
Umaasa Siyang Bibigyan ng Pera ng Mayamang Kaibigan; Iba Pala ang Ibibigay Nito sa Kaniya
Hangad ng binatang si Jay ang isang magandang buhay kung saan hindi na niya kailangan pang tumingin sa presyo ng pagkain, damit o alahas na kaniyang bibilhin. Gusto niya ring mabigyan ng isang bahay at lupa ang kaniyang mga magulang at makabawi sa lahat ng sakripisyong ginawa ng mga ito noong siya’y nag-aaral pa lamang.
Kaya lang, tila kakambal niya ang kamalasan sa pagtatrabaho dahil sa bawat trabahong pinapasukan niya, kung hindi ito nagsasara dahil sa pagkalugi, nakakasuhan o naipapasara nang sapilitan ang mga kumpanyang pinapasukan niya dahil sa korapsyon o paglabag sa batas.
Ito ang dahilan para ganoon na lamang siya tamarin sa paghahanap ng trabaho. Marami naman talagang oportunidad ang nakapaligid sa kaniya lalo na’t nakapagtapos naman siya ng pag-aaral. Kaya lang, dahil sa dami ng pagkakadapang naranasan niya, unti-unti na siyang nawalan ng pag-asa sa buhay at bilib sa sarili niyang kakayahan.
Lalo pa siyang tinamad na makipagbakbakan sa buhay nang makaramdam siya ng inggit sa buhay na mayroon na ngayon ang kaibigan niyang dati ay siya pa ang nagbibigay ng pagkain at pamasahe para lamang makapasok sa paaralan.
Biglang angat kasi ang buhay nito at ngayo’y nakikita niya pa sa pamamagitan ng social media kung gaano na ito kayaman. Halos araw-araw itong nasa iba’t ibang parte ng bansa dahil sa negosyo nito, magaganda ang mga sinusuot nitong damit, halatang mamahalin ang mga gamit nito at higit sa lahat, napakaganda ng bahay na tinitirhan nito ngayon.
“Kailan kaya ako yayaman nang ganito? Ano bang dapat kong gawin? Kung tutuusin, mas matalino pa ako rito noong nag-aaral pa kami, eh,” sabi niya sa nakababatang kapatid, isang umaga nang muli niyang makita ang litrato nito sa social media.
“Bakit hindi mo siya lapitan ngayon? Magpatulong ka kung paano kumita nang gan’yang kalaking pera. Hindi ba’t ikaw noon ang sandalan niyan tuwing wala siyang makain? Tiyak, tutulungan ka niya,” payo ng kaniyang kapatid habang nagluluto ito ng ulam nilang itlog.
“Tama! May pakinabang ka rin pala rito sa bahay! Sigurado akong bibigyan ako ng pera noon!” tugon niya na ikinairap na lamang nito.
Wala na nga siyang sinayang na oras noon. Agad na siyang nagbihis at nagtungo sa bahay ng kaibigan niyang iyon sa pagbabakasaling siya’y tulungan nito.
Pagdating niya sa bahay nito, siya’y labis na natuwa dahil kahit ito’y mayaman na, wala pa rin itong pinagbago. Hindi ito nagdalawang-isip na siya’y yakapin sa sobrang tuwa nang makita siya at agad pa siya nitong pinapasok sa napakaganda nitong bahay.
“Bakit nga pala bigla kang nagparamdam, Jay? Ang tagal na kitang hinihintay na dumalaw dito, eh!” sabi pa nito saka siya inabutan ng meryenda.
“Didiretsahin na kita, ha, gipit kasi ako ngayon at kailangan ko ng pera,” tapat niyang sabi rito.
“Bakit? Anong nangyari sa trabaho mo?” pang-uusisa nito dahilan para agad niyang ikwento ang kaniyang pinagdadaanan, “Sumubok ka na ba ulit na maghanap ng trabaho?” tanong pa nito.
“Naku, hindi na, tinatamad na ako! Sa lahat ng kamalasang naranasan ko, nawawalan na ako ng gana sa buhay. Mabuti ka pa nga, ang taas na agad ng narating mo sa buhay!” inis niyang sabi.
“Hindi naman din ganoon kadali ang pinagdaanan ko, Jay. Namaliit ako sa trabaho, sinisante nang walang rason, nalugi rin ako nang simulan ko ang negosyo ko, pero alam mo kung anong ginawa ko? Nagpatuloy akong lumaban sa buhay hanggang sa Diyos na ang naging kakampi ko,” kwento pa nito na ikinainip niya.
“Dami mo namang kwento! Pahingi na akong pera!” biro niya rito saka niya kinapkapan ang bulsa nito.
“Pasensya ka na, hindi kita bibigyan ng pera para ipanggastos mo lang sa ngayon. Tuturuan kitang magnegosyo, para habambuhay ka nang hindi mahihirapan sa panggastos mo,” mahinahong sabi nito saka pinakita sa kaniya ang travel agency na negosyo nito.
Habang pinapaliwanag nito ang laman ng negosyong pinapalakad nito ngayon, doon niya napagtantong mas matalino at madiskarte na ito ngayon kaysa sa kaniya. Hindi nakapagtataka kung bakit ito nagtatagumpay na ngayon habang siya’y naliligaw pa rin ng landas.
“Sige, tulungan mo akong umangat ngayon. Makikinig ako sa’yo, susundin ko lahat ng payo mo,” pangako niya rito na talagang ikinatuwa nito.
Ilang araw man siyang hindi nakatulog nang maayos dahil sa pag-aaral ng naturang negosyo, lahat ng ito ay naging makabuluhan nang unti-unti na siyang kumita at magkaroon ng mga kliyente. Hindi niya nga pinagsisihan ang pakikinig sa kaibigan dahil isang taon lamang ang lumipas, nakabili na siya ng maliit na bahay at lupa at patuloy siyang lumalago sa pinansyal na aspeto katuwang ang kaibigan niyang sobrang sayang makasama siya sa pag-angat.
“Ngayon, natutuhan kong hindi nga hinihintay ang pagyaman. Dapat ito’y tinatrabaho at tinatiyaga,” sabi niya sa kapatid na ngayon ay tinuturuan niya na ring magnegosyo habang ito’y nag-aaral.