Inday TrendingInday Trending
Ginamit Lamang ng Dalaga ang Matalino Niyang Kaklase Kaya Nakipagrelasyon Siya Rito; Makalipas ang Maraming Taon, Bakit Nakaramdam Siya ng Matinding Pagsisisi?

Ginamit Lamang ng Dalaga ang Matalino Niyang Kaklase Kaya Nakipagrelasyon Siya Rito; Makalipas ang Maraming Taon, Bakit Nakaramdam Siya ng Matinding Pagsisisi?

“Chelsea! Chelsea! Totoo ba ang mga kumakalat na balitang nobyo mo na si Peter? Yung geek at nerd na kaklase mo sa Architecture?”

Natawa na lamang ang sikat na kolehiyalang si Chelsea sa kaniyang mga kaibigang sina Alisha, Thara, at Vanessa, ang mga “It girls” niyang tropa. Sikat na sikat sila sa kanilang pamantasan dahil pawang magaganda sila. Subalit, marami rin naman ang naiinis sa kanila dahil puro lang naman daw sila “beauty” at walang “brain.”

“Oo, boyfriend ko na siya…” simpleng tugon ni Chelsea na abala sa pagreretouch ng kaniyang make-up.

“Grabe friend! Anong nangyari sa standard natin? Ang layo naman ni Peter sa ex-bf mong si Carlos na hot at sikat na varsity player dito sa atin!” saad ni Vanessa.

“Alam n’yo guys, minsan gagamitin din ninyo ang mga kukote ninyo. Maupo nga kayo. Ipapaliwanag ko sa inyo. Alam naman ninyong mahirap ang kursong kinuha ko ‘di ba? Hindi ko kasi ito talaga gusto. Ito ang kursong gusto para sa akin ng tita kong nagpapaaral sa akin. So kailangan ko nang someone na makakapitan.”

“Si Peter ‘yun?” tanong ni Vanessa.

Umikot ang mga mata ni Chelsea. “Hindi. Si Carlos. Si Carlos… siyempre si Peter!” gaya ni Chelsea sa isang sikat na komedyanteng mahilig sa mga ganoong hirit.

“Gagamitin ko lang si Peter para makapasa ako sa mga Architecture subjects namin. Kapag siya ang boyfriend ko, tutulungan niya ako for sure sa mga kailangan kong requirements. Kaunting tiis lang sa part ko kahit ang baduy-baduy niyang manamit at nerd na nerd siya,” paliwanag ni Chelsea sa kaniyang mga kaibigan.

Napatda naman ang tatlo sa kanilang mga narinig.

“Hindi ba masyadong desperada ‘yan, Chels? Kawawa naman si Peter. Mukhang mabait naman yung tao, tapos niloloko mo lang pala? Ginagamit mo lang para sa pansariling interes?” saad sa kaniya ng pinakaseryoso sa kanilang apat, si Alisha.

“Alam mo girl, utakan lang naman sa buhay. Saka, huwag ka nang makialam. Buhay ko ‘to,” mataray na sabi ni Chelsea sa kaniyang kaibigan.

“Huwag lang sanang bumalik sa ‘yo ang lahat, girl. Payong kaibigan lang,” saad naman ni Alisha.

Hindi na pinakinggan ni Chelsea ang anumang sasabihin ni Alisha. Malinaw ang gusto niya. Gagamitin lamang niya sa Peter. Kapag nakatapos na sila, hihiwalayan na niya ito.

Napaka-sweet ni Peter kay Chelsea. Maalaga ito. Lagi siyang pinagdadalhan ng mga niluluto nitong pagkain. Lagi rin siya nitong inihahatid sa kanila, at lagi rin siyang inililibre. Tinitiis na lamang ni Chelsea ang lahat kahit naninindig ang kaniyang balahibo sa tuwing hinahalikan siya sa pisngi ng boyfriend, o kaya naman, sa tuwing hinahawakan nito ang kaniyang mga kamay sa pampublikong lugar.

Tiniis ni Chelsea ang mga mapanghusgang mga mata na natatawa sa kanilang dalawa kapag may nakakakita sa kanila. Kapansin-pansin kasi ang malaking pagkakaiba nilang dalawa sa hitsura pa lamang. Masakit sa mata ang mga damit na isinusuot ni Peter, makakapal din ang mga salamin sa mata, at hindi akma ang ayos ng buhok nito sa hugis ng mukha nito.

Okay lang, para sa grades, iyan na lamang ang iniisip ni Chelsea. Lalo’t talaga namang tinutulungan siya ni Peter sa kaniyang mga requirements.

Hanggang sa matuling lumipas ang mga taon. Nakatapos na sila ng pag-aaral sa kolehiyo. Tuwang-tuwa si Chelsea dahil bukod sa tapos na ang kaniyang pag-aaral, maaari na rin niyang hiwalayan si Peter.

“B-Bakit? Bakit gusto mo nang makipaghiwalay?”

“Simple lang. Sawa na ako. Ayoko na. Hindi na kita mahal.”

“Dahil ba ginamit mo lang ako sa una pa lang?”

Hindi nakakibo si Chelsea.

“Alam ko namang ginagamit mo lang ako noon. Nasabi sa akin ng isa sa mga kaibigan mong may malasakit sa akin. Pero pinili kong magpakatanga, Chelsea, para iparamdam sa iyo na mahal na mahal kita, at baka sakaling mahalin mo rin ako. Pero hindi pala sapat yung halos ilang taong pagpapakita ko ng pagmamahal sa ‘yo?” naiiyak na sabi ni Peter.

“Salamat na lang sa kusang-loob na pagtulong sa akin. Alam mo naman palang ginagamit lang kita, pero pinili mo pa ring tulungan ako. Kasalanan mo iyan. Hindi ko na kasalanan iyan. Tapos na ako sa iyo,” saad ni Chelsea at tuluyan na nga niyang iniwan si Peter.

Matuling lumipas ang mga panahon. Limang taon.

Hindi inaasahan ni Chelsea ang muli nilang pagkukrus ng landas ni Peter. Kinailangan niyang mag-aplay ng trabaho matapos ang pakikipaghiwalay sa naka-live in partner na lagi lamang siyang ginagawang punching bag. Dalawa na ang anak niya kaya kailangan niyang kumayod. Gagamitin niya ang kaniyang tinapos.

Hindi siya makapaniwala na ang may-ari ng Architectural Firm na kaniyang pinag-aplayan, walang iba kundi si Peter, na halos hindi na niya nakilala. Ibang-iba na ang hitsura nito. Bagama’t may salamin pa rin sa mga mata, mukha na itong kagalang-galang at nag-iba na rin ang taste sa pananamit. Maayos na rin ang buhok nito.

Samantalang siya, malaki ang naging epekto ng pananakit sa kaniya ng dating partner. Madalang na siyang mag-ayos at kay lalim ng kaniyang eyebags. Mukha rin siyang tumanda ng maraming taon.

Tinanggap naman siya ni Peter sa kompanya nito, dahil hindi raw ito nagtanim ng sama ng loob sa kaniya.

“P-Peter… puwede ba nating ibalik ang n-nakaraan natin?” lakas-loob na tanong niya rito bago pa man maging opisyal na maging boss niya ito.

Ngumiti lamang si Peter. Itinaas nito ang kanang kamay. May kumislap dahil sa pagtama ng ilaw ng kaniyang opisina. Singsing sa palasingsingang daliri. Huli na pala ang lahat dahil maligaya na bilang isang padre de pamilya si Peter, at asawa sa kaniyang mabuting maybahay.

Bakit nga ba siya sinasaktan noon ng kaniyang live-in partner?

Kasi lagi niya itong inaaway, dahil naikukumpara niya sa paraan ng pag-aalaga ni Peter noong sila ay magkasintahan pa. Hinanap-hanap niya rito ang mga paraan ng pagmamahal na ipinaramdam sa kaniya ni Peter. Huli na nang mapagtanto niyang nahulog na pala ang loob niya rito.

Naalala ni Chelsea ang mga sinabi noon ni Alisha sa kaniya. Na baka bumalik sa kaniya ang lahat. Na baka makarma siya. At ngayon—mukhang nagkatotoo nga.

Nasa huli talaga ang pagsisisi.

Advertisement