“Seryoso ba kayo Papa? Ipapakasal niyo ako sa babaeng hindi ko naman mahal at sa hindi ko man lang lubos na kilala?” gulat na tanong ni Emerson tungkol sa balak na pagpapakasal sa kanya sa anak ng kasosyo ng mga magulang sa negosyo.
“Huwag matigas ang ulo, Emerson. Kailangan mong pakasalan ang anak ni Mr. Chua, nakasalalay doon ang kinabukasan ng ating kumpanya. Alam mo namang palugi na ang ating negosyo at ang pamilya lang ng mga Chua ang magsasalba sa atin,” malakas na wika ng ama.
“Isasakripisyo ko talaga ang personal kong kaligayahan para sa sarili niyong interes? My God, Papa! Anak niyo ba talaga ako?” maktol niya rito.
“Kung talagang may malasakit ka sa pamilyang ito ay susundin mo ang utos ng Papa mo. Gawin mo na lang para sa amin, pakiusap anak,” pagmamakaawa ng kanyang ina.
Mukhang sa sitwasyong iyon ay wala na siyang kawala. Pasensyahan na lang dahil may dugo siya Intsik kaya wala siyang magagawa kundi sumunod sa kagustuhan ng mga magulang. Saglit siyang nag-isip at nagdesisyon kaya muli niyang hinarap ang ama at ina.
“Sige po, pumapayag na akong magpakasal pero may mga kundisyon,” aniya.
“Anong kondisyon?” sabay na sabi ng mga magulang.
“Hindi ko maaaring halikan at sipingan ang aking magiging asawa. Oo at maikakasal kami ngunit hindi ko maibibigay sa kanya ang responsibilidad na iyon bilang mister niya. Ibibigay ko lang ang buo kong pagkatao sa babaeng mahal ko at hindi sa babaeng pinagkasundo lang sa akin,” hayag niya.
“Walang nagawa ang kanyang ama at ina sa desisyon niya. Agad na ipinarating ng mga ito ang balita sa pamilya ng kanyang mapapangasawa. Pumayag naman ang babae at ang mga magulang nito sa kondisyon niya kaya mabilis na naihanda ang kanilang kasal.
Sa pagsipot ni Emerson sa pagdarausan ng pag-iisang dibdib nila ng babae ay laking gulat niya dahil nang magpakita ito ay nakatakip ng mahabang belo ang mukha nito. Sinabi ng mga magulang ng kanyang pamamangasawa na iyon ang kagustuhan ng kanilang anak, na hindi ipakita sa kanya ang katauhan nito.
Natuloy ang kasal at ganap na silang mag-asawa ngunit gaya ng pangkaraniwang kasal ay walang paghalik sa bride na naganap dahil sa kasunduan ng dalawang pamilya. Parte rin ng kasunduan na inihain ni Emerson ay hindi sila maaaring magsama ng kanyang asawa sa iisang bubong. Ipinagtaka nga ng mga magulang niya kung bakit pumayag ang pamilya ng kanyang misis sa mga kundisyon niya. Masayang-masaya naman ang lalaki dahil sa kontrado niya ang sitwasyon.
“Haynaku, di halatang kasal na ako dahil tuloy pa rin ang pagbubuhay binata ko nito dahil sa kasunduan. Ang galing talaga ng naisip mo, Emerson!” tuwang-tuwa niyang bulong sa sarili.
Dalawang linggo matapos ang kanyang kasal ay oras na para siya naman ang tumupad sa isa sa mga kasunduan ng kanilang pamilya. Kailangan niyang tulungang asikasuhin ang pagsasanib ng kanilang negosyo at ang negosyo ng kanyang napangasawa. Marami pa siyag hindi alam dahil hindi naman niya kailanman kinahiligan ang pagnenegosyo kaya isang dalaga ang tumulong sa kanya sa katauhan ni Lineth. Mula nang magsimula siyang magtrabaho ay ito na ang umalalay sa kanya sa lahat ng kailangan niyang matutunan. Sa una ay medyo naiilang siya rito dahil sa hitsura ng babae. Mayroon itong makakapal na kilay at makapal na labi ngunit habang tumagatal ay gumagaan na ang loob niya sa babae dahil sa taglay na kabutihan nito.
“Ano, hindi ka na ba nahihirapan sa trabaho mo? Kung mayroon ka pang mga hindi maintindihan ay sabihin mo lang sa akin,” wika ng dalaga.
“Salamat ha. Kung wala ka siguro ay hindi ko na alam ang gagawin ko. Nga pala, matagal ka na bang nagtatrabaho rito?” tanong niya kay Lineth.
“A, e oo. Matagal-tagal na rin. Ikaw, di ba may may-asawa ka na? Bakit hindi ko pa siya nakitang dumalaw rito? Siya ang anak ng kasosyo niyo rito di ba?” taka nitong tanong.
“H-hindi kami magkasama, e. Hindi ko pa nga siya nakikilala. Isa kasi iyon sa mga kundisyon niya, ang hindi magpakita sa akin. Ako naman ay ang hindi pagsiping sa kanya. Wala rin akong responsibilidad sa kanya bilang mister.”
“B-bakit naman? Kahit ba kailan ay hindi mo naisipang makipagkilala man lang sa kanya? Hindi mo man lang siya binigyan ng pagkakataong makilala ka at mapatunayan ang sarili niya sa iyo. Hinusgahan mo agad siya na hindi mo siya kayang mahalin,” hayag ng dalaga.
“Magulo kasi ang utak ko noon. Ayoko kasi ng arranged marriage e. Gusto ko kapag nagpakasal ako ay mahal ko ang mapapangasawa ko. Hindi kasi ako naniniwala na kayang magmahalan ng dalawang taong pinagkasundo lang,” aniya.
Sa araw-araw na magkasama sila ni Lineth ay masasabi niya na ito na ang pinakamabait na babae na kanyang nakilala. At sa pagkakataong iyon ay may kung ano siyang naramdaman sa kanyang dibdib. Hindi niya maipagkakaila na sa kauna-unahang pagkakataon ay umibig ang kanyang puso ngunit pinilit niyang pigilan ang nararamdaman dahil hindi na siya malaya. Nakatali na siya sa babaeng ipinagkasundo sa kanya ng mga magulang.
Isang gabi, paglabas nila sa opisina at pasakay na sana sa kotse sina Emerson at Lineth ay may dalawang armadong lalaki ang lumapit sa kanila at hinablot ang bag ng dalaga. Nagtangkang tumakas ang mga kawatan ngunit nahabol ito ni Emerson.
“Mga walang hiya kayo! Ang laki ng mga katawan ninyo, hindi kayo marunong magbanat ng buto? Ibalik niyo iyan!” sigaw niya.
“Hindi namalayan ni Emerson na dumukot ng patalim ang isang lalaki at tangkang itatarak sana sa kanyang tagiliran ng biglang iharang ni Lineth ang katawan at ito ang nasaksak. Mabilis namang nakatakas ang mga salarin.
“Lineth, Lineth! Mga g*go kayo, bumalik kayo rito!” patuloy niyang sigaw habang hawak-hawak ang duguang katawan ng dalaga. Agad niya itong binuhat at isinugod sa ospital.
Nang magamot ng doktor ay ibinalita naman sa kanya nito na hindi naman malala ang kundisyon ng dalaga na kanya namang ikinapanatag. Ang hindi lang niya lubos na maunawaan ay kung bakit nito itinaya ang sariling buhay para lang sa kanya?
Mayamaya ay dumating ang mga magulang ni Lineth sa ospital at laking gulat niya nang makilala ang mga ito.
“K-kayo ang parents ni Lineth?” mangha niyang tanong.
Hindi siya makapaniwala na ang mga bigla na lang sumulpot ay ang mga magulang rin ng kanyang napangasawa.
“Oo, kami nga hijo. Siguro ay kailangan mo ng malaman ang katotohanan,” wika ng ina ni Lineth.
“Katotohanan? Ano pong ibig niyong sabihin?”
“Si Lineth, siya ang asawa mo, Emerson,” bunyag ng ama nito.
“Ha? S-siya ang…” tangi niya nasabi habang natulalang napaupo sa silyang naroon. Di napaghandaan ni Emerson ang masaganang luha na bumukal sa kanyang mga mata. Labis ang pagsisisi niya na hindi man lang niya nagampanan ang kanyang responsibilidad bilang asawa kay Lineth. Wala rin siyang nagawa nang walang awa itong saksakin kanina ng mga kawatan.
“Noong una ay hindi talaga kami payag sa mga kondisyon mo sa pagpapaksal sa aming anak ngunit si Lineth ang may gusto na ituloy ang kasal at pumayag sa kasunduan. Pumayag siyang magpakasal kahit hindi mo maibibigay ang pangangailangan niya bilang iyong asawa dahil ayaw niyang dumating ang panahon na hindi siya makakahanap pa ng lalaking papakasalan siya dahil sa kanyang hitsura. At saka noon pa man ay gusto ka na ng aming anak dahil palagi ka niyang nakikita nung nag-aaral pa lang kayo sa kolehiyo. Doon din siya nag-aral at nagtapos. Ikaw ang ultimate crush niya kaya nga nang ipakasal namin siya sa iyo kahit pa mabigat ang mga kondisyon ay buong puso niyang tinanggap. Hiling rin niya na huwag ipakita ang kanyang mukha noong araw ng kasal niyo dahil ayaw niya ring makita mo siya dahil natatakot siya na baka lalo mong hindi ituloy ang kasal kapag nakita mo ang hitsura niya,” hayag pa ng biyenang babae.
Dahil sa mga narinig ay agad niyang pinuntahan ang asawa sa pribadong silid kung saan ito nagpapahinga. Naabutan naman niya na gising ito.
“Ikaw pala ang asawa ko, bakit hindi mo sinabi sa akin? Kaya ba ikaw ang sumalo ng saksak na para dapat sa akin?” maluha-luhang tanong ng lalaki.
“Alam mo na pala ang lahat. Bakit pa, hindi mo naman ako mamahalin kapag sinabi ko ang totoo. Siguradong hindi mo itutuloy ang kasal kapag nalaman mo na ako ang mapapangasawa mo. Kuntento na ako na asawa kita kahit sa papel lang, ganoon kita kamahal, Emerson. Noon pa man kahit nasa kolehiyo pa tayo ay mahal na kita. Sikat na sikat ka noon dahil sa galing mo sa basketball at isa ka sa pinakamagaling na player. Sino ba naman ako para mapansin mo? Laking suwerte ko na lang dahil ang mga magulang mo pala ang kasosyo ng aking mga magulang at nagkataong kailangan tayong magpakasal para sa pagsasanib ng kanilang mga negosyo. Inakala ko na mabibigyan na ako ng tiyansang mapalapit sa iyo ngunit bigo pa rin ako. Kaya nang malaman ko ang mga kondisyon mo ay pikit mata ko iyong tinanggap dahil para sa akin, maikasal lang sa iyo kahit walang anumang namamagitan sa atin ay sapat na,” bunyag pa nito.
Nilapitan ni Emerson ang kanyang misis at mahigpit na hinawakan ang kamay nito.
“Sa wakas, nagkaroon din ako ng pagkakataon na sabihin sa iyo na pareho tayo ng nararamdaman. Mahal din kita Lineth. Mula nang magkakilala tayo ay napa-ibig mo ang puso ko. Hindi ko lang masabi sa iyo dahil may asawa na ako ngunit ngayong nalaman ko na ikaw pala ang aking maybahay ay wala na akong dapat na ilihim pa, mahal kita at totoo na talaga ito at hindi pilit. Kusa ko itong naramdaman na walang sinumang nagdidikta sa akin.”
Napaluha na rin si Lineth sa ibinunyag ng kanyang mister. Natutunan na rin pala siya nitong mahalin at dahil kapwa na sila nag-iibigan ay napagkasunduan nila na muling pagpakasal. Sa pagkakataong iyon ay sa simbahan na at hindi na sa huwes. Pagkatapos ng kasal ay dumiretso sila sa kanilang honeymoon. Gusto ni Emerson na espesyal ang pulo’t gata nilang mag-asawa dahil iyon ang unang gabi na may mangyayari sa kanila ni Lineth. Ilang beses iyong naulit hanggang sa magdalantao si Lineth at di nagtagal ay nagsilang ng malusog at magandang sanggol.
Wala nang mahihiling pa ang mag-asawa dahil kahit huli na nang malaman nila na sila talaga ang itinadhana ay maganda pa rin ang kinalabasan ng kanilang pagsasama.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!