Mayabang at Mapanghusga ang Lalaki; Para Siyang Sinampal sa Pagkakapahiya nang Malaman Niya ang Katotohanan

Kasalukuyang kakwentuhan ni Mike Mendez ang teacher ng kaniyang anak nang bumukas ang pinto at pumasok ang isang mag-ama.

Sa kaniyang pagkainis ay nagmamadaling nagpaalam sa kaniya ang guro upang salubungin ang bagong dating. 

“Mr. Romualdo, mabuti naman ho at nakarating kayo!” nalulugod na pagbati ng gurong si Mrs. Perez.

“Oho, kinulit kasi ako ni Raymart, sabi niya mahalaga raw na makarating ang mga magulang,” naulinigan niya pang sagot ng lalaki.

Naalala niya ang mag-ama. Transferee ang anak nito na lumipat dalawang taon pa lamang ang lumipas.

Simula noong lumipat ang anak nitong si Raymart, naitsapwera na ang anak niya at lagi na lamang pangalawa ito sa kaklaseng si Raymart.

Minasdan niya ang lalaki. Makikita sa hitsura nito ang kasimplehan. Nakasuot lamang ito ng simpleng T-shirt, short, at tsinelas. Ang tatak ng mga suot ng lalaki ay pawang hindi niya kilala kaya naman lihim siyang natawa.

“Marahil ay sa ukay-ukay namimili. O ‘di kaya ay mumurahin kaya hindi kilala,” sa isip isip niya.

Advertisement

Maging ang anak nito ay hindi kababakasan ng karangyaan maliban sa mamahaling sapatos na suot nito.

Gayunpaman, takang-taka si Mike dahil ganoon na lang kung estimahin ng guro ang lalaki, na tila ba isa itong importanteng bisita.

Nasagot ang kaniyang tanong nang magsimula ang meeting nilang mga magulang.

“Una sa lahat, gusto kong i-congratulate si Raymart dahil siya ang magkakamit ng pinakamataas na karangalan ngayong taon,” nakangiting panimula ng guro.

Umugong ang palakpakan ng mga kaklase ng bata at ng mga magulang.

“Iyan ba tumalo sa’yo?” inis na bulong niya sa anak na si Kevin na nakaupo sa kaniyang tabi.

“Opo, Papa. Magaling talaga ‘yan si Raymart, wala talagang nakakatalo sa kaniya simula noong dumating siya,” lulugo-lugong sagot ng kaniyang anak.

“Paanong mas magaling ‘yan sa’yo? Ang mahal mahal ng ibinabayad namin sa mga tutor mo. Kaya bang magbayad ng ganun ng pamilya ni Raymart? Eh mukhang mahirap,” muli ay matigas na bulong niya sa anak. 

Advertisement

May sinabi ang kaniyang anak subalit hindi niya na narinig iyon dahil nakuha na ng guro ang atensiyon niya.

“Gusto ko rin i-congratulate si Kevin, dahil siya ang second honor. Sigurado akong matutuwa si Mr. Mendez,” anunsiyo ng guro.

Isang pilit na ngiti ang isinukli niya sa guro. Inis na inis siya dahil natalo ng isang batang mahirap ang kaniyang anak. Hindi siya papayag.

Isang plano ang nabuo sa kaniyang isip habang nagsasalita sa harap ang batang si Raymart at anak niyang si Kevin.

Nang matapos ang meeting ay nagpaiwan siya upang kausapin ang guro ng anak.

“Mrs. Perez, baka naman ho may magagawa pa para maiba ang desisyon tungkol sa kung sino ang magkakamit ng pinakamataas na karangalan,” pahaging niya sa guro.

Isang alanganing ngiti ang isinukli nito sa kaniya.

“Mr. Mendez, pinal na ho ang desisyon lalo pa’t inanunsyo na sa mga magulang ang resulta,” sagot nito.

Advertisement

Isang makahulugang ngiti ang ibinigay niya sa guro.

“Wala na ho ba akong magagawa? O maibibigay para magbago ang isip niyo?” nakangising tanong niya sa guro.

“Ano hong ibig niyong sabihin, Mr. Mendez?” bakas sa mukha ng guro ang pagtataka.

“Naisip ko lang na baka kailangan ng school ng kahit na anong gamit. Kailangan niyo ba ng bagong computer? Aircon? O malaki-laking donasyon?” sagot niya.

Nanlaki ang mata ng guro na noon lamang naunawaan ang gusto niyang mangyari.

Matigas ang naging pag-iling at pagtanggi nito.

“Hindi, hindi ho kailangan ng kahit na ano,” sagot ng guro.

“Sigurado kayo, Mrs. Perez? Ako lang ang kayang magbigay sa eskwelahan ng malaking halaga. Pero siyempre, kailangang may kapalit,” pagyayabang niya.  

Advertisement

Isang ngiti ang nabuo sa labi ng guro. Napangiti si Mike, iniisip na sa wakas ay bumigay rin ito. Subalit taliwas sa kaniyang inaasahan ang sinabi ng guro. 

“Nagkakamali ho kayo. Hindi lang kayo ang may kakayahang magbigay sa eskwelahan,” wika nito.

“Anong ibig sabihin niyan, Mrs. Perez?”

“Si Mr. Romualdo, ang ama ni Raymart. Alam mo ba na siya ang nagpagawa nitong gusali na kinatatayuan natin?” wika nito.

“At ibinigay niya itong bilang pasasalamat sa eskwelahan, hindi bilang suhol,” dagdag pa ng guro.

Gulat na gulat si Mike sa natuklasan. Ni sa panaginip ay hindi niya kakayaning magpatayo ng isang gusali bilang donasyon!

“Mayaman ang pamilya ni Raymart?” tigagal na tanong niya.

“Napakayaman, Mr. Mendez. Hindi mo lamang mapapansin dahil hindi naman mahalaga sa kanila ang sasabihin ng iba. At isa pa, kailanman ay wala akong natanggap na panunuhol, dahil may tiwala si Mr. Romualdo sa kakayahan ng anak niya,” pasaring ng guro.

Advertisement

Tila sinampal ang mukha ni Mike sa labis na pamumula. Hiyang-hiya kasi siya sa inasta niya sa harap ng guro.

“Sana ay ito na ang huling beses na maririnig ko ang tungkol dito, Mr. Mendez. Magaling na bata si Kevin, ayokong masayang ang pinaghirapan niya nang dahil lang sa panunuhol ng sarili niyang ama,” malamig na wika ng guro bago ito naglakad palabas ng silid na iyon.

Walang siyang ibang magawa kundi ang magsisi.

Hindi niya pala dapat hinusgahan ang mag-ama nang naaayon sa anyo. Lalo na’t ni wala siya sa kalingkingan ng mga ito.