Inutusan si Portia ng siyam na buwang buntis niyang nanay na bumili ng grocery supply nila para sa dalawang linggo. Mahaba ang listahan ng kaniyang mga bibilhin. Para hindi siya mahirapan sa pagbubuhat ay sinamahan siya ng kaniyang nobyong si Steven.
Matapos mamili ay napagdesisyunan ng dalawa na kumain muna sa isang fast food na restawran bago umuwi. Habang hinihintay ang inorder nilang pagkain ay nagpunta muna sa CR si Portia. Pagbalik niya sa pwesto nila ay naabutan niyang nilalandi si Steven ng isang mestizang babae.
“Mukhang bored ka. Gusto mo bang samahan kita? May alam akong magandang lugar kung saan siguradong mage-enjoy ka buong magdamag,” maakit na alok ng babae.
“Miss, bobo ka ba? Nakita mo naman sigurong kasama ko ‘yung girlfriend ko since magkatapat lang ang mesa natin. Umalis ka na at huwag kang istorbo sa amin,” inis na sagot ni Steven.
“Sigurado kang girlfriend mo ‘yong pangit na iyon? Hindi mo siya katulong?”
Nagalit ang lalaki sa sinabi ng babae kaya sinigawan niya ito.
“Ang kapal ng mukha mo para insultuhin ang girlfriend ko! Mas gugustuhin kong makasama ang dyosa kong nobya kaysa sa isang tulad mo na parang hipon!”
Binibilang ni Portia ang kaniyang sarili sa pederasyon ng mga pangit. Maitim ang kaniyang kutis, kulot ang buhok, maliit ang hinaharap at likod at isa siyang pandak. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na napaibig niya si Steven, isang gwapo, matangkad at matipunong lalaki. Tuwing magkasama sila ay hindi maiwasan ng babae na manliit ang tingin niya sa sarili lalo na pag nakakarinig siya ng mga panlalait sa mga taong nakakakita sa kanila at sa mga magagandang babae na lantarang lumalandi sa kaniyang nobyo.
Hindi lingid sa kaalaman ni Steven na mababa ang tiwala ni Portia sa sarili. Nangangamba siya na baka ito ang maging dahilan ng nobya para hiwalayan siya nito. Mahal na mahal niya ang babae. Gusto niya itong tulungan na tumaas ang kompyansa sa sarili kaya sa tulong ng internet ay naghanap siya ng mga paraan na pwede niyang gamitin para matulungan ang nobya.
“Dyosa, mamasyal tayo sa beach ngayong sembreak para maiba naman. Nakakasawa na sa mall, eh,” pag-anyaya ng nobyo ni Portia.
“Ayoko. Lalo lang akong mangingitim,” reklamo ng babae.
“Okay lang ‘yan. Mas lalo kang gaganda kaya mas lalo akong mapapamahal sa’yo. Ayoko sa mga mapuputi. Mukha silang bampira.”
Nitong mga nakaraang araw ay maraming napapansing pagbabago si Portia sa kaniyang nobyo. Maliban sa dyosa ang napiling endearment ng lalaki sa kaniya ay palagi siya nitong pinauulanan ng mga matatamis na salita at papuri tuwing may pagkakataon. Mas lantaran din ang pagpapakita nito ng pagmamahal lalo na pag nasa pampubliko silang lugar. Kung hindi siya inaakbayan ng lalaki ay palagi magkahawak ang kanilang mga kamay. Pag iniinsulto siya ng mga magagandang babae ay hindi ito nahihiyang halikan siya sa pisngi o labi sa harapan nila. Habang tumatagal ay unti-unting nababawasan ang insecurities niya dahil nararamdaman niyang hindi siya ikinahihiya ng gwapo niyang nobyo.
Para sa kanilang anibersaryo ay naghanda ng isang sopresa si Steven para sa kaniyang nobya. Pinakiusapan ng lalaki ang kaniyang mga magulang na nagtatrabaho sa teatro para tulungan siyang isakatuparan ang kaniyang mga plano. Masusing itong pinaghandaan ng lalaki. Binuhos niya ang lahat ng kaniyang lakas, utak at damdamin para dito. Ang tanging hiling lang niya ay sana magustuhan ito ng kaniyang nobya, na sana ay maramdaman nito ko gaano niya ito kamahal, kung gaano siya nagpapasalamat na siya ang nobyo nito at kung gaano niya ito ipinagmamalaki sa lahat.
Walang tigil ang pagtulo ng luha ni Portia habang pinapanood niya ang unang araw ng pagpapalabas ng dula na sopresa sa kaniya ng kaniyang nobyo. Ang akala niya ay kakain lang sila sa labas para ipagdiwang ang kanilang anibersaryo. Di niya akalain na ang paraang gagamitin ng lalaki para ipahayag ang pagmamahal nito sa kaniya ay sa pamamagitan ng isang dula tampok ang kanilang love story. Ang nobyo mismo ang sumulat ng nasabing dula at ito rin ang gumanap na bidang lalaki.
“Wala akong pakialam sa kanila. Hindi naman sila ang nagpapatibok ng aking puso. Bulag ako sa kanilang kagandahan dahil ikaw lang ang nakikita ng aking mga mata. Eh, ano ngayon kung maputi sila? Ubod naman ng itim ng kanilang mga puso. Minahal kita dahil sa kabutihan ng iyong puso na tumatagos sa panlabas mong anyo. Hindi lang maganda ang iyong kalooban, isa kang dyosa na sinasamba ng isang aliping tulad ko. At habang tumatagal ay hindi nawawala ang pagtingin ko sa iyo. Lalong lumalalim ang pagmamahal na nararamdaman ko. Huwag mo silang pansinin dahil nakakaangat ka sa kanila. Para sa akin ay nag-iisa ka lang dito sa mundo.”
Tagos sa puso ni Portia ang huling linyang binitawan ni Steven. Maswerte siya at nakatagpo siya ng isang lalaking tunay na nagmamahal sa kaniya sa kabila ng kaniyang anyo. At isang malaking pagkakamali kung hahayaan niyang masira sila dahil lang sa kaniyang mga insecurities.
Kaya simula noong araw na iyon ay taas noo na siyang naglalakad kahit saan man siya magpunta. Hindi rin siya tumitigil sa pagsubok ng mga bagay at mga gawain na makakatulong para lalong tumaas ang tiwala niya sa kaniyang sarili. Sa bawat hakbang na kaniyang ginagawa ay laging nasa likod niya ang pinakamamahal niyang si Steven na walang tigil siyang ipinagmamalaki sa lahat ng mga nang-iinsulto sa kaniya.