Malaki ang pagkagusto ni Anne kay Kleo. Napakaguwapo kasi nito! Sa katunayan ay hindi lang naman siya ang babaeng humahanga rito, kundi pati na rin ang iba pa nilang kaopisina.
Paanoʼy matalino ito, makisig, mabango at napaka-gentleman. Kung mayroon nga lang siyang hindi nagustuhan sa pagkatao nito, iyon ay ang pagkakaroon na pala nito ng asawa.
Matagal nang panahon niyang hinihiling na sana ay magkaroon sila ng pagkakataong magkalapit na dalawa. Sa lahat kasi yata ng babae sa opisina nila ay sa kaniya lang ito hindi malapit. Kasuwal lamang ang pakikitungo nito sa kaniya, hindi gaya ng sa ibang babae rito sa opisina na halos malalim na ang nagiging pakikipagbiruan nito.
Kaya nga ganoon na lang ang tuwa niya noong silaʼy nag-team building, kung saan sa kauna-unahang pagkakataon ay naging magka-team sila ni Kleo sa halos lahat ng mga activities na isinagawa nila noon!
“Alam mo, nagsisisi tuloy ako na hindi kaagad kita naka-close, e. Sana pala, noon pa kita kinaibigan,” minsaʼy ani Kleo kay Anne.
Matapos kasi ang team building na iyon ay naging malapit na magkaibigan ang dalawa. Halos sabay na silang kumakain tuwing breaktime. Madalas din silang magbiruan kahit oras ng trabaho. Minsan pa ngaʼy naihahatid siya ni Kleo sa bahay, sakay ng motorsiklo nito.
“Ikaw kasi, ang suplado mo dati. Hindi mo ako pinapansin,” sagot naman ni Anme.
“Bakit, nagpapapansin ka ba?” pabiro ngunit makahulugang tanong muli ni Kleo sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap.
“Oo naman! Crush kaya kita!” pag-amin niya.
Biglang napuno ng katahimikan ang paligid ng dalawa.
“U-uhm, sorry… ang awkward tuloy,” hinging paumanhin ni Anne, maya-maya.
Matapos ang pag-uusap na iyon ay tila mas lumalim pa ang samahan ng dating magkatrabaho lang na sina Anne at Kleo. Madalas na silang lumabas nang sila lang dalawa. Ginagabi na nga ng uwi si Kleo sa bahay nito, na animo nakalimutan nang may naghihintay ditong asawaʼt anak na kapapanganak pa lang.
Dahil doon, hindi nagtagal at tuluyan nang nahulog ang loob ni Anne sa lalaki. Dama iyon ni Kleo kaya naman nagkalakas ito ng loob na amining may pagtingin din siya sa babae.
Birthday ni Kleo noʼn. Imbitado ang lahat ng katrabaho ni Kleo sa maliit na salu-salong inihanda ng asawa nito, bilang sorpresa. Gaganapin iyon sa bahay ng mga ito.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Anne nang mga sandaling iyon. Bigla siyang nanliit sa sarili. Bakit siya pumayag na magkaroon ng pagkakaintindihan sa pagitan nila ng lalaki, kahit na alam niyang may asawa ito? Dahil ba sa love?
Pero napatanong si Anne sa kaniyang sarili. “Ano nga ba ang love?”
Minabuti niyang dumalo sa imbitasyon ng asawa ni Kleo. Pumunta siya sa bahay ng mga ito, kasabay ng kaniyang mga katrabaho.
Nang mga sandaling iyon ay nasagot ang katanungang bumagabag sa kaniya kanina. Ano nga ba ang love?
Para sa kaniya, ang love ay ang ningning sa mga mata ni Kleo nang makita nito ang kaniyang mag-ina. Para kay Anne, ang love ay ang ngiti sa labi ni Kleo nang makita niya ang surpresang inihanda ng asawa nito para sa kaniyang kaarawan.
At isang bagong depinisyon pa ang natutunan ni Anne, nang mga sandaling iyon… na ang love ay isang sakripisyo.
Sigurado si Anne na mahal niya si Kleo, ngunit sigurado rin siyant ganoon din ang asawa nito. At sa kuwento nilang tatlo ay siya ang walang karapatang lumaban. Ano ba ang dapat niyang gawin?
“Love… kapag mahal mo ang isang tao, handa kang gawin ang lahat para sa kaniya kahit na magsakripisyo ka pa.
Kapag nagmamahal ka, hindi ka titingin sa kung ano lang ang makabubuti para sa ʼyo at sa inyong dalawa, bagkus ay iisipin mo maging ang ikabubuti ng mga nasa paligid nʼyo.
Love is not about who you choose to be with. Love is about what you choose to do.
Kapag mahal mo, hindi mo siya dadalhin sa maling landas. Kapag mahal mo, lagi ka lang nasa tama.
Love is never negative, love is never wrong. So when love is negative and wrong, then it is not love. It is pure selfishness, or pure stupidity.”
Natapos na ang programa nang gabing iyon na umiere sa radyo. Inalis na ni Anne ang headphones sa kaniyang tainga, pati na rin ang pagkakatapat ng mikropono sa kaniyang bibig. Limang taon na ang nakalilipas nang iwan ni Anne ang dati niyang trabaho upang umiwas kay Kleo at upang maka-move on at nasisiguro niyang napakasaya niya ngayon sa bago niyang propesyon.
Isa na siyang DJ sa radyo na nagbibigay ng payo sa mga taong katulad niyang muntik nang iligaw ng landas ang kanilang minamahal. Mabuti na nga lang at nakapag-isip siya nang tama. Mabuti na lang talaga.