Inday TrendingInday Trending
Samu’t Saring Pagkain ang Kinakain Niya sa Harap ng Kamera; Ipinagpalit Niya ang Sariling Kalusugan Para sa Pera

Samu’t Saring Pagkain ang Kinakain Niya sa Harap ng Kamera; Ipinagpalit Niya ang Sariling Kalusugan Para sa Pera

Simula nang magkaroon ng sariling negosyong gym ang binatang si Jimuel sa edad na dalawampu’t lima, hindi na niya napigilan ang sarili na mag-ehersisyo at kumain ng mga masusustansyang pagkain araw-araw.

Sinigurado niyang kahit anong mangyari ay makapaglalaan siya ng oras sa pag-eehersisyo at makakakain siya ng gulay, prutas, protina, at kaunting kanin sa isang araw.

Kahit na napapalibutan siya noon ng mga kaibigang manginginom at palaging kumakain sa mga unlimited buffet ay patuloy niyang kinokontrol ang pagkain. Palagi niya pang sinasabi sa mga kaibigan niya noon, “Kailangan niyong ingatan ang sarili niyo ngayon pa lang. Dapat limitahan niyo ang pagkain ng mga mamantikang pagkain na masama sa kalusugan niyo. Mag-ehersisyo rin kayo para hindi kayo tumaba at magkaroon ng samu’t saring sakit!”

Kaya lang, nang magsimulang sumipa ang balita tungkol sa kumakalat na sakit at hindi na magsipuntahan sa kaniyang gym ang mga suki niyang kliyente sa takot na baka mahawa ng sakit, nagsimula na siyang mag-isip ng paraan upang kumita ng pera. Lalo na’t ngayon, alam niyang isang buwan lang ang lilipas, mauubos na rin ang kaniyang ipong pera.

Halos sinuyod niya ang mundo ng internet upang makahanap ng bagong pagkakakitaan at dito na niya natuklasang maraming mga tao ang nalilibang sa panunuod sa mga taong kumakain ng kahit anong pagkain sa harap ng kamera – mukbang daw iyon kung tawagin.

Lingid man sa kagustuhan niya ang paraang ito dahil nga tiyak na maaapektuhan ang kaniyang katawan, pinagpatuloy niya pa rin ito alang-alang sa perang kikitain niya.

“Sigurado ka ba sa gagawin mo, Jimuel? Tiyak na mababalewala lahat ng hirap mo sa pagkuha ng gan’yang kagandang katawan kapag ito ang pinasok mong mundo!” pangamba ng kaibigan niya, isang araw nang siya’y magpasama ritong bumili ng mga karneng kakainin niya sa harap ng kamera.

“Ipagpatuloy ko naman ang pag-eehersisyo, eh, kaya kahit na kumain ako nang ganito karami, hindi maaapektuhan ang katawan ko,” kumpiyansado niyang paliwanag dito.

“Naku, sana nga!” sigaw nito sa kaniya.

Hindi nga siya nagsisi sa pagpasok sa ganitong klaseng trabaho dahil isang buwan lang ang lumipas, sa araw-araw niyang pagkain sa harap ng kamera na direktang napapanuod ng iba’t ibang tao gamit ang social media, siya’y kumita kaagad ng halos kalahating milyong piso!

Ito ang dahilan para lalo niyang ipagpatuloy trabaho niyang ito hanggang sa naging abala na siya sa pagkain sa harap ng kamera at hindi na niya nagawang mag-ehersisyo kagaya ng sabi niya sa kaniyang kaibigan.

Ilang buwan pa ang lumipas, kasabay ng pagbili niya ng mga materyal na bagay na noon ay pangarap niya lang kagaya ng mamahaling damit, alahas, at motor, napansin niyang pataas na nang pataas ang kaniyang timbang.

“Ayos lang na tumaba, basta kumikita ako nang malaki! Kayo nga, mataba na, wala pang pera!” pagyayabang niya pa na labis na ikinainis ng mga ito dahilan para siya’y unti-unting mawalan ng kaibigan.

Isang araw, napagdesisyunan niyang kumain ng samgyupsal sa harapan ng kamera sa loob ng isang buong araw.

“Siguradong magte-trending ang bidyo kong ito! Madagdagan na naman ang pera ko!” tuwang-tuwa niyang sigaw bago niya simulan ang kaniyang pagkain.

Kaya lang, tanghalian pa lang, naramdaman na niyang hirap na siyang huminga. Mabigat na rin ang batok niya na talagang ikinapag-alala niya. Puputulin na niya sana ang bidyo niya upang makapagpatingin na sa doktor dahil nga iba na ang nararamdaman niya ngunit bago niya pa ito magawa, bigla na lamang siyang nawalan ng malay.

Nagising na lang siyang nasa ospital na at nalaman niya sa mga kaibigan niyang tumulong sa kaniya na makarating dito na siya’y may samu’t saring sakit na kailangan na agad lunasan.

“Ayoko magpaopera! Malalagasan ako ng malaking halaga ng pera!” sigaw niya sa mga kaibigan.

“Jimuel, aanuhin mo ang maraming pera kung nasa kabaong ka na?” tanong ng isa na talagang ikinatigil niya.

“Balik ka na sa dati, Jimuel, gusto ko pa naming makasama nang matagal,” hikbi ng isa na talagang nagbigay ng kaba sa kaniya dahilan para siya’y agad na pumayag na magpaopera.

Halos masaid man ang pera niya sa bangko sa dami ng prosesong ginawa sa kaniyang katawan para lang magamot ang kaniyang mga sakit, matanggal ang kaniyang mga taba, at matanggal ang kaniyang apdo na puro bato na, hindi na siya nanghinayang pa sa perang nailabas niya. Bagkus, siya’y labis pang natuwa nang siya’y muling makagalaw nang maayos at bumalik sa dating nakagawian niya, ang pag-eehersisyo at pagkain nang tama.

“Totoo nga ang kasabihan, ang kalusugan ay ang iyong kayamanan,” sabi niya sa sarili habang siya’y nag-eehersisyo sa gym na muli niyang binuksan.

Advertisement