Hindi Natuloy ang Lahat ng Lakad Niya sa Araw na Iyon; May Importanteng Misyon Pala na Naghihintay sa Kaniya

Marami mang dapat gawin ang dalagang si Jopay sa unang araw ng Pebrero, hindi pa rin mapantayan ang kasabikang kaniyang nararamdaman dahil ito ang araw kung kailan muli silang makakapagkita ng kaniyang mga kaibigan at ang unang pagkakataon na makakasama niya ang kaniyang mga katrabaho niyang nars sa isang pagdiriwang na lubos niyang pinaghandaan.

Maaga pa lang nang araw na iyon, kaniya na agad iniayos ang mga make-up na kaniyang gagamitin, damit na susuotin, at kung anu-anong mga bagay na kailangan niya dahil sa kasabikang nararamdaman niya.

“O, anak, hindi ba’t mamayang gabi pa ang pagdiriwang na dadaluhan mo? Bakit inaayos mo na agad ang mga gagamitin mo? Alas singko pa lang ng madaling araw ah,” bungad ng kaniyang ina nang makita ang paghahandang ginagawa niya.

“Mama, nagkayayaan po kasi kami ng mga kaibigan ko na mag-ehersisyo sa parke, magja-jogging po kami! Sabik na sabik na nga po ako kasi ngayon na lang ulit kami magkikita-kita,” ngiting-ngiti niyang kwento rito.

“Naku, kaya naman pala gan’yan na lang ang saya sa mukha mo, eh!” tugon nito saka agad nang nagluto ng kanilang almusal.

Kaya lang, natapos na siyang kumain ng pandesal at itlog, wala pa rin ni isa sa mga kaibigan niya ang nagpaparamdam sa kaniya.

“Tutuloy ka pa ba sa jogging, anak?” tanong ng kaniyang ina, sasagot na sana siya rito nang bigla siyang makatanggap ng tawag mula sa isa niyang kaibigan.

“Pasensya na, Jopay, mukhang hindi na tayo matutuloy ngayon. Puyat kasi kaming lahat kagabi dahil sa trabaho, babawi kami sa’yo sa susunod na pagkakataon!” sabi nito na ikinabuntong-hininga niya na lamang.

Advertisement

“Hindi tuloy ang jogging niyo? Magpahinga ka na lang muna, anak, para ikaw ang pinakamaganda sa pagdiriwang na dadaluhan mo mamaya. Saka, may half-day ka pang trabaho, hindi ba? Kailangan mong matulog para may lakas ka!” payo nito na agad niya namang sinunod.

Pagkagising niya bandang alas onse ng umaga, agad na rin siyang nag-ayos para siya’y makapasok na sa trabaho. Kaya lang, bago pa siya makalabas ng kanilang bahay, bigla namang buhos ng ulan!

“Diyos ko! Anong klase ang araw na ito?! Parang ayaw akong paalisin sa pamamahay na ito!” singhal niya habang hinihintay na tumila ang ulan.

Kaya lang, inabot na siya ng dalawang oras sa paghihintay, patuloy pa ring lumalakas ang ulan kaya siya’y nagdesisyong hindi na lamang pumasok.

“Ano ba talagang gusto Mong gawin ko ngayong araw, ha? Hindi na natuloy ang pagkikita namin ng mga kaibigan ko, hindi Mo pa ako pinapasok sa trabaho! Kapag talaga mamaya, hindi natuloy ang pagdiriwang na dadaluhan ko, kakamuhian na Kita!” inis niyang sabi sa Diyos habang pinagmamasdan ang rebulto nito.

“Jopay, nabasa mo na ba ‘yong mensahe ni dok? Hindi raw muna niya itutuloy ang pagdiriwang mamaya, sa sobrang lakas daw kasi ulan, binaha na ‘yong restawran na nakausap niya. Tinawagan na kita, baka kasi mamaya, nag-aayos ka na, eh, masasayang lang ‘yan,” balita ng isa niyang katrabahong nars na talaga nga namang ikinagalit niya dahilan para siya’y agad na umalis sa harap ng rebultong iyon.

Magdadabog pa lang sana siya nang bigla naman niyang marinig ang sigaw ng kanilang kapitbahay.

“Tulong! Tulong! Manganganak na ako!” sigaw nito na rinig na rinig sa kaniyang silid kaya siya’y agad na napahangos papunta sa bahay nito.

Advertisement

Pagdating niya roon, nakalabas na ang ulo ng bata at kitang-kita niyang hirap na hirap na ang babaeng patuloy na sumisigaw.

“Mataas na ang baha sa kalsada, hindi na natin siya madadala sa ospital! Tiyak, lalabas na ang bata!” pangamba ng nanay ng babae.

Doon niya agad naunawaan kung bakit hindi siya hinayaang makaalis ng Diyos sa araw na iyon.

“May mahalaga Ka palang misyon para sa akin, hindi Mo naman agad sinabi!” nakangiti niyang bulong sa hangin saka agad na pinahiga ang babae.

Pinahanda niya sa nanay at asawa nito ang mga kailangan niyang gamit saka na niya ito dali-daling pinaanak. Nahirapan man siyang ilabas ang bata dahil ito’y malaki, sa awa ng Diyos, matagumpay at buhay niya itong nailabas na talagang ikinaluwag ng loob ng lahat ng taong naroon kabilang na ang kaniyang sariling ina.

“Kung nakapag-jogging ka, nakapagtrabaho ka, at nakadalo sa pagdiriwang na iyon, tiyak na malalagay sa panganib ang buhay ng mag-inang iyan, anak. Talagang bawat pangyayari sa buhay natin ay planado ng Diyos,” bulong nito sa kaniya saka siya mariing na niyakap, “Proud ako sa’yo, anak. Ikaw ang kauna-unahang bayani sa barangay na ito!” sabi pa nito na talagang ikinahiyaw at palakpak ng lahat ng kanilang mga kapitbahay na naroon.

Simula noon, tuwing may hindi siya natutuloy na lakad, imbes na magalit sa Diyos ay natutuhan na niyang alamin kung anong misyon ang nais nitong ipagawa sa kaniya. Sa ganoong paraan, nabawasan na ang pagiging mainitin ng ulo niya, madalas pa siyang makatulong sa iba.

Hindi man natuloy ang mga lakad niya nang araw na iyon, paglipas ng isang linggo, ang lahat ng iyon ay naisakatuparan na rin at dekalibreng saya pa ang kaniyang naramdaman.