
Hindi Matanggap ng Ginang ang Napupusuan ng Anak; Isang Trahedya ang Magpapatunay ng Pagmamahal ng Lalaki sa Anak Niya
“Aling Nelia, nandiyan po ba si Daisy?” magalang na tanong ng binata sa harapan niya. Bagong ligo ito, at sa hinuha niya ay bago rin ang suot nitong damit.
Awtomatikong napasimangot si Nelia. Wala talaga siyang kaamor-amor sa anak ng kapitbahay nila na si Joey.
Kaya naman kahit na alam niya na nasa loob ng bahay ang anak niya ay umiling siya at sinabing wala roon ang hinahanap nito.
Bagsak ang balikat na nagpaalam itong uuwi na.
Ngunit sa kamalas-malasan naman ay biglang sumulpot sa likod niya si Daisy at nagtanong. Gaya ni Joey ay bihis na bihis din ito. Nahinuha niya na magde-date ang dalawa.
“”Ma, sinong nasa labas? Si Joey na ba ‘yan?” malakas na tanong nito, na narinig din ng papalayong binata.
Nagdadabog na lang na iniwan niya ang anak na noon ay hinabol na ang papalayong binata.
Labis ang disgusto niya sa binata. Mahirap lang kasi ang pamilya nito, at isa lamang itong hamak na trabahador sa kalapit na pabrika.
Mag-iisang taon na itong nanliligaw sa anak niya, at base sa nakikita niyang itsura ni Daisy sa tuwing makikita nito ang lalaki ay mukhang hindi malabo na sagutin nito ang lalaki.
Narinig niya na lang ang sigaw ng anak bago ang pagsara ng pinto.
“Mama, aalis na kami ni Joey!” ani Daisy.
“Uuwi po kami bago mag-alas diyes!” narinig niya namang sigaw ng binata.
Hindi na siya sumagot, ngunit nagngingitngit ang kalooban niya.
Kaya naman tuluyan na siyang sumabog nang kinaumagahan ay may sinabi si Daisy habang kumakain sila ng almusal.
“Mama, sasagutin ko na po si Joey. Sa lahat ng nanliligaw sa akin, siya ang pinakagusto ko. Siya ang pinakamabait, maalalahanin, at may respeto sa akin. Nakikita ko naman din po kung gaano kalaki ang respeto niya sa inyo ni Papa,” malaki ang ngiting kwento nito.
Isang matalim na sulyap ang ipinukol niya sa anak.
“Anong katang*han ‘yang naiisip mo? Ang dami-daming lalaki na disente, bakit si Joey ang pipiliin mo? Alam mo naman na hindi ko siya gusto!” maanghang na kompronta niya sa anak.
Natigagal ang dalaga. Hindi kasi ito sanay na nagtataas siya ng boses.
“Anong masama kay Joey? Napakabait nung bata. Mataas ang respeto niya sa atin, at kitang-kita ko na mahal na mahal niya si Daisy. Isa pa, kilala ko ang mga magulang niya at disente ang pamilya nila,” kontra ng asawa niya, na lalo niya lang ikinainis.
“Disente? Disente ba ang tawag mo sa nagtitinda sa palengke?” inis na pakli niya sa asawa.
“Mama, ‘wag niyo naman pong pagsalitaan ng ganyan ang mga magulang ni Joey. Napakabait po nila sa akin, at halos anak na rin ang turing nila sa akin…” mahinang saway ni Daisy. Tila anumang sandali ay iiyak na ito.
Ibinagsak niya ang hawak na kubyertos.
“Walang makakapagpabago ng isip ko! Kung pipiliin mo si Joey ay kalimutan mo na na ina mo ako!” babala niya bago padabog na nilisan ang hapag kainan.
Nang mga sumunod na araw ay pinanindigan niya ang babala sa anak. Tila ito hangin na dinadaan-daanan niya lang, at hindi niya pinapansin.
Kilala niya ang anak dahil malapit sila sa isa’t isa. Alam niya na hindi nito matitiis ang galit niya.
Ilang beses din sumubok na makipag-usap sa kaniya si Joey, ngunit hindi niya ito hinarap at binigyan ng pagkakataon.
Matapos ang humigit-kumulang dalawang linggo ay hindi nga siya nagkamali. Hindi rin siya natiis ng anak. Habang kumakain sila ng hapunan ay ibinalita na lang ni Daisy na pinatigil na nito sa panliligaw si Joey.
Sa unang pagkakataon matapos ang dalawang linggo ay isang malawak na ngiti ang pumaskil sa labi niya.
“‘Wag kang mag-alala, marami ka pang mahahanap na iba riyan,” aniya sa anak.
Nang gabing iyon, dahil sa nabawas na alalahanin ay maagang nakatulog si Nelia.
Ngunit sa kalagitnaan ng gabi ay nagising siya dahil tila kinakapos siya ng hangin at hindi siya makahinga nang maayos.
Nang imulat niya ang mata, nagimbal siya nang makitang balot ng makapal na usok ang paligid.
Nasusunog ang bahay nila!
Taranta niyang kinapa ang asawa. Mahina kasi ang baga nito at tiyak niyang hindi nito kakayanin kung tatagal pa ito sa loob ng bahay.
Mabuti na lang at may malay pa ito, kaya nakalabas pa sila ng bahay. Ngunit marahil dahil sa maraming usok na nalanghap ng asawa niya ay tuluyan na itong nawalan ng malay nang makalabas sila ng bahay.
Kasalukuyang binibigyan ng paunang lunas ang walang malay niyang asawa nang may maalala si Nelia.
Nanlalambot na nilibot niya ang tingin sa paligid, sa pag-asa na makikita niya ang hinahanap. Ngunit wala! Hindi niya makita si Daisy!
Tila may sariling isip ang mga paa niya na bumalik sa bahay na nilalamon ng apoy. Ngunit pinigilan siya ng bumbero.
“Hindi na ho pwedeng pumasok at delikado!” anang bumbero.
“Ang anak ko! Nasa loob ang anak ko!” humahagulhol na sigaw niya habang pumipiglas sa kapit ng mga bumbero.
Kahit anong gawin niya ay wala siyang magawa kundi ang mapaupo sa kalsada habang minamasdan ang unti-unting pagtupok ng apoy sa bahay nila.
Makalipas ang ilang segundo ay isang humahangos na lalaki ang dumating. Namumula ang mata nito na tila galing sa pag-iyak.
“Si Daisy, nasaan po si Daisy?” agad na usisa nito nang makita siya.
Sa nanginginig na kamay ay itinuro niya ang nasusunog na bahay.
Namutla ito at tuluyang napaiyak. Akma itong papasok sa bahay, ngunit agad itong napigilan ng mga bumbero.
Subalit dahil matikas ang binata at malaki ang pangangatawan ay walang hirap nitong naitulak ang dalawang bumbero at dire-diretsong sinuong ang apoy.
Walang nagawa ang mga bumbero dahil tuluyan nang nakapasok ang binata.
Tila tumigil ang pag-inog ng mundo ni Nelia. Nang mga sumunod na minuto ay nakatingin lamang siya sa pinto ng nasusunog na bahay.
Sa wakas, makalipas ang ilang minuto ay isang bulto ang lumabas, bitbit ang isa pang tao na balot ng makapal na kumot.
Si Joey! Nailigtas nito ang anak niya!
Walang malay si Daisy, ngunit may pulso ito. Bukod sa maliit na paso ay hindi naman ito nagtamo ng malalang sugat.
Nakahinga nang maluwag si Nelia. Nang masiguro niya na maayos na ang lagay ng kaniyang anak ay sinulyapan niya ang lalaki sa tabi nito. Hindi nagsasalita ang binata, ngunit mahigpit ang pagkakahawak nito sa kamay ng anak niya, habang walang patid ang pagluha nito.
“Gumising ka na…” narinig niyang bulong ng binata.
Tila may kumurot sa puso ni Nelia nang mapasulyap siya kaliwang braso ng binata na may malaking lapnos. Tila hindi iyon ramdam ng binata. Ang buong atensyon nito ay nasa anak niya.
“Joey, hijo…” tawag niya sa binata.
Sumulyap ito sa kaniya. May luha pa sa mata nito.
“‘Wag niyo po akong paalisin, pakiusap. Gusto ko lang po na masigurong maayos na si Daisy. Kapag nagising na siya, aalis na rin ako…” umiiyak na pakiusap ng binata.
Maging si Nelia ay napaluha. Napagtanto niya kung gaano talaga kamahal nito ang anak niya.
Taos puso siyang humingi ng tawad sa binata para sa paulit-ulit niyang pangmamaliit dito. Noon niya natanggap na wala nang papantay pa rito pagdating sa pagmamahal sa anak niya. Alam niya na hindi na siya muli pang makakakita ng tulad nito na ibubuwis ang sarili nitong buhay para sa minamahal.
“Patawad, hijo. Hindi na ako hahadlang sa pagmamahalan niyo ni Daisy. Salamat sa magmamahal mo sa kaniya,” emosyonal na wika niya sa binata.
Nang makabawi ang pamilya nila mula sa malaking unos ay isang simple, ngunit isang magandang kasalan ang naganap.
Masayang-masaya ang mag-asawang Daisy at Joey dahil sa wakas ay magsasama na sila habambuhay.
Ngunit wala nang mas sasaya pa kay Nelia, dahil alam niya na nasa mabuting kamay ang kaniyang pinakamamahal na unica hija.