Kalalabas lang ni Sally mula sa ospital matapos siyang ma-diagnose sa kaniyang sakit sa buto. Kasama niya ang abogado niya habang lulan sila ng taxi papauwi. Ito kasi ang sumundo at nag-discharge sa kaniya sa ospital.
Isang napakasipag na babae ni Sally. Nagtatrabaho siya noon bilang masahista sa isang massage center, at doon niya nakilala ang asawang si Jacob. Dahil sabik sa pagmamahal ay mabilis siyang nahulog sa matatamis na salita at mga pambobola nito kaya naman naging padalos-dalos ang desisyon niyang makisama na rito sa iisang bubong. Noong una ay ayos naman silang mag-asawa. Pinakasalan siya nito at kalaunaʼy ipinagbuntis niya ang isang batang babae.
Isang taong gulang na ang kaniyang anak nang mag-umpisang magbago ang pakikitungo sa kaniya ni Jacob. Palagi na lang mainit ang ulo nito sa tuwing uuwi ng bahay. Palaging sumisigaw. Sa tuwing mangangalabit ito sa gabi ay hindi siya puwedeng humindi. Pinupwersa siya ng asawa, hanggang sa ikalawang pagkakataon ngaʼy nabuntis siyang muli.
Kalagitnaan ng panahon ng kaniyang pagbubuntis nang makaranas siya ng pananakit mula kay Jacob. Mula sa simpleng pamamatok, hanggang sa mauwi iyon sa labis na pamimisikal na.
Naririyang sinuntok siya nito, sinipa, tinabig nang walang pakundangan kahit buntis siya! Sobra-sobrang paghihirap ang naranasan niya sa asawa.
Bago pa man may masamang mangyari sa kaniya at sa kaniyang mga anak ay nagdesisyon na siyang iwan at hiwalayan na si Jacob. Siyempre, nagalit ito, ngunit wala itong magagawa… wala pa, nang mga panahong iyon.
Hanggang sa hindi inaasahang pangyayari ang muling sumubok kay Sally…
Unti-unting nanghina si Sally dahil sa pagkakasakit niya sa buto. Ulilang lubos na siya kaya wala man lang siyang maasahang tutulong sa kaniya. Halos ikaubos ng buhay niya ang pinagdaanang karamdaman. Ilang buwan ding naratay ang babae sa ospital na agad namang kinuha ni Jacob, bilang pagkakataon, na ilayo ang kanilang mga anak sa kaniya!
Nang mga panahong iyon ay nanganib na ang buhay niya ngunit tiniis niya ang lahat. Ginawa niya ang lahat upang gumaling siya. Upang makasama ang kaniyang mga anak. Naging napakatatag ni Sally, kahit pa ang tangi niya lamang kinakapitan noon ay ang kaniyang mga dasal at ang kagustuhang makasama ang kaniyang nga supling na pilit na inilalayo sa kaniya.
“Attorney, tulungan nʼyo ako!” naaalala niyang pakiusap niya noon sa nilapitan niyang abogado. Ginamit na niya ang lahat ng kaniyang naipon upang may maipangbayad dito. Maging ang kaniyang maliit na negosyoʼy nagawa niya ring isakripisyo.
Sa kalagitnaan ng pagdinig ng kaso upang makuha ang kostodiya ng kanilang mga anak ay ginamit ng panig ni Jacob ang kaniyang karamdaman laban sa kaniya!
“Paano mo aalagaan ang inyong anak, kung may sakit ka? Paano mo sila bibihisan, kakargahin, paliliguan o ipagluluto man lang kung ni hindi ka kayang itayo ng sarili mong mga paa? Paano ka magiging mabuting ina?” ang masasakit na tanong ng abogado nina Jacob.
Natigilan si Sally. Kahit napapaluha ay tinatagan niya ang kaniyang loob.
“Kaya ko!” sagot niya. Itinaas niya ang kaniyang noo. Paninindigan niya ito, para sa mga anak niya.
“Hindi mo kaya, Sally!” giit naman ng abogado.
“Hindi ikaw ang may karapatang magsabi sa akin niyan. May doktor ako. Siya lang ang may karapatang maghayag kung ano ang kaya at hindi ko kayang gawin. I have my medical records. I can prove to you that I did my best to recover from my sickness. Magaling na ako ngayon at kakayanin kong alagaan ang mga anak ko!” sagot naman niya.
Matapos ang pagdinig ay muling naghintay si Sally na puno ng kaba. Malakas daw kasi ang laban ng panig ng kaniyang abusadong asawa.
Ngunit hindi nawalan ng pananalig si Sally. Naniniwala siyang may awa ang Diyos…
“Mama, na-miss ka namin!”
“Mama, makakasama ka na po ba namin ni Baby?”
Halos hindi makapagsalita si Sally nang kausapin siya ng kaniyang anak. Masakit na ang kaniyang lalamunan dahil sa bikig na animo bumabara doon.
Umiiyak si Sally… umiiyak siya dahil sa tuwa! Dininig ng Diyos ang kaniyang panalangin, nanalo siya sa kaso!
“Oo, anak, oo!” lumuhod siya upang pumantay sa mukha ng anak na nooʼy tatlong taong gulang na. “Si mama na ang mag-aalaga sa inyo ni Baby, simula ngayon.”
“Yehey!” Bakas ang tuwa sa mukha ng kaniyang anak.
Nang mga sandaling iyon ay wala siyang ibang gustong gawin kundi ang yakapin ang mga ito. Isang malaking tuwa para sa mabuting inang si Sally na kahit kailan ay hindi na mawawalay sa kaniya ang mga anak na labis niyang minamahal.