Inday TrendingInday Trending
Ang Lover Ko ay Multo?!

Ang Lover Ko ay Multo?!

“Guys, be ready. Umpisahan nʼyo nang mag-empake dahil nagbabakasyon tayo sa probinsya para dalawin ang lola nʼyo,” masayang balita ng padre de pamilya.

Laking tuwa ni Coreen sa narinig mula sa ama. Sampung taon na rin ang nakakalipas noong huli silang nagpunta roon. Sa totoo lang ay ilang taon na ring hinihiling ni Coreen sa ama na doon nga sila magbakasyon, ngunit sa ʼdi malamang dahilan ay palagi itong tumatanggi.

“Go somewhere else na lang, anak, huwag na roon sa probinsya,” ang lagi niyang naririnig noon mula sa ama sa tuwing hihilingin niyang sa probinsya na lang ng kaniyang lola sila pumunta. Kapag naman tinatanong niya kung bakit ayaw nitong doon sila magbakasyon tuwing summer ay iniiba nito ang usapan. Himala nga at ngayon ay ito na ang nagpasyang magbakasyon sila roon.

Ganoon na lang ka-miss ni Coreen ang kaniyang lola na madalas ay siya pang dumadalaw sa kanila sa maynila. Ganoon din ang tahimik na buhay roon, pati na rin ang sariwang hangin. Ang maberdeng paligid na kung tititigan ay nakaka-relax ng katawan… at miss na miss na rin ni Coreen si Vash, ang kaniyang childhood sweetheart.

Bata pa lang ay mayroon nang hindi mapapantayang koneksyon sa pagitan nina Vash at Coreen. Sampung taong gulang pa lang yata silang dalawa nang sabihin ni Vash na siya raw ang itinadhana para dito.

“Pakakasalan kita ʼpag puwede na, Coreen. Kasi, iyon ang sabi ni Inang, e. Ikaw raw ang nakatadhana sa akin,” natatandaan pa niyang ani Vash sa kaniya noon. Binigyan pa nga siya nito ng purselas na gawa sa bulaklak ng santan na hanggang ngayon ay itinatago pa rin niya kahit tuyot na.

Masayang-masaya si Coreen nang dumating na sila sa probinsya. Labis ang nadaramang pagkasabik ng dalaga. Ngunit lumipas na ang isang linggo ay hindi pa rin nagpapakita sa kaniya si Vash. Sigurado naman siyang nabalitaan na nitong dumating sila dahil kalat na kalat na ang balitang dumating na ang anak at mga apo ni Donya Alma, ang kaniya ngang lola.

Nang hapong iyon ay malungkot na nakaupo si Coreen sa paborito nilang tambayan ni Vash noon, nang biglang may mga kamay na nagtakip sa kaniyang mga mata. Malamig ang mga kamay na iyon na animo yelo kung pakikiramdaman. Ngunit kilalang-kilala niya ang amoy na nalalanghap niya mula sa may-ari ng naturang mga kamay.

“V-Vash?!” bulalas niya.

Tinanggal na nito ang pagkakatakip ng mga kamay sa kaniyang mata. Kukurap-kurap pa si Coreen nang lingonin niya ito.

“Vash, ikaw nga!”

Parang hindi nagbago ang hitsura nito sa paglipas ng panahon. Parang ito pa rin iyong sampung-taong gulang na batang lalaking nangako ng kasal sa kaniya noon. Maging ang pabango nito ay hindi rin nito binago. Ito pa rin ang Vash na noon ay crush lang ni Coreen at ngayon ay mahal na niya sa kabila ng kanilang pagkakalayo.

“Na-miss kita, Coreen, bakit ba ngayon ka lang?”

“Ngayon lang kasi pumayag si Papa na dito kami magbakasyon, e.”

Nagsusulatan naman sila noon ng binata. Kaya lang, isang taon na ang nakalilipas nang huminto ito sa pagpapadala ng sulat sa kaniya. Mahirap lang kasi ang pamilya nito kaya naman wala itong pambili ng cellphone. Ayaw naman nitong tanggapin ang iniaalok niya dati.

Nang hapong iyon ay masayang nagkwentuhan ang dalawa. Binalikan nila ang ala-ala ng nakaraan at nangako sa isaʼt isang muli silang magkikita kinabukasan.

Masayang umuwi si Coreen nang sumapit na ang dilim na ipinagtaka naman ng kaniyang pamilya.

“Saan ka galing, apo? Bakit ngayon ka lang?” tanong ng kaniyang Lola Alma.

“Nagkita po kami ni Vash, Lola,” masaya namang sagot niya.

Ngunit biglang nasapo ng matanda ang sariling dibdib at nagimbal siya sa sunod na sinabi nito…

“Apo, w-wala na si Vash, naaksidente siya sa kalabaw, isang taon na ang nakalilipas!” bulalas nito.

Pinanlakihan ng mata si Coreen. “A-ano pong ibig nʼyong sabihin? Kasama ko lang siya kanina!”

“Apo, maniwala ka, wala na siya!” pangungumbinsi naman ng kaniyang lola.

Hindi makapaniwala si Coreen. Nang gabing iyon ay iyak siya nang iyak, hanggang sa makatulugan na niya ang pag-iisip.

Kinabukasan ay nagpasiya si Coreen na sumipot pa rin sa tagpuan nila ni Vash. Sa kabila ng takot ay naglakas loob siyang gawin iyon.

Sa ilalim ng punong mangga kung saan siya inalok nito noon ng kasal ay nakita niyang nakaupo si Vash. Nakangiti itong kumakaway sa kaniya.

“Sa tingin ko, alam mo na ang totoo, Coreen,” panimula nito. Hindi na nakapagsalita pa ang dalaga nang mag-umpisa nang umagos ang luha niya.

“Matagal kitang hinintay, Coreen, pero hindi ka dumating. Naiintindihan ko naman, pero ngayon, gusto ko lang talagang pormal na makapagpaalam,” sabi nito.

“P-paano ka nawala, Vash?! Bakit hindi sinabi sakin nina papa? Bakit?!” lumuluhang tanong naman ni Coreen.

“Ayaw sa akin ng pamilya mo, Coreen. Mayaman kayo at mahirap lang ako. Ilang beses din akong pinagbantaan noon ng mga tauhan ni Donya Alma na may gagawin silang masama sa akin kapag ipinagpatuloy ko ang relasyon nating dalawa, ngunit hindi ako nagpatinag… ipinaglaban kita.”

“Ang ibig mong sabihin, sina lola ang dahilan kung bakit ka naaksidente?!” laking bulalas ni Coreen. Umiling ito.

“Isang aksidente talaga ang nangyari, Coreen. Balak lang naman nila akong takutin noon, kaya lang natakot din ang kalabaw na sinasakyan ko. Nagwala ito at nahulog ako na siyang ikinabagok ng aking ulo,” paliwanag nito. “Ngunit ganoon pa man ang nangyari, napatunayan ko namang tapat akong nagmamahal sa ʼyo. At alam kong pinagsisisihan ng pamilya mo ang nangyari kaya ka nila pinayagang umuwi dito, matapos mapabalita ang pagpaparamdam ko.”

Sa pagkakataong iyon ay hindi na napigilan pa ni Coreen ang emosyon. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman. Nagpaalam sa kaniya ang binata nang masaya. Nais daw nitong iparating niya sa kaniyang pamilya ang pagpapatawad nito. Ngayon ay matatahimik na ang kaluluwang hanggang sa kabilang buhay ay patuloy na nagmahal. Patuloy na lumaban para sa kaniyang tunay na pag-ibig. Sayang nga lang at hinadlangan iyon ng panghuhusga at pangungutya. Isang malaking leksyon, para sa mga taga probinsya ang nangyaring iyon. Lalong-lalo na sa pamilya ni Coreen.

Naniniwala si Coreen na sa tamang panahon ay matutupad pa rin nila ang pangakong binitiwan ni Vash para sa isaʼt isa. Kapag tadhana na ang naglapit muli sa kanila.

Advertisement