
Hindi Nakapunta ang Binata sa Kaniyang Job Interview Dahil sa Isang Batang Nawawala; Tripleng Biyaya ang Hatid Nito sa Kaniya
Maya’t maya ang tingin ni Carl sa kaniyang orasan. Kinakabahan kasi siya na baka ma-late siya sa kaniyang job interview.
Habang naghihintay ng jeep ay pilit iniignora ni Carl ang nararamdamang gutom. Saktong isang daang piso na lang kasi ang pera niya. Nais niyang tipirin iyon sa abot ng kaniyang makakaya.
“Kaya kailangan talagang matanggap ako sa trabahong ito, para naman makaraos na kami kahit papano,” sa isip isip ng binata.
Kaga-graduate lamang niya sa kolehiyo noong nakaraang linggo. Saksi siya kung paano iginapang ng kaniyang ama’t ina ang kaniyang pag-aaral kaya naman nangako siya sa sa oras na makatapos siya ng pag-aaral ay ibabalik niya ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang magulang.
Naputol ang pagmumuni-muni ni Carl nang isang jeep na papunta sa kaniyang destinasyon ang huminto.
Akmang sasakay na siya nang maagaw ang pansin niya ng isang batang umiiyak.
“Mommy, Daddy!” palahaw nito sa isang tabi.
Bahagya siyang naalarma dahil malapit ito sa daanan ng sasakyan. Nilibot niya ang tingin ngunit nahinuha niya na nawawala ang bata dahil hindi niya nakikita sa paligid ang mga magulang nito.
Mabilis siyang nag-isip. Kung hindi pa siya sasakay ng jeep ay paniguradong hindi siya aabot sa kaniyang interview.
Ngunit nag-aalala siya na baka may mangyaring hindi maganda sa bata. Kilala niya ang lugar na iyon, pinamumugaran iyon ng mga pagala-galang sindikato na nangunguha ng bata.
“Bahala na nga!” naiiling na wika niya bago nilapitan ang bata.
“‘Neng, bakit ka umiiyak?” marahang tanong niya sa bata. Sa tingin niya ay nasa pitong taong gulang lamang ito.
Hindi sumagot ang bata ang patuloy lang sa pag-iyak kaya muli niya itong kinausap.
“Nawawala ba ang mommy at daddy mo?” usisa niya.
Noon ito bahagyang tumigil at nilingon siya.
“Opo!” sagot nito bago muling humikbi.
“‘Wag ka nang umiyak, tutulungan kitang hanapin sila, okay?”
Tinitigan siya ng bata bago matigas na umiling. “No! Sabi nila Mommy I should not talk to strangers!”
Hindi maiwasan ni Carl na mapangiti. Sa murang edad kasi ng bata ay nakikinig na ito sa sinasabi ng mga magulang nito.
“Oo, tama ‘yun. Pero kahit stranger hindi naman ako bad, sasamahan kitang hanapin ang mommy at daddy mo.” Nginitian niya ang bata upang mawala ang takot nito.
“Talaga po?” May bahagyang pag-aalinlangan pa rin sa boses ng bata.
Inilabas niya ang pitaka at ipinakita rito ang litrato ng kanilang pamilya.
“Ayan, tingnan mo. Mayroon akong kapatid na babae, na kaedad mo lang. Ang pangalan niya ay Molly. Kaya ‘wag kang matakot sa akin,” paliwanag niya.
Nagliwanag ang mukha nito at kagyat na kumapit sa kaniyang pantalon.
“Sige po, Kuya! Buti na lang dumating ka, kanina pa nawawala sila Mommy, eh!” sumbong nito.
“Kuya Carl. Carl ang pangalan ko,” nakangiting tugon niya sa bata bago niya ito iginiya papunta sa gilid ng daan.
Sa kaniyang pag-uusisa ay nalaman niya na pumasok pala ito sa isang kainan kasama ang mga magulang.
Habang umo-order umano ang ama nito ng pagkain ay nakatanggap ng tawag ang ina nito kaya naiwan itong mag-isa sa lamesa. Isang hindi-kilalang lalaki ang pilit itong isinama palabas. Mabuti na lamang at nakatakbo ang bata at nakapagtago.
Subalit nang bumalik ito sa kainan ay hindi na nito nakita ang mga magulang.
“Ang galing ng ginawa mo, Kimberly. ‘Wag kang mag-alala, hahanapin natin sila. Kabisado mo ba ang numero nila para matawagan natin sila?”
Malungkot na umiling ang bata.
Matagal silang tumanghod sa isang tabi sa pag-asa na babalik ang mga magulang nito sa lugar na iyon ngunit nabigo sila.
Nang sumapit ang tanghali ay lalong tumindi gutom na nararamdaman ni Carl.
“Kuya, hindi po ba tayo kakain?” maya maya ay usisa ng bata.
Bakas sa mukha ng bata ang inggit habang nakatingin ito sa isang karinderya na puno ng kustomer na maganang kumakain. Salat man sa pera ay wala siyang nagawa kundi pakainin ang bata.
“Kuya, hindi ka po ba kakain?” nagtatakang tanong ng bata nang mapansin nito na hindi siya kumakain.
“Busog pa ako,” pilit ang ngiting sagot niya bago itinuon ang atensiyon sa telebisyon.
Sakto naman na balita ang kasalukuyang inuulat.
Tuwang tuwa siya nang makita ang nasa balita – pinaghahahanap na pala ng mga otoridad ang batang kasama niya!
Agad niyang tinawagan ang numerong nakapaskil sa telebisyon upang iulat na kasama niya ang bata.
“Diyos ko, anak!” bungad ng isang sopistikadang babae. Ang mata nito ay mugtong mugto marahil dahil sa matinding pag-iyak. Sa likod nito ay isang lalaki na nahinuha niyang ama ng bata.
“Mommy, Daddy!” tuwang tuwang nagtatalon ang bata bago yumakap sa mga magulang na kadarating lang.
Napangiti nang malawak si Carl nang magsimulang dumaldal ang bata at agad siyang ibinida.
“Mommy, buti na lang po at tinulungan ako ni Kuya Carl! Ang bait bait niya po! Nilibre niya pa po ako ng food!” ngiting ngiting kwento ng bata.
Kinamayan siya ng mga magulang nito na labis labis ang pasasalamat.
“Maraming salamat, Carl! Paano ba kami makakabayad sa aming utang na loob?” naluluhang wika ng ina nito.
Napakamot sa ulo si Carl. Nahihiya man ay nahihilo na siya sa gutom kaya naman kinapalan niya na ang mukha.
“K-kahit ilibre niyo na lang ho ako ng tanghalian. Hindi pa po kasi ako kumakain simula kanina umaga,” hiyang hiyang anas niya sa mag-asawa.
Sa kaniyang pagkagulat ay natawa ang mag-asawa.
“Naku, iyon lang ba? Kahit isang taon na tanghalian, walang problema sa amin!” malugod na bulalas ng ama ng bata.
Sa kaniyang pagkamangha ay dinala siya ng pamilya sa isang mamahaling kainan. Napanganga siya nang makita ang presyo ng mga pagkain. Tila ang isang putahe doon ay pang-ulam na nilang mag-anak ng isang linggo!
“‘Wag kang mahihiya, Carl, ha? Order ka lang ng gusto mo,” nakangiting udyok ng ama ni Kimberly.
Habang kumakain ay hindi nila maiwasang mapagkwentuhan ang nangyari.
“Iyak ako nang iyak kasi nakita ko sa CCTV na may lalaking kumuha kay Kim,” wika ng ina.
“Mabuti na nga lang ho at matalino si Kim. Kanina nga ho ay ayaw akong kausapin dahil stranger daw ako,” nangingiting kwento niya, kaya naman natawa ang mag-asawa.
Hindi niya rin maiwasang mabanggit sa mag-asawa na hindi siya nakapunta sa kaniyang job interview dahil sa nangyari. Abot abot naman ang paghingi ng tawad ng mag-asawa.
“Ayos lang ho iyon, hindi rin ho siguro ako matatahimik kung iniwan ko si Kim kanina,” sagot niya.
“Saan ka ba nag-aapply, Carl?” usisa ng mag-asawa.
Sinabi niya ang pangalan ng kompanya. Nagkatinginan nang makahulugan ang mag-asawa bago binigyan siya ng isang malaking ngiti.
Hindi niya inaasahan ang naging tugon ng dalawa.
“Maniniwala ka ba kung sasabihin namin sa’yo na kami ang may-ari ng kompanyang iyon?”
Halos mabilaukan naman si Carl sa narinig. At mas lalong nanlaki ang mata niya sa sunod na sinabi ng tatay ni Kimberly.
“Pumasok ka bukas, may trabaho ka na,” nakangiting deklara nito.
Sobra ang saya at pasasalamat ni Carl. Napakaliit nga naman talaga ng mundo!
“Salamat ho, hinding hindi ho kayo magsisisi!” ngiting ngiting sagot niya sa dalawa.
Binigyan siya ng mag-asawa ng isang magandang posisyon sa kumpanya. Dahil sa sipag at tiyaga, na sinamahan pa ng malaking tiwala ng mag-asawang boss niya ay hindi naging mahirap para kay Carl ang pagkakaroon ng mas mataas na posisyon.
Natupad niya ang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.
Hindi lang doble, kundi triple ang naging balik ng kaniyang simpleng pagmamalasakit sa batang nawawala!
Totoo nga ang madalas sabihin ng nanay niya. “Kapag kabutihan ang pinairal mo, siguradong wala kang talo!”