanga kay Brandon na ginagawang sideline ang pagta-traysikel para makatapos sa pag-aaral ng kolehiyo. Nang matapos ang paggawa sa kotse ng daddy niya, parang ayaw na niyang sumakay dito at mas gusto niyang sa traysikel na lang ni Brandon sumakay.
“Sige na, daddy. Maaga pa naman, eh…Magta-traysikel na lang ako,” ungot niya sa ama.
“Okey, hija. Kailangan ko ring pumasok nang maaga sa opisina,” tugon nito.
Ang totoo ay mayroon na siyang espesyal na paghanga sa binata. Sa tingin niya ay mahal na niya ito. Pero nang malaman ng kaibigan niyang si Nora ang pagtingin niya kay Brandon ay namilog ang mga mata nito.
“A-ano? Traysikel drayber lang ang bago mong natitipuhan?”
“Ano ka ba? Hindi lang siya drayber lang, kaniya ang traysikel at self-supporting sa Engineering sa gabi. Ang galing nga niya, eh!” sagot niya.
“Pero, friend…ang mga manliligaw mo’y mga titulado at mayayaman ang karamihan, hindi ba unreasonable na ang pinili mo’y de traysikel lang?” hindi pa rin makapaniwalang tanong nito.
“Disenteng hanapbuhay ‘yon, aba! Hanga nga ako do’n sa tao,” pagtatanggol pa niya.
Mas hinangaan niya ang binata nang isang gabing napadaan sila sa maliit na eskinita.
“Mga pare, sarap pulutanin nung bebot, o!” nakangising sabi ng isang lasing na lalaki.
“Oo nga eh. Ang puti at ang kinis!” hirit pa ng isa.
“Brandon, pinaparinggan ako,” bulong ni Trisha sa kasama.
“‘Bayaan mo sila. Huwag ka lang nilang kakantiin kundi ay manghihiram sila ng mukha sa aso,” sambit ng binata.
O, iyan ang gusto niya sa lalaki, matapang pero may pagtitimpi pa rin sa sarili.
Habang tumatagal ay mas lumalalim ang pagmamahal niya kay Brandon. Ang hindi niya alam ay ganoon din ito sa kaniya. May pagtingin na rin naman sa kaniya ang binata. Nakakaramdam ito ng selos kapag may kasama siyang iba.
“Ewan ko ba, Trisha, kung bakit makita ko lang na may kausap kang ibang lalaki ay nasasaktan ako,” sabi ni Brandon.
“Pareho lang naman tayo, eh…nagseselos din ako pag may kausap ka ring iba,” pagtatapat ng dalaga.
“Edi pareho siguro tayong labis na nagmamahal sa isa’t isa,” wika ng binata.
Hindi na rin napigilan ni Trisha ang sarili na ipahayag kay Brandon ang tunay na nilalaman ng damdamin niya.
“Mahal din kita. Hindi importante sa akin kung hindi ka mayaman o hindi pa titulado sa ngayon, ang mahalaga ay ikaw ang nagpapaligaya sa puso ko,” sinserong sabi ni Trisha sabay hawak sa kamay ng binata.
“O, Trisha, mas lalo kitang minahal,” tugon ni Brandon.
Niligawan ni Brandon si Trisha, pati ang mga magulang ng dalaga ay niligawan ng binata. Suportado naman at tanggap ng mga ito si Brandon basta kailangan muna nilang magtapos sa pag-aaral.
‘Di nagtagal ay nakagradweyt din ang dalawa sa kolehiyo at nagkaroon ng trabaho. Isa nang ganap na CPA si Trisha at naging mahusay na inhinyero naman si Brandon. Nagplano na rin silang magpakasal para bumuo ng pamilya.
Ipinakita sa kwento na ang pag-ibig ay makapangyarihan, pinagtagpo ang dalawang puso na kahit magkaiba ang estado sa buhay ay nagawang magsanib para sa habang buhay na kaligayahan.