Inday TrendingInday Trending
Binigyan Niya ang Anak ng Regalo na Alam Niyang Ikatutuwa Nito; Ngunit Mas Nasorpresa Siya sa Ibinigay Nito sa Kaniya

Binigyan Niya ang Anak ng Regalo na Alam Niyang Ikatutuwa Nito; Ngunit Mas Nasorpresa Siya sa Ibinigay Nito sa Kaniya

Napansin ni Abby ang paninitig ng anak na si Bianca sa isang partikular na pares ng sapatos.

“Anak, gusto mo bang bilhin natin? Malapit na naman ang birthday nating dalawa eh,” agaran niyang tanong sa anak. Magkasabay kasi ang kaarawan nilang mag-ina.

“Naku, Mama, hindi na po. Maganda po siya pero masyado pong mahal,” tanggi ng dalagita kahit hindi pa rin mapuknat ang mata nito mula sa pares ng sapatos.

Hindi maiwasang mapangiti ni Abby sa sinabi ng anak. Sa bata nitong edad kasi nito ay masyado na itong maalalahanin sa magulang.

Tiningnan niya ang halaga ng sapatos na gusto ng anak. Tama ito, mahal nga ang sapatos.

Sa totoo lang, doble ang presyo nito kumpara sa sapatos na gusto niyang bilhin para sa sarili.

Minasdan niya ang sapatos na nais bilhin para sa sarili bago ibinalik ang tingin sa sapatos na gusto ng anak.

“Hindi ko na lang bibilhin ‘yun, mukhang gustong gusto ni Bianca ang sapatos,” sa isip isip niya.

Isang plano ang nabuo sa isip ni Abby. Sosorpresahin niya ang anak sa birthday nila.

“‘Nak, sigurado ka, ha? Ano bang gusto mo para sa nalalapit mong birthday?” pakunwaring usisa niya sa anak.

Isang ngiti ang ibinigay nito sa kaniya.

“Kahit ano lang po, Mama. Hindi naman po kailangang mahal,” sagot nito.

“Ikaw po, Mama, may gusto ka ba para sa birthday mo?” maya maya ay usisa nito.

Nang lingunin niya ito ay nakatingin ito sa sapatos na kanina lang ay gusto niyang bilhin.

Alam na alam talaga nila ang tipo ng isa’t isa.

“Wala naman, anak. ‘Yung ibibili mo ng regalo ko, ibili mo na lang ng kahit na ano na para sa’yo,” tugon niya sa dalagita.

Sinulyapan niya pa sa huling pagkakataon ang sapatos na nais niyang bilhin bago niyaya ang anak na umuwi.

Isang gabi bago ang kaarawan nilang mag-ina ay binisita niya si Bianca sa silid nito. Naabutan niya itong halos tapos na sa pagbabalot ng regalo na nahinuha niyang para sa kaniya.

“Ibibigay mo na ba sa akin ‘yan ngayon?” biro niya sa anak.

Ngumiti ito bago sumagot. “Bukas na po, Mama, para surprise! Sigurado po ako na magugustuhan mo ito,” humahagikhik na sagot ng anak.

Hindi niya maiwasang mapangiti at masabik dahil sa sinabi ng anak. Sa totoo lang, kahit ano namang ibigay nito ay ikatutuwa niya.

Maaga pa lamang ay gumising na si Abby upang maghanda ng mga paboritong pagkain ng anak. Nabanggit kasi nito na may iilan itong kaibigan na inimbita sa bahay nila.

Nagluto siya ng paboritong nitong spaghetti, cordon bleu, at marami pang iba.

Bago magtanghalian ay nadaanan niya na rin mula sa paborito nilang bake shop ang cake na paborito ng anak.

Dumagsa ang bisita, at masaya sila nakipagkwentuhan at nakipagkamustahan sa mga ito.

Gabi na nang matapos ang simpleng handaan sa bahay nila kaya naman gabi na nang iabot niya sa anak ang regalo na pinananabikan niyang ibigay dito.

Mabilis nitong pinunit ang balot ng regalo. Nasa mukha nito ang pagkasabik.

Namilog ang mata ng anak nang tumambad dito ang binili niyang sapatos na gustong gusto nito.

“Mama! Paano mo po nabili ito, ang mahal kaya nito!” gulat na gulat na wika ng kaniyang anak.

Nang makabawi ito sa pgakagulat ay tuwang tuwang sinugod siya nito ng isang mahigpit na yakap.

“Thank you, Mama! Akala ko hindi na ako magkakaroon ng ganito kasi napakamahal! Thank you pa rin po kasi binili mo pa rin para sa akin!” Bakas sa mukha ng anak niya ang matinding ligaya. Halatang gustong gusto nito ang regalo niya.

Kaya naman hindi siya nagkamali na iyon ang piliin para sa anak.

Maya maya ay iniabot nito sa kaniya ang regalo na binabalot nito noong nakaraang gabi.

“Eto po, Mama. Sana po ay magustuhan mo,” nagniningning ang matang wika ng anak.

Excited na binuksan niya ang regalo ng anak na nakabalot ng makintab na papel na kulay pula.

Kagaya ng reaksyon nito, namilog ang mata niya nang makita ang pamilyar na pangalan ng sapatos na madalas niyang bilhin.

Napatingin siya sa anak. Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito bago siya inudyukan na ituloy ang pagbubukas ng regalo.

May hinuha na siya kung ano ang laman noon subalit binalot pa rin ng galak ang kaniyang puso nang makita ang isang pamilyar na pares ng sapatos na akala niya ay hindi niya na makikitang muli.

“Paano mo nalaman ang gusto ko?” takang usisa niya sa anak.

Napahagikhik ang dalaga.

“Eh Mama, paanong hindi ko malalaman, halos hindi mo na inalis ang tingin mo sa sapatos simula noong nakita mo,” natatawang kantiyaw ng anak niya.

Napangiti na lamang si Abby bago niyakap ang anak. “Salamat, anak. Gustong gusto ko ang regalo mo.”

Ngiting ngiti siya. Mabuti na lamang at inuna niya ang magpapasaya sa anak. Ang kasiyahan naman pala kasi niya ang inuna nito.

Advertisement