
Ikinagulat ng Lahat ang Biglang Pag-angat ng Kaklase Nilang Kulelat; May Lihim na Dahilan Pala Kaya Bigla Itong Sinipag
“Ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa pagsusulit na ito ay walang iba kundi si… Clara at Miko! Nakakuha sila ng perpektong puntos!”
Nanlaki ang mata ni Lourdes sa labis na gulat. Nakakagulat na hindi siya ang nanguna sa pagsusulit. Dumoble pa ang inis niya dahil ang bagong salta na si Clara ang nakakuha ng mataas na marka. Higit sa lahat, kahit siya na itinuturing na pinakamagaling sa klase, ni minsan ay hindi nakakuha ng perpektong puntos.
Ngunit hindi lang siya ang nagulat, kundi ang buong klase.
Nakapagtataka naman kasi talaga ang resulta ng pagsusulit. Si Miko ay ang kaklase nila na kulelat. Si Clara naman ay ang kaklase nila na lumipat lang sa eskwelahan nila noong nakaraang linggo.
Agad na umugong ang bulungan.
“Si Clara, siguro, pwede, kasi mukhang magaling naman siya. Pero si Miko? ‘Di ba’t lagi nga siyang kulelat sa klase?” narinig niyang bulong ng isa sa mga kaklase nila.
“Pero ang galing ha, perfect score! Paano kaya nila nagawa ‘yun?” bulong naman ng kaibigan niya na si Leila.
Isang hinala ang nabuo sa isipan niya.
“Hindi kaya nagkopyahan sila?” bulong niya sa kaibigan.
Umiling ito.
“Imposible. Hindi nga namamansin ‘yang si Miko, ‘di ba? Laging nakapikit tapos suplado. Si Clara naman bago lang. Hindi sila close,” kontra nito sa hinala niya.
Napatango na lang siya dahil may punto naman ito.
“Baka tsamba lang,” humagikhik na komento niya, na sinegundahan naman nito.
Kaya naman ganoon na lang ang gulat niya nang sa sumunod na pagsusulit ay ganoon na naman ang resulta.
Sina Miko at Clara na naman ang nakakuha ng mataas na marka!
Sa labis na inis ay hindi na napigilan ni Lourdes na komprontahin ang dalawang kaklase.
“Anong ginagawa niyo? Nagkokopyahan ba kayo?” nakapamewang na usisa niya sa dalawa, na hindi kalayuan ang pagitan sa isa’t isa.
Si Miko ay nanatiling blangko ang tingin. Tila wala itong balak magsalita.
Si Clara naman ay tumaas ang kilay.
“May pruweba ka ba?” tanong nito.
Hindi siya nakaimik. Wala kasi siyang pruweba.
“Aalamin ko ang totoo, kaya ‘wag kayong pakasiguro na uubra ‘yang pandaraya niyo!” matapang na pahayag niya, na ipinagkibit-balikat na lang ni Clara.
Nagpupuyos sa galit na bumalik siya sa silya niya.
Nang mga sumunod na araw ay naging mapagmatyag si Lourdes. Halos hindi niya na alisin ang tingin sa dalawang kaklase. Pursigido siya na patunayan na magkasabwat sa pandaraya ang dalawa.
Hindi naman siya nabigo. May mga nakita kasi siyang tanda na malapit ang dalawa sa isa’t-isa. Hindi lang kasi isang beses na napansin niyang inabutan ni Clara ng papel si Miko.
Sa tuwing tanghali naman ay hindi niya nakikita sa kantina ang dalawa. Malaki ang hinala niya na magkasama ang dalawa!
Isang hapon ay tuluyan na niyang nakumpirma ang hinala.
Nang hapong iyon ay umuulan noong lumabas si Lourdes mula sa silid-aklatan. Nagpapatila siya ng ulan nang dumating ang isang lalaki na may dalang payong. Si Miko. Tila may hinahanap ito.
Tumigil ito sa tapat ng isang babae na tila nagpapatila rin ng ulan—walang iba kundi si Clara!
Sigurado siya na malapit sa isa’t isa ang dalawa, dahil nakita niya ang pagngiti ni Miko, bagay na ni minsan ay hindi pa nito ginawa sa klase.
Naulinigan niya pa ang pag-uusap ng dalawa.
“Nag-text sa’kin ang Mama mo. Sabi niya wala ka raw dalang payong,” ani Miko.
Ilang saglit pa ay magkahawak kamay na naglalakad na ang dalawa palayo.
Nakangising sinundan ni Lourdes ng tingin ang dalawa, na nakuhanan niya ng video mula sa hawak niyang cellphone.
Siguradong-sigurado na siya na magkasabwat nga ang dalawa! Kung hindi ay bakit umaakto ang mga ito na parang hindi magkakilala?
Kinaumagahan ay agad niyang tinungo opisina ng kanilang guro at sinabi rito ang natuklasan niya. Ipinakita niya rin dito ang nakunan niyang video.
Nang ipatawag ang dalawa ay kay laki ng ngiti ni Lourdes.
“Kailangan ko kayong bigyan ng bagong pagsusulit. Hindi patas sa iba na nagkopyahan kayo, kaya kayo nakakuha ng mataas na marka. Ipapatawag ko ang mga magulang niyo,” dismayadong litanya ng kanilang guro sa dalawa na labis pa rin ang pagtanggi.
Ngunit nang lumabas ang resulta ng pagsusulit nina Miko at Clara ay pawang natulala ang lahat.
Gaya kasi ng dati ay mataas pa rin ang marka ng dalawa. Sa pagkakataong iyon, sigurado na ang lahat na walang kopyahan na naganap dahil sa mahigpit na pagbabantay ng kanilang guro.
Nalaman lang nila ang totoo noong dumating ang magulang nina Clara at Miko.
Magkasintahan pala ang dalawa!
“Pinaghiwalay namin ng eskwelahan kasi laging napapagalitan ng mga guro dahil parating magkasama,” paliwanag ng ina ni Clara.
“Ang kaso, tinamad sa pag-aaral si Miko. Laging binabagsak ang mga pagsusulit. Nagrebelde. Sa huli, wala rin kaming nagawa kundi pagbigyan ang hiling nila na magsama sa isang eskwelahan. Pero may kondisyon, hindi sila pwedeng laging magkadikit. Kaya siguro walang nakakaalam ng relasyon nila,” paliwanag naman ng ina ni Miko.
“Ayun, nung nagsama ulit, inspirado na pareho. ‘Wag ho kayong mag-alala, hindi ho gagawa ng kalokohan ang dalawang ‘yun, magagaling na bata talaga sila,” naiiling na komento ng ina ni Clara. May ngiti sa labi nito.
Noon tuluyang nasagot ang mga tanong sa isip ng bawat isa.
Abot-abot ang paghingi ng paumanhin ng eskwelahan sa mga naabalang magulang.
“Naku, wala ho ‘yun. Mabuti nga itong nalaman ko na bumalik na pala ang gana ng anak ko sa pag-aaral,” natatawang turan ng ina ni Miko.
Sa huli ay naiwan si Lourdes sa opisina ng prinsipal. Siya ang nasermunan.
“Medyo nadismaya ako sa ginawa mo, Lourdes. Hindi tama na siniraan mo ang iba dahil lang mas angat sila sa’yo…” anito.
Yukong-yuko siya at hiyang-hiya. Walang ibang namutawi sa labi niya kundi ang mga salitang “Sorry po.”
Dahil sa nangyari ay nag-iba ang pananaw ni Lourdes. Napagtanto niya kasi na ang mga pangyayari kung minsan ay may mas malalim na istorya.
Kaya naman hindi tama na husgahan niya ang iba.