Inday TrendingInday Trending
Palaging Inaaway ng Babae ang Nobyong Ipinaglaban Siya, Nagsisi Siya nang Layasan Siya Nito Tangay ang Anak Nila

Palaging Inaaway ng Babae ang Nobyong Ipinaglaban Siya, Nagsisi Siya nang Layasan Siya Nito Tangay ang Anak Nila

“Pananagutan ko po siya at ang anak namin,” pinangako ito ni Stephen sa mga magulang ng kanyang nobya na si Madison.

Tatlong taon na silang magkasintahan, ngunit nabuntis ni Stephen ang dalaga. Limang buwan na niyang dinadala ang kanilang anak.

Habang nalalapit ang kanyang panganganak, sari-sari ang pinapabili ni Madison kay Stephen. Madalas pagkain, pero minsan ay may nakakasingit na kung ano-ano, tulad ng damit o make-up.

“Babe, uwian mo ako ng sineguelas ha?!” text ni Madison kay Stephen.

“San mo naman ako inaasahang makakita ng sineguelas ng alas dyes ng gabi?” sagot naman ng lalaki.

“Wag na wag kang uuwi dito nang wala kang nabibili!” mabilis na sagot ng babae.

Madalas ay mas pinoproblema pa ni Stephen ang mga pinapabili ni Madison sa kanya kaysa sa mga totoong problema niya sa trabaho.

Kung minsan pa nga ay mas ginugusto niyang sa opisina nalang matulog kaysa sa mabulyawan pa ng kanyang nobya.

“Naku pre, wala ka talagang magagawa. Ganun talaga pag buntis, kailangan mo rin ibigay ang gusto,” pangaasar ng isa sa kanyang mga katrabaho na may-asawa na.

“Mas marami pang ganyan ang mararanasan mo, kahit hindi na siya buntis,” natatawang dagdag ng isa pa niyang lalaking katrabaho.

“Naku po! Tingin ko naman ay hindi na ganyan si Madison ‘pag nakapanganak na siya,” napabuntong hiningang sabi ni Stephen.

“Sus! Ayan ang akala mo,” tumatawang sagot ng isa sa kanyang mga kausap. Nag-apir pa ang dalawa dahil talagang alam na alam nila ang kanilang sinasabi. Si Stephen naman ay napapailing na lamang.

Dalawang buwan ang nakalipas, hindi pa rin nanganganak si Madison. Pero, inalok ni Stephen ng kasal ang kanyang nobya at syempre, um-oo naman ang dalaga. Wala ng ibang hihilingin pa si Madison kung hindi ang makasama ang kanyang mahal habambuhay, kasama ang kanilang anak.

Nagpasya sila na magpakasal pagkatapos manganak ng babae. Mas pinili nilang paghandaan muna ang panganganak dahil mas posibleng malaki ang magastos nila doon.

Dumating ang araw na ipinanganak si Cassie, ang unica hija ni Madison at Stephen. Ito na ang itinuturing ni Stephen na pinaka-masayang araw ng kanyang buhay, ang mahagkan ang kanyang anak.

Ngunit ito rin ang simula ng mas madalas pang pag-aaway ng dalawa.

“Hoy bumangon ka nga diyan!” paggising ni Madison kay Stephen, alas dos ng madaling araw. “Iyak ng iyak yung anak mo! Patahanin mo nga!

“Bakit ‘di mo pa nilalabhan ang mga damit ni Cassie?! ‘Di ba sabi ko sayo pagkagamit niya, labhan mo agad?!”

“Pwede ba? Pagod na pagod na nga ko mag-alaga sa anak mo, tapos inaasahan mo pa akong magluluto ng pagkain mo?!”

“Nasaan na ang hapunan natin? Bakit ‘di ka pa nagluluto?! Ginugutom mo ba ako?!”

Iilan lamang yan sa mga halos araw-araw na pagbubunganga ni Madison. Pero lahat ng ito ay ayos lamang kay Stephen. Kanya na lamang iniisip na babalik rin ang dati niyang nobya na malambing at maalaga. At dahil naiintindihan niya na mahirap rin para kay Madison ang pag-alaga ng sanggol.

Nag-isang taon na si Cassie, ngunit hindi pa rin nakakapagpakasal ang kanyang mga magulang. Masyado kasing maraming gastusin ang dalawa kaya’t hindi makapag-ipon para sa kanilang kasal.

Bukod pa doon, kung ano-ano rin ang pinagbibibili ni Madison na dumadagdag sa kanilang gastusin. Hindi naman na makapagsalita si Stephen ukol dito dahil magagalit lamang ang nobya niya sa kanya.

Tatlong taon pa ang lumipas at hindi pa rin kinakasal ang dalawa. At lalong lumalala ang kanilang relasyon.

Palaging inaaway ni Madison si Stephen sa bawat pagkakataon na mayroon siya. Kung minsan ay masakit pa siya magsalita sa nobyo.

“Hoy! Nasaan na ang pambili ng gatas ng anak mo?!” ani ni Madison.

“’Di ba binigay ko na sayo nung isang araw lang?” maayos na sagot ng lalaki.

“Wala na yun! Pinambili ko na ng mga kailangan kong gamit!” naiinis na sagot ng babaw.

“Anong gamit yun? Kasi ;di ba kakagrocery lang natin nung isang linggo?” sagot ni Stephen.

“Bakit kailangan mo pa akong tanungin? Eh ginamit ko naman sa sarili ko yun? Saka nagbibilangan na ba tayo?” sagot naman ni Madison.

Hindi na nag salita pa si Stephen at tumahimik na lang, pero napapagod na rin siya sa mga nangyayari.

Kaya’t isang araw dahil labis na pagkapuno, kinuha niya sa Cassie at pumunta sila sa bahay ng kanyang magulang – iniwan nila si Madison na nag-iisa.

Galit ang naging reaksyon ni Madison nang sumugod siya sa bahay ng kanyang biyenan.

“Hoy, Stephen! Nasaan si Cassie?! Akin ‘yang anak ko!” ani Madison.

“Sa iyo naman talaga ang anak mo, pero anak ko rin si Cassie,” sagot ni Stephen.

“Oh eh anong problema? Anong hinihimutok mo jan!?” pagdadabog ni Madison.

“’Yan, Madison! ‘Yang kakaganyan mo! Nakakalimutan mo ata na hindi lang ikaw ang pagod sa araw-araw. Alam ko pagod ka, pero ako rin. Hindi naman ako nagreklamo sa lahat ng inutos at pinagawa mo sa akin. Pero ang hiling ko lang naman ay kausapin mo ako nang may respeto dahil magkakampi dapat tayo dito. Dahil kung sigawan mo ako ay parang wala lang sa iyo. Magtulungan sana tayo, Madison. Hindi yung puro tayo away. At isa pa, galangin mo naman ako bilang mister mo, o kahit bilang isang lalaki!” naiiyak na sagot ni Stephen.

Doon naisip ni Madison lahat na ganito na pala ang nagagawa niya sa kanyang nobyo. Humingi siya ng kapatawaran at nangakong magbabago.

Naging leksyon para sa kanya ito na dapat ay pahalagahan din niya ang kanyang nobyo dahil sa isang relasyon ay dapat nagtutulungan ang dalawa. Simula noon ay tunay ngang naramdaman ni Stephen ang malaking pagbabago sa ugali ni Madison.

Hindi nagtagal at itinuloy nila ang kasalan na kay tagal nang na-unsyame. Sa harap ng altar, nagbitiw sila ng mga pangakong aalagaan, gagalangin, at mamahalin habambuhay ang isa’t-isa.

Advertisement