Mabuti na lang at maagang umalis sa kanilang bahay si Marijoy kundi ay mahuhuli na naman siya sa kanyang klase. Limang minuto bago mag-alas siyete ng umaga, tamang-tama lang ang dating niya dahil hindi pa dumarating ang kanilang propesor sa una nilang klase. Bago pa siya makapasok sa loob ng silid aralan ay narinig na niya agad ang malakas na boses ng isa niyang kaklaseng lalaki.
“Ano, Michael lumaban ka! Lelembot-lembot ka naman, e. ”
“Levi, ano ba?! Lunes na Lunes si Michael na naman ang pinagti-tripan mo!” inis niyang sabi sa lalaki.
“Magandang umaga, babe! Lunes na Lunes si Michael na naman ang pinagtatanggol mo,” anito.
“Pwede ba? I’m not your babe, Kadiri ka!”
“Sabi mo eh! Tara na nga mga pare,” nakangising sabi ng kaklase bago tuluyang lumayo sa kanila kasama ang mga tropa nito at umupo sa likuran ng silid.
Naabutan niya kasi na tinutukso na naman ng binata ang kaibigan niyang si Michael.
“Pasensya ka na, wala lang magawa ang lalaking iyan,” sabi niya sa binata habang tinutulungan niyang pulutin ang mga gamit nito sa lapag.
“Okay lang ako, Marijoy. Sanay na din naman ako sa kanya at sa mga kasama niya,” anito.
“Bakit kasi hindi ka lumaban sa kanila? Lagi ka na lang walang imik.”
Ngumiti lang ang binata. “Kasi kapag lumaban ako ay lalaki lang ang gulo.”
“Pero hindi rin tama na lagi ka na lang walang imik kaya inaabuso ka, e!” payo ng dalaga.
Ayaw na ayaw kasi ni Marijoy na tinutuksong binabae ang kanyang kaibigan. Paano ba naman di tutuksuhin, palaging babae ang kasama nito, siyempre isa na siya dun. Napakaarte pa nito sa katawan na parang babae. Hindi naman maipagkakaila dahil sa kaguwapuhang taglay nito. Mas makinis pa nga ang mukha ng binata kaysa sa kanya. Malinis din sa lahat ng bagay si Michael, ayaw nito ang makalat at madumi ngunit para kay Marijoy ay hindi iyon sapat para sabihan itong binabae.
Nang matapos ang klase ay agad niyang kinausap si Levi at ang mga kaibigan nito.
“Ano ba ang kailangan kong gawin para tigilan niyo na si Michael? Wala naman ginagawa sa inyo iyong tao. Halos araw-araw na lang ay grabe ang panunukso mo at ng mga alipores mo sa kaibigan ko!” singhal niya.
Natawa nang malakas si Levi sa sinabi niya.
“Sige, let’s make a deal. Patutunayan ko sa iyo na binabae ang Michael na iyan at kailangan mo ring patunayan sa akin na isa siyang ‘straight’ na lalaki. Kung paano mo gagawin, bahala ka basta kailangan nating mapatunayan kung binabae siya o hindi,” paliwanag ng kaklase.
“Ano namang mapapala ko sa walang kuwentang pustahan na iyan?” tanong ni Marijoy.
“Simple lang! Kapag nanalo ka, lulubayan ko na ang kaibigan mo. Magiging ‘genie’ rin ako na maaari mong hingan ng tatlong kahilingan at aking ibibigay,” anito.
“Hmm…mukhang maganda iyan ha. Kapag ikaw naman ang nanalo?””Kapag ako ang nanalo ay makikipag-date ka sa akin sa loob ng tatlong buwan.”
Napataas ang kilay ni Marijoy sa kondisyon ni Levi.
” Teka, lugi naman yata ako! Dagdagan natin, kapag nanalo ako lulubayan mo ako at si Michael habang buhay!” aniya.
“Wait! Parang…o sige na nga deal!” tila pilit na sabi ng binata. “Bakit ba gusto mong patunayan na ‘straight’ ang mokong na iyon?” pahabol nitong tanong.
Hindi na kumibo pa si Marijoy at tila iniwasan ang tanong na iyon ni Levi.
Nang araw ring iyon ay sinimulan nila ang kanilang pustahan at sinimulan ni Levi ang pagbibigay ng pruweba.
“Halika rito, Marijoy!” wika ng binata at itinuro ang ginagawa ni Michael sa loob ng banyo ng mga lalaki. Kitang-kita niya na naglalagay ito ng pulbos sa mukha at naglagay pa ng lip balm sa labi.
“E, ano naman ang masama? Sa panahon ngayon ay hindi lang mga babae ang gumagawa niyan ‘no!” kontra niya rito.
“Haynaku, isa lang ang ibig sabihin niyan, na isa siyang binabae. Walang duda!” pang-aasar naman ni Levi.
Nang sumunod na araw ay siya naman ang nakapagpatunay na lalaking-lalaki ang kaibigan.
Habang naglalakad sila ay bigla na lang nitong kinuha ang dala niyang malaking bag.
“O, bakit mo kinuha ang bag ko?” gulat niyang tanong.
“Alam mo, di maganda tingnan sa isang babae ang nagbubuhat ng ganito kabigat na bagay kaya ako na lang ang magbubuhat nito para sa iyo,” anito.
Nagulat din siya na habang patawid sila sa kabilang kalye ay humawak ito sa likod niya, tapos ay parang inaalalayan siya nito sa pagtawid at lumilipat ang binata kung nasaan ang mga nagdaraang sasakyan kaya kapag nasagasaan sila ay si Michael ang unang mahahagip.
“Sabi na nga ba, e. Gentleman ang kaibigan ko at hindi siya binabae. Kung narito lang sana si Levi ay makikita niya ang pruweba ko. Kaasar talaga!” bulong niya sa sarili.
Halos isang linggo na silang nangangalap ng pruweba ni Levi kung ano ba talaga ang totoong pagkatao ni Michael. Ngunit kahit anong gawin ni Marijoy ay sadyang lumalamang sa kanya ang kaklase. Hanggang isang araw ay bigla siyang kinausap ng kanyang kaibigan.
“M-Marijoy, maaari ka bang makausap?” tanong ni Michael.
“Ano naman iyon?”
“Alam ko na ang tungkol sa pustahan niyo ni Levi, matagal na. Hindi ko sinasadyang marinig ang usapan niyo noon tungkol sa akin. My God, Marijoy, ang buong akala ko ay iba ka sa kanila. Ang babaeng palaging nariyan at walang sawang nagtatanggol sa akin ay siya ring babaeng pumayag na paglaruan ang emosyon ko manalo lang sa isang pustahan? Gusto ko lang sabihin na matagal ka na sanang panalo sa pustahan niyo dahil matagal mo na ring nasungkit ang puso ko,” pagtatapat ng kaibigan.
“A-anong ibig mong sabihin?” naguguluhan niyang tanong.
“Hindi pa ba malinaw sa iyo? Mahal kita, Marijoy. Matagal na kitang mahal. Hindi pa ba sapat iyon para mapatunayan mong lalaki talaga ako?” bunyag pa nito.
Walang nagawa si Marijoy kundi ang maluha sa ipinagtapat ng kaibigan. Hindi rin niya namalayan na umalis na ito, hindi man lang siya nakapagpaliwanag kung bakit siya pumayag sa pustahan na iyon. Umalis si Michael nang hindi man lang niya nasabi rito na mahal din niya ito, kaya hindi siya naniniwala sa mga panunukso na binabae ito, kaya niya tinanggap ang pustahan para patunayan sa sarili kung may pag-asa ba siya rito o wala. Ngayong sumama ang loob nito sa kanya ay paano niya masasabi sa binata ang totoo niyang nararamdaman?
Kinaumagahan ay sinalubong siya ni Levi nang may nakakaasar na ngiti.
“Hello, babe!” maangas nitong bati.
“Puwede ba titigil-tigilan mo ang pagsasabi sa aking ng babe, kinikilabutan ako, e!” inis iyang sabi.
“Gusto ko lang ipaalala sa iyo na ito na ang huling araw ng pustahan natin at wala ka pa ring napapatunayan. So, ipoproklama ko na ba ang sarili kong panalo?” anito.
“Hindi iyan totoo, dahil mahal niya ako, Levi. Mahal ako ni Michael. Siya mismo ang nagsabi sa akin!” sigaw niya sa kausap.
“Really? Nasaan ang ebidensiya? Paano mo ako mapapaniwala kung wala kang maipakita sa aking pruweba? Ang mabuti pa ay sumuko ka na lang at sumama sa akin na makipag-date,” ngisngis nito.
“E, kasi, e kasi…”
Hindi pa siya tapos magsalita nang isang pamilyar na tinig ang umalingawngaw sa kanyang likuran.
“Tigilan mo siya, Levi! Tigilan mo na ang babaeng pinakamamahal ko!” sigaw ni Michael.
Mapait na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Levi. “Aba, ang lalaking may pusong babae ay narito pala? Mare, anong ginagawa mo dito?” pang-aasar ng binata.
Mayamaya ay dumating ang apat na kaibigang lalaki ni Levi. Mukhang alam na alam ng mga ito na darating si Michael.
Kinabahan si Marijoy sa maaaring mangyari kaya nilingon niya ang kaibigan at binalaan.
“Bakit ka pa pumunta dito. Umalis ka na, Michael. Wala namang mangyayari sa akin, e. Kaya ko ang sarili ko,” aniya sa nag-aalalang tono.
Dahang-dahang lumapit sa kinatatayuan nila ang binata na tila walang nararamdaman na kahit anong kaba. Dito ka lang, ako ang bahala sa mga iyan,” wika ni Michael sabay kindat sa kanya.”
“Pero, Michael…”
“Sabi ko akong bahala,” anito at iniabot sa kanya ang bag nito at lumapit sa grupo ni Levi.
“Pasensya na, pero hindi ko hahayaan na mahawakan ninyo ang kaisa-isang babaeng minahal ko,” sabi ng binata.
Ang mga sumunod na nangyari ay ikinabigla ni Marijoy dahil kitang-kita niya kung paano napatumba ni Michael ang grupo ni Levi sa ilang minuto lang. Napag-alaman niya na black belter pala ito sa Karate kaya hindi umubra ang kaangasan ng kanilang mga kaklase.
“Ano, ayos ka lang ba labs?” tanong nito sa kanya.
“May sasabihin sana…”
Pinigilan siyang magsalita ni Michael sa pamamagitan ng paglapat ng isa nitong daliri sa mga labi niya.
“Huwag mo nang sabihin, dahil alam ko na. Alam kong mahal mo rin ako.”
“Oo, mahal na mahal din kita, Michael. Sorry sa lahat,” aniya.
“Wala na iyon, labs. Ano napatunayan ko na ba na ‘straight’ ako? Wala ka na bang duda sa pagkalalaki ko?” muli nitong tanong.
“Hindi na mahalaga sa akin kung ‘straight’ ka o hindi, basta mahal kita, Michael. Para sa akin ay sapat na ang pag-ibig mo para mapatunayan ang tunay mong pagkatao.”
Mula noon ay hindi na sila kailanman ginulo ni Levi at ng mga kasama nito. Naging opisyal silang magkasintahan at masayang nagmamahalan sa isa’t isa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!