Noon pa man ang magkaribal na sina Rufina at Yolly lalong-lalo na sa negosyo. Pareho silang nagmamay-ari ng tindahan sa kanilang barangay kaya naman hindi nagpapatalo ang dalawa kung paano ibebenta ang kanilang mga paninda.
“Bili na kayo mga suki!” sigaw ni Rufina habang ikinekendeng pa ang malambot niyang beywang sa harap ng mga nagdaraan niyang mga kapitbahay.
Nilapitan siya ng isang matandang babae at bumili sa kanya.
“Ineng, pabili nga ng sabong panlaba. Bigyan mo ako ng tatlong piraso,” anito.
“Sabong panlaba ba hanap mo mader? Puwes, heto na at mainit-init pa!” aniya sabay abot ng sabon sa matanda.
“Naku, salamat ineng. Aba at hindi ka pa rin nagtataas ng presyo ha. Kaya nga sa iyo ako palaging bumibili, e!” nakangiting sabi nito.
“Siyempre mader. Sa hirap ba naman ng buhay ngayon ay magtataas pa ba ako ng presyo? May malasakit naman ako sa mga kapitbahay ko kaya nananatiling mababa ang presyo ng mga paninda ko.”
“Kaya nga nagpapasalamat kami sa iyo, kasi malaking tulong ang hindi mo pagtataas ng presyo di gaya ng mga paninda ni Yolly diyan sa tapat, doble yata ang itinaas ng presyo ng sabon.”
Ang hindi nila alam ay nakarating na kay Yolly ang sabi ng matanda tungkol sa kanyang mga paninda. Di sinasadyang napadaan sa tapat ng tindahan ni Rufina ang kanyang pamangkin na si Kylie at narinig nito ang pag-uusap ng dalawang ale. Agad niya itong ikinuwento sa kanyang tiyahin.
“Sinabi niya iyon? Talagang ang matandang iyan at tsinismis pa sa mahaderang Rufina na iyon ang mga paninda ko, hinding-hindi siya makakabili rito sa tindahan ko,” inis na sabi ng babae.
“E, Tita ano pong gagawin niyo, mababang presyo po ang panlaban ni Aling Rufina kaya marami sa mga kapitbahay natin ang bumibili sa kanya,” wika ni Kylie.
“Hmm..kailangan kong makaisip ng paraan para makaganti sa Rufina na iyan para sa akin magsibili ang mga kapitbahay.”
Isang araw ay may kumalat na balita sa kanilang barangay tungkol sa reklamo sa paninda ni Rufina .
“Huwag na huwag na kayong bibili sa tindahan ni Rufina dahil manloloko ang babaeng iyan! Mababa nga ang presyo ng mga paninda niya, peke naman. Gaya nitong nabili kong sabon na panghugas ng pinggan. Hindi mabula kapag ginamit dahil napag-alam ko na nilalagyan niya ng tubig at ibinebenta niya sa mas mababang halaga para mas maraming bumili sa kanya. Isa pa, iyong binili kong sabong panlaba naman ay may halong tsok kaya nang gamitin ko sa paglalaba ay nagkaroon lang ng mantsa ang mga nilabhan kong damit!” pagbubunganga ni Aling Naty sa labas ng tindahan ni Rufina.
Narinig naman ng babae ang reklamo at pinuntahan ang nagwawalang ale.
“Teka, ano ba iyang sinasabi mo, Naty. Kahit kailan ay hindi kita binentahan ng peke. Kahit kailan ay hindi ako magbebenta ng pekeng produkto para lang kumita,” sabi niya rito.
“Ebidensiya ba ang kailangan mo? O, heto ang mga ibinenta mo sa aking sabong panlaba at panghugas ng pinggan. Tingnan mo at may halong tubig at tsok iyang mga sabon mo!” pamamahiya pa ng ale.
Nang makita ng mga kapitbahay ang ebidensiya ni Aling Naty ay nagkaroon sila ng duda sa mga paninda ni Rufina. Ang ilan sa mga kapitbahay ay napagdesisyunan na hindi na muna bumili kay Rufina at lumipat sa tindahan ni Yolly.
Dahil sa kumalat na tsismis ay humina ang kita ng tindahan ni Rufina. Kung dati ay sa kanya bumibili ng halos lahat ng mga kapitbahay, ngayon ay mabibilang na lamang sa daliri ang mga kustomer niya. Ang halos lahat ng mga tao sa kanilang barangay ay sa tindahan na ni Yolly nagisisibili. Dahil sa tumumal ang benta ay namomroblema si Rufina kung paano maitatawid ang kanilang pang-araw-araw ng buhay ng kanyang pamilya. Sa tindahan lang siya umaasa ng mapagkukunan niya ng panggastos para sa pag-aaral ng kanyang anak at upa sa bahay. Isa siyang dalagang ina kaya mas lalo niyang kailangan ng mapagkakakitaan. Nang tingnan niya ang kanyang pitaka ay halos wala na itong laman.
“Diyos ko, mukhang hindi sasapat itong kita ng tindahan sa pangkain naming mag-ina ngayong araw, ano ang gagawin ko?” nag-aalalang sabi ni Rufina sa sarili.
Sa kabilang tindahan naman ay nagdiriwang si Yolly dahil sa dami ng kanyang kinita sa araw na iyon.
“Kita mo nga naman, maya’t maya ang dating ng suwerte, o! Sige lang, sa akin pa kayo magsibili mga mahal kong kapitbahay,” nakangising wika ng babae habang ipinapaypay sa sarili ang mga kinitang perang papel.
Mayamaya ay may isang matandang lalaki na lumapit sa kanyang tindahan.
“Maaari ba akong maka-utang sa iyo? Kahit isang pirasong tinapay lang o biskwit,” pakiusap ng matanda.
“Ay pasensya na ho, pero hindi ako nagpapa-utang, e! Sa iba na lang kayo umutang,” mataray na sabi ni Yolly.
Walang imik na umalis ang matanda at lumipat sa tindahan ni Rufina.
“Hija, maaari bang maka-utang ng kahit anong makakain? Huwag kang mag-alala at babayaran kita kapag nagkapera ako,” anito.
“Naku, manong kahit po huwag niyo nang bayaran, bigay ko na lang po sa inyo. Heto po ang biskwit at mamon. Kainin niyo na po para mapawi ang gutom niyo. Narito rin po ang tubig para pamatid uhaw,” wika ni Rufina na inalalayan pa ang matanda na umupo sa maliit na silya.
“Maraming salamat hija! Wala pa akong pera na maibabayad sa iyo pero tanggapin mo ito, malaki ang maitutulong niyan sa iyo,” sabi ng matanda habang iniabot sa kanya ang isang maliit na bato.
“Ano po ito?” nagtatakang tanong ng babae.
“Pasasalamat ko sa kagandahang loob mo,” anito.
May pahabol pa sana siyang tanong sa matanda ngunit paglingon niya ay wala na ito sa kinauupuan.
“Nasaan na si manong? Ano naman ang gagawin ko sa batong ito?” naguguluhan pa rin niyang sabi.
Nang araw ring iyon ay dumalaw ang kapatid niyang si Dorina at nakita nito ang hawak niyang bato. Agad na sinuri ng babae ang batong ibinigay ng matanda. Isang alahera ang kanyang kapatid at nagtatrabaho sa sanglaan kaya nang mapansin nito ang bato ay nagkaroon ito ng ideya kung ano iyon. At nagulat ito sa natuklasan.
“Diyos ko, Ate Rufina! Hindi basta-bastang bato itong ibinigay sa iyo, isa itong mamahaling uri ng diyamente at napakamahal ng halaga nito kapag ibinenta,” gulat na sabi ni Dorina sa kapatid.
Hindi makapaniwala si Rufina na isang diyamante pala ang ibinigay sa kanya ng matadang binigyan niya ng pagkain. Di nagtagal ay kay bilis na nagbago ng kanilang buhay dahil sa mamahaling bato ay nagkaroon sila ng limpak-limpak sa pera. Hindi man niya nakilala ang misteryosong matanda ay habambuhay itong pasasalamatan ni Rufina sa ibinigay na biyaya. Kahit nagkaroon ng malaking pera at maituturing ng milyonarya ay hindi pa rin niya sinukuan ang tindahan. Gamit ang perang nakuha sa pinagbentahan ng bato ay pinalago niya ang kanyang negosyo hanggang sa maging malaking grocery ang kanyang maliit na tindahan na dinarayo na ng mga mamimili.
Sa kabila ng suwerteng dumating kay Rufina ay minalas naman ang negosyo ni Yolly dahil kumalat ang balita na niloko niya ang mga kapitbahay sa paninirang ginawa sa mga paninda ni Rufina. Mula noon ay hindi na bumili sa kanya ang mga tao sa kanilang barangay hanggang sa malugi ang kanyang tindahan. Nabunyag kasi ang kanyang kabuktutan nang minsang malasing si Aling Naty at ikinuwento nito sa mga kainuman ang ginawang pagbabayad sa kanya ni Yolly para siraan ang paninda ni Rufina.
Pagsisihan man ni Yolly ang ginawa ay hindi na maitutuwid pa ang paninira niya noon sa negosyo ng kanyang kalabang mortal. Kung hindi sana siya nagpalamon sa inggit ay hindi sana mawawala ang tindahang pinag-ipunan niya ng matagal na panahon at hindi rin sana mawawalan ng tiwala sa kanya ang mga kapitbahay nila. Kung alam lang niya na susuwertehin siya sa pagtulong sa matandang lalaking umuutang sa kanya, e di sana siya ang nagtatamasa sa yamang ibinigay nito. Iyon ang lamang sa kanya ni Rufina, mayroon itong mabuting kalooban kung kaya’t karapat-dapat lang itong mapunta sa taong karapat-dapat na pagbigyan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!