
Inggit na Inggit ang Dalaga sa Katrabahong Gusto nang Marami; Natameme Siya nang Sinubukan Niyang Ipahiya Ito
“Good morning,” masiglang bati sa kaniya ng ka-opisinang si Claire na kadarating lang sa tapat ng elevator. May hawak pa itong kape sa kanang kamay nito.
“Morning,” matabang na bati niya pabalik.
“Good morning, Claire,” bati ng bawat isang dumarating.
Palihim na napairap si Ingrid. Sikat na sikat talaga si Claire, lalo na sa mga kalalakihan. Napakaganda naman kasi talaga nito at napakabait, sabi nang marami.
Samantalang siya ay tila hangin lang na dinadaan daanan ng mga ito.
Nang tumunog ang elevator ay mas lalo lang siyang nakaramdam ng inis nang magtulakan ang mga tao makapasok lang sa elevator. Silang dalawa ni Claire ang naiwan sa labas.
“Claire, sabay ka na, kasya pa ang isa,” aya ng isang lalaki.
“Naku, mauna na si Ingrid kasi siya naman ang nauna sa akin,” mahinhing sagot nito.
Sasabihin niya na sana na mauna na ito ngunit marahan na siya nitong naitulak papasok ng elevator.
“Ano ba ‘yan, kasabay na sana natin si Claire, eh,” narinig niyang reklamo ng isang lalaking ‘di niya kilala. Marahan naman itong sinaway ng kasama.
“Ang bait bait talaga ni Claire, ano? Anghel na ganda, anghel pa sa bait!” komento naman ng isa, na umani ng pagsang-ayon sa karamihan.
Maya maya ay naramdaman niya ang pagkalabit mula sa likod.
“Bakit?” wika niya nang lingunin nang kumakalabit. Sa kaniyang labi ay nakapaskil ang isang pilit na ngiti.
Ngunit tuluyan iyong nawala nang marinig niya ang tanong ng lalaki.
“Miss, kilala mo si Claire, hindi ba? May boyfriend ba siya?” tanong nito.
Inirapan niya ang lalaki bago pabalang na sumagot.
“Hindi ko alam! Bakit hindi siya ang tanungin mo?” mataray na tugon niya.
“Grabe, ang sungit naman!” narinig niyang bulong nito, na hindi niya na lamang binigyan ng pansin.
Sawang sawa na siya na marinig ang pangalan ni Claire. Lahat ay pangalan nito ang bukambibig. Ito na ang maganda, matalino, mabait, at perpekto!
Wala silang makitang kapintasan dito kaya naman gustong gusto ito nang marami, bagay na lalong nagpapakulo ng dugo niya.
Hanggang sa isang araw ay natuklasan niya ang pinakatatago-tago nitong lihim. Kasalukuyan nitong sinusuklay ang mahaba at itim na itim nitong buhok nang nangyari ang hindi niya inaasahan.
Nalaglag ang peke nitong buhok at nakita niya ang tunay nitong itsura – kalbo pala si Claire sa ilalim ng peke nitong buhok!
Tarantang inayos niyo ang pagkakakabit ng buhok bago bumaling sa kaniya. Kitang kita niya ang takot sa mga mata nito.
Marahil ay natatakot ito na malaman ng ibang tao na hindi talaga ito perpekto.
“Ingrid, please, sikreto lang natin ‘to,” pakiusap ng dalaga.
“Oo naman. Wala akong ibang pagsasabihan,” kunwari ay pagsang-ayon niya.
“Naku, Ingrid, salamat ha,” ngiting ngiting wika nito bago lumabas ng banyo.
Nang makaalis ito ay isang makahulugang ngiti ang pinakawalan niya. May naisip siyang plano upang ipaalam sa lahat ang sikreto ni Claire.
Kinabukasan, sa unang pagkakataon ay pinaunlakan niya ang alok ni Claire ng sabay silang mananghalian.
Doon kasi sa kantina, kung saan maraming tao, ay plano niyang isakatuparan ang maitim na balak.
Pinauna niya ang dalaga sa pagpasok. Inipit niya ang mahabang buhok nito sa pinto bago pabiglang isinara iyon.
“Aray ko!” narinig niya pang sigaw ni Claire.
Nagpanggap siyang natatarantang binuksan ang pinto at dinaluhan ito. Palihim siyang napangiti nang makitang taranta nitong ikinakabit pabalik ang pekeng buhok subalit huli na ang lahat, maraming tao na ang nakakita sa totoong anyo nito.
‘Naku, Claire! Sorry, hindi ko sinasadya!” kunwa’y tarantang paumanhin niya sa umiiyak na dalaga.
Nagdiwang ang kaniyang loob nang marinig ang bulungan ng mga taong nakasaksi sa pangyayari.
“Ay, hindi pala totoo ‘yung magandang buhok ni Claire?”
“Hala, kalbo pala si Claire?
“Bakit kaya kalbo si Claire? Ano’ng nangyari?”
Tumayo si Claire. Akala ni Ingrid ay tatakbo ito palabas sa sobrang pagkapahiya ngunit nagulat siya nang tuluyan nitong tanggalin ang suot na pekeng buhok at humarap sa mga taong nag-uusisa.
“Pasensiya na kayo kung sa ganitong paraan niyo nalaman. Ayoko lang kasing balikan pa ang nakaraan na pilit kong kinakalimutan,” paliwanag ng dalaga.
Napakunot noo si Ingrid. Anong nakaraan ang tinutukoy nito?
Nasagot ang kaniyang tanong nang muling magsalita ang katrabaho.
“Nagkasakit kasi ako noon. Brain tum0r. Akala ng mga magulang ko ay hindi na ako makaka-survive, kaya naman tuwang tuwa kami nung gumaling ako. Kaso simula noon ay hindi na ulit tumubo ang buhok ko. Sabi ng doktor, posibleng dahil daw ‘yun sa sunod sunod na operasyon ko noon,” pagkukwento ng dalaga.
Bagaman may bahid ng lungkot ang mga mata nito ay mayroon itong tipid na ngiti sa labi.
Walang makapagsalita sa kanila. Ang kaninang bulung-bulungan ay naglahong parang bula.
Maya maya ay umugong ang isang malakas na palakpakan.
“Grabe, Claire! Napakatapang mo!” sigaw ng isang babae.
“Oo nga, Claire, nakakabilib ka!” sigaw pa ng isa.
“Claire, maganda ka pa rin kahit wala kang buhok!”
Si Ingrid naman ay tigagal lamang sa isang tabi. Hindi dahil naiinis siya na hindi umayon sa plano niya ang lahat, kundi dahil hiyang-hiya siya sa naging pagtrato niya kay Claire.
Mayroon pala itong madilim na nakaraang pilit na tinatakasan, ngunit sinamantala niya pa ang kahinaan nito.
Sinserong humingi siya ng tawad sa dalaga, na taos puso naman nitong tinanggap.
Iyon ang naging simula ng magandang pagkakaibigan nila ng dalaga. Napagtanto niya na totoo ang laging sinasabi ng mga katrabaho nila, tila nga ito isang anghel na nahulog sa lupa.
Sising-sisi siya na binalot ng inggit ang puso niya at hindi niya agad nakita iyon. Mabuti na lamang at natuto na siya, at nagkaroon pa siya ng isang tunay na kaibigan sa katauhan ni Claire.