Masayang naggagayak ng mga gamit si Manang Gloria dahil sa wakas ay makakauwi rin siya sa probinsya. Ilang taon din siyang hindi nakadalaw sa kanyang naiwang pamilya roon mula nang magsimula siyang magtrabaho sa Maynila bilang kasambahay.
Nang maka-ipon ay nakapagdesisyon ang matanda na magretiro na sa trabaho para makasama na niya ang kanyang pinakamamahal na pamilya lalong-lalo na ang kanyang mga apo.
“Ano, Manang sigurado na po ba kayo na hindi na kayo babalik dito?” malungkot na tanong ng kanyang among babae.
“Buo na po ang desisyon ko, Ma’am. Gusto ko naman pong masulit na makasama ang mga mahal ko sa buhay bago man ako mawala sa mundong ito. Hayaan niyo po at dadalawin ko kayo rito,” sabi ng matanda.
“Aasahan namin iyan, Manang ha? Palaging bukas ang pinto ng bahay namin para sa inyo,” wika ng amo.
Bago siya umalis ay pinabaunan pa siya nito ng pagkain at ekstrang pera para may dagdag na pasalubong siya sa kanyang pag-uwi.
Alas-singko pa lang ng umaga ay nasa istasyon na ng bus si Manang Gloria. Gaya niya ay marami ring pasahero na naroon na uuwi sa kani-kanilang lugar. Mayamaya ay nakasakay na siya at maayos na nakaupo.
“Salamat naman at nakaupo nang maayos. Kanina pa ako nakatayo sa ibaba, e. Kapag ganito talagang araw ay kay daming bumibiyahe,” bulong niya sa isip.
Medyo mahaba-haba ang biyahe papunta sa kanyang destinasyon kaya hindi niya namalayan na nakatulog siya nang biglang napamulat ang matanda nang may narinig siyang kaguluhan sa loob ng bus. Kinabahan si Manang Gloria sa kanyang nakita. May apat na kalalakihan na umakyat ng bus at nangho-holdap.
“Hoy, kung ayaw niyong masaktan ay ibigay niyo ang mga pera, alahas cell phone at iba pang gamit na mapapakinabangan namin!” utos ng isang matipunong lalaki na may suot na maskara sa mukha.
Kitang-kitang ni Manag Gloria kung paano walang awang nilimas ng mga kawatan ang mga gamit at pera ng mga pasahero. Walang sinino ang mga ito maski bata man o matanda.
Nang biglang lumapit sa kanya ang isa sa mga holdaper at tinutukan siya ng baril.
“Ibigay mo na sa akin iyan, Lola para hindi ka masaktan!” sabi ng lalaki.
“Maawa po kayo, pasalubong ko iyan sa aking pamilya at mga apo. Huwag niyo pong kukunin!” pagmamakaawa ng matanda.
“Pasensya na Lola, trabaho lang. Hindi po kami nadadaan sa awa, e. Kailangan niyong ibigay ang lahat ng pera at gamit niyo sa amin kung gusto niyo pang umuwi ng buhay sa pamilya niyo,” banta ng holdaper.
Wala siyang nagawa kundi ang ibigay sa kawatan ang kanyang bag at iba pang dala-dalahan. Walang itinira sa kanya ang mga ito. Nang makuha ang mga kailangan ay nagmamadaling bumaba ng bus ang apat na lalaki. Saka lamang nahimasmasan ang mga pasahero nang wala na ang mga ito. Halos gumuho naman ang mundo ni Manang Gloria sa nangyari sa kanya. Walang iniwan sa kanya ang mga holdaper kahit singkong duling. Hindi gaya ng ibang pasahero na pasimpleng nakapagtabi ng kaunting halaga na isinuksok sa gilid-gilid ng mga upuan na hindi namamalayan ng mga kawatan. Pinoproblema ni Manang Gloria kung paano siya makakauwi sa kanila gayong sa pagbaba niya sa kanyang destinasyon ay dalawang sasakyan pa ang kailangan niyang sakyan bago tuluyang makarating sa kanyang pamilya. Nasa liblib na lugar kasi ang bayan nila kaya mahirap tuntunin.
Agad naman na may rumespondeng mga pulis sa nangyaring holdapan sa bus. Napansin ng mga ito ang walang patid na pag-iyak ni Manang Gloria. Dahil sa sobrang nahabag ang mga ito ay isinama ng ilang pulis ang matanda sa kanilang istasyon para pakainin at painumin. Ang iba naman ay naiwan sa pinangyarihan ng krimen para patuloy na mag-imbestiga.
“Ano po ba talaga ang nangyari sa inyo at sa iba pang pasahero sa bus? Nakilala niyo po ba ang mga salarin?” tanong ng isang bagitong pulis.
“Sumakay sa bus ang apat na kalalakihan at walang awang tinangay ang aming mga gamit at pera. Sa akin po ay walang natira, nilimas nilang lahat ang mga dala ko pati ang mga pasalubong ko sa aking pamilya ay kinuha. Maging ang pera na gagamitin sana ng aking mga apo sa kanilang pag-aaral ay nawalang parang bula. Ilang taon kong inipon at pinaghirapan bilang kasambahay ang perang iyon, tapos ay kukunin lang ng mga masasamang loob. Wala rin sa amin ang nakakilala sa kanila dahil nakasuot sila ng maskara. Sa ngayon ay wala ako kahit na magkano, malayo pa naman ang uuwian ko. Hindi ko alam kung paano pa ako makakarating sa amin,” hayag ni Manang Gloria habang patuloy ang paghagulgol.
Napansin na lamang ng mga pulis na naiiyak na rin sila sa sinapit ng kawawang matanda. Kaya napagkasunduan ng mga ito na mag-ambag-ambag para sa pamasahe at pasalubong ng matanda sa kanyang pamilya, para hindi na ito umiyak. Malaki-laki rin ang naiambag ng mga pulis na naka-duty sa istasyong iyon na ibinigay nila kay Manang Gloria para kahit paano ay maibsan ang kalungkutan nito sa nangyari.
Mayamaya ay isang lalaki naman ang dumating at tinatanong ang tungkol sa nangyaring holdapan.
“O, kumusta ang mga biktima, ayos lang sila? May mga nasaktan ba sa insidente?” tanong nito.
“Wala po sir. Ligtas naman po ang lahat ng mga pasahero. Naroon po ang iba naming kasamahan para magbigay ng tulong sa mga biktima,” sagot ng bagitong pulis.
“Sabihan niyo lang ako kung mayroon pa akong maitutulong,” anito.
“Nga pala, sir. Si Lola po ay isa sa mga naholdap sa bus. Lahat daw po ng gamit at pera niya ay kinuha ng mga kawatan. Ngayon po ay wala siyang kahit magkano sa kanyang bulsa kaya nga po nag-ambag-ambag kami ng aking mga kasama para sa kanya, para kahit paano ay makatulong kami,” wika nito.
“Ganoon ba?” maikli nitong sabi at nilapitan ang matanda.
“Lola, ako po si Governor Mauricio, nabalitaan ko po ang nangyari at ikinalulungkot ko po ang inyong sinapit. Ginagawa na po namin ang lahat ng aming makakaya para madakip ang mga salarin. Narito po ang tulong ko sa inyo, sana ay tanggapin niyo,” magalang na sabi ng lalaki habang iniabot sa kanya ang dalawampung libong pisong papel.
“Pagpasensyahan niyo na po iyan, Lola. Sana po ay makatulong iyan sa inyong pamilya,” anito.
“Naku, sobra-sobra na ito, Gov. Maraming salamat po!” masayang sabi ni Manang Gloria.
Nagpasalamat din siya sa mga pulis na nagbigay sa kanya ng tulong. Sinabi ni Manang Gloria na hinding-hindi niya malilimutan ang ginawang pagmamagandang-loob ng mga ito sa kanya.
Sa nangyari ay napagtanto niya na may mga tao pa palang nasa posisyon sa lipunan ang may mabubuting puso na handang magbigay ng tulong na walang hinihingi na anumang kapalit.
Maayos naman na nakarating si Manang Gloria sa kanyang pamilya at tuwang-tuwa ang mga ito nang malamang walang nangyaring masama sa kanya. Ayos lang sa kanyang mga apo na walang pasalubong basta makita lang na nasa mabuting kalagayan ang kanilang pinakamamahal na Lola.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!