Ikakasal na ang Mag-nobyo Kaya Naisipan ng Lalaki na Mag-abroad Para Makapag-ipon Ngunit Hindi Niya Inaasahang Magagawa Ito ng Nobya Habang Siya’y Wala
Apat na taon nang magkarelasyon si Ed at Justine kaya naman noong inalok ng binata ng kasal ang kanyang nobya ay tuwang-tuwa ang kanilang mga kaibigan at pamilya.
Ngunit parehas silang galing sa pamilyang hindi mayaman kaya naman kailangan talaga nilang mag-ipon para sa kanilang kasal.
Paulit-ulit na sinasabi ng dalaga na ayos lang naman sa kanya kahit sa huwes na lang sila magpakasal. Pero para kay Ed, gusto niyang bigyan ng magandang kasal ang nobya dahil isang beses lang siyang ikakasal sa kanyang buong buhay.
Parehas silang may maayos na trabaho ngunit kulang pa rin ang magiging pampakasal nila kung magiipon sila galing sa sweldo nila parehas.
Kaya naman, nagpasya si Ed na mag-abroad muna ng dalawang taon para kahit papaano ay mapabilis ang pag-iipon nila. Plano na rin kasi nila ang bumili ng bahay para pagkatapos ng kasal ay makabukod kaagad sila.
“Basta mangako ka na mag-iingat ka doon ha? At lagi mong tatandaan na naghihintay ako rito, kaya wag mo akong ipagpapalit,” sambit ni Justine bago niya ihatid sa airport ang kanyang nobyo.
“Ano ka ba babe, pakakasalan na nga kita, ipagpapalit pa kita. Hintayin mo ako ha?” sagot naman ni Ed.
Parehas nilang pinipigilan ang umiyak dahil nangako silang dalawa na magpapakatatag para sa isa’t isa.
Noong mga unang buwan ng pagiging LDR ng dalawa ay naging ayos naman ito dahil araw-araw silang nakakapag-usap sa Skype. Malaking tulong ang teknolohiya para sa kanilang dalawa dahil kung minsan na sila’y may hindi pagkakaintindihan ay napapagusapan nila agad ito.
Ngunit dumating sa puntong naging busy si Justine sa kanyang trabaho. Sinabi niya sa kanyang nobyo na nadagdagan ang kanyang mga trabaho ngunit kaakibat naman nito ang pagdagdag rin ng kanyang sweldo. Kaya naman, suportado siya ng kanyang nobyo kahit hindi na sila araw-araw na nakakapagusap.
Tuwing oras ng kanilang paguusap ay nasa trabaho pa rin si Justine, kaya’t kung madalas ay nag-iiwan na lang ng mensahe ang kanyang nobyo at makikita na lang niya ito kapag siya’y nakauwi na.
Tanggap naman nila ang kanilang sitwasyon dahil para sa kanila, ilang buwan na lamang naman ng pagtitiis at uuwi na rin si Ed.
Ngunit isang araw, nakatanggap ng mensahe sa Facebook si Ed galing sa hindi niya kakilalang tao. Binuksan niya ang mensahe at nanlambot nang makita ang litrato ng kanyang nobya na may kasamang ibang lalaki habang sila ay kumakain sa isang restawran.
Ngiting-ngiti ang kanyang nobya maging ang lalaking kasama niya.
Noong gabi ring yon ay kinompronta agad ni Ed ang nobya tungkol sa natanggap niyang trabaho.
“Babe, sino yung kasama mo sa picture?” mahinahong tanong ni Ed.
“Sino ang nagpadala sa iyo niyan?” nagtatakang tanong ng dalaga.
“Sagutin mo muna ang tanong ko, pwede??” ani Ed.
“Babe, kaopisina ko yan. Si Charles. Saka ano ka ba, bakla yan. Siya ang palagi kong kasama sa trabaho,” sagot naman agad ni Justine.
“Ganun ba…” ang tanging nasagot ni Ed.
“Hindi ka ba naniniwala sa akin??” sagot ni Justine na halatang nagpipigil ng inis.
“Babe naniniwala ako sa’yo. Mahal kita eh. Kung sinasabi mo na baklang kaibigan mo lang siya, naniniwala ako,” nakangiting sagot ni Ed.
Mula noon ay kinalimutan na rin niya ang paguusap nila tungkol sa isyu na iyon.
Makalipas ang ilang buwan ay nakaisang taon na si Ed sa ibang bansa. Naisip niyang sorpresahin ang nobya at biglang magbakasyon sa Pilipinas.
Maging ang kanyang pamilya at kaibigan ay walang alam sa kanyang plano.
Sa araw ng kanyang pag-uwi, una niyang sinorpresa ang kanyang pamilya at pinakiusapan niya ang mga ito na huwag sasabihin kay Justine na siya’y nakauwi na.
Matapos noon ay dumeretso siya sa opisina ni Justine. Sinakto ni Ed ang oras para siya mismo ang susundo sa nobya.
Nakatayo siya sa tapat ng opisina ni Justine sa kabilang kalsada at nagtatago sa likod ng mga puno. Mayroon siyang dalang mga rosas para sa nobya.
Ilang minuto lang ang lumipas at nakita na niyang naglalakad palabas ng opisina si Justine. Naglakad na rin siya papalapit sa nobya nang biglang nakita ang isang lalaking papalapit rin sa kanyang nobya.
Hinalikan ang lalaking ito ang noo ni Justine at umangkas na ang dalaga sa likod ng motor nito.
Hindi nakagalaw si Ed sa kanyang kinatatayuan at para bang namutla ang binata sa kanyang nakita.
Dumeretso ang binata sa bahay ng kanyang nobya at doon siya’y hinintay. Matapos ang ilan pang minuto ng paghihintay ay dumating na sa wakas si Justine.
Nanlaki ang mata ni Justine nang makita ang kanyang nobyo.
“Ed???” gulat na gulat niyang tanong.
“Wag kang mag-alala, dumaan lang ako rito para ibigay sa iyo tong bulaklak at mga pasalubong ko sa ‘yo. Aalis na rin ako,” sabi ni Ed.
“Ha?? Ano’ng aalis eh kadadating mo lang? Saka paano ka nakauwi? Bakit ka nakauwi? Bakit hindi mo sinabi sa akin? Kanina ka pa ba nandito?” sunod na sunod na tanong ng kinakabahan nang dalaga.
“Oo, Justine. Kanina pa ako nandito. Gusto sana kitang sorpresahin kasi kaya’t nag bakasyon muna ako dito. Galing ako sa opisina mo kanina at nakita kong sumama ka sa lalaki na sinabi mong bakla na katrabaho mo lang noon. Mabuti na lang din at nalaman ko ang tungkol dito habang maaga,” sagot ng naiiyak na binata at dumeretso agad siya palabas ng bahay ng dalaga.
“Saglit lang Ed,” pag-awat ng dalaga.
“Please, hayaan mo akong mag-explain.”
Inamin ng dalaga na matagal na silang may relasyon noong lalaki na iyon. Nagawa lamang niya daw ito sa sobrang lungkot mula nang nangibang bansa ang nobyo.
“Justine! Ginawa ko ang lahat ng iyon para sa ating dalawa. Tingin mo ba hindi ako nahihirapan na hindi kita nakakasama? Pero tama na. Hindi na natin maaayos ‘to. Baka nga hindi mo ako ganoon kamahal. Dahil kung talagang mahal mo ako, hihintayin mo ako,” sambit ng binata bago siya tuluyang umalis.
Pinilit pang makipagusap at makipagayos ng dalaga ngunit labis na nasaktan si Ed kaya’t tinapos na niya ang kanilang relasyon. Bumalik na lang rin siya sa ibang bansa para magtrabaho at makalimot.
Dalawang buwan lamang ang nakalipas at nakakuha siya ng tawag galing kay Justine. Nakikipagbalikan ang dalaga sa kanyang dating nobyo. Ngunit hindi na rin pumayag ang binata dahil nalaman niyang niloko pala si Justine ng lalaking naging nobyo niya kaya’t nakikipagbalikan siya ngayon kay Ed.
Labis ang pagsisisi ni Justine sa kanyang nagawa ngunit kahit anong pagsisisi pa ang kanyang gawin, wala nang pag-asa na magkaayos pa sila ni Ed.