Inday TrendingInday Trending
Nabuntis ang Dalaga ng Maaga Ngunit Hindi Pa Rin Niya Inaasahan na Masasabi at Magagawa Ito ng mga Magulang Niya

Nabuntis ang Dalaga ng Maaga Ngunit Hindi Pa Rin Niya Inaasahan na Masasabi at Magagawa Ito ng mga Magulang Niya

Pagkatapos mag-aral ni Elaine ng elementarya, nabigyan siya at ang kanyang nanay ng oportunidad na sumunod sa kanyang ama na nagtratrabaho sa ibang bansa.

Agad na nag-ayos ng mga dokumento ang mag-ina dahil magiging maganda ang kanilang buhay sa Amerika lalo pa’t sila’y magkakasama.

Wala pang isang taon ay nakasama kaagad nila ang kanyang tatay sa ibang bansa. Hindi naging madali ang kanilang buhay dito tulad ng kanilang inaasahan pero dahil magkakasama sila ay nagiging madali na rin ito kung minsan.

Doon na rin nag-aral ng high school si Elaine. Noong una ay nahirapan siyang makisalamuha sa ibang lahi, pero meron din naman siyang kasamang mga kaklaseng pinoy rin.

Sa paaralan niya nakilala si Paul – isang pinoy na doon na rin lumaki sa Amerika. Ang kanilang pagkakaibigan ay lumalim dahil palagi silang magkasama, at sila’y naging mag-nobyo.

Parehas silang nasa huling taon na ng high school noon nang sila’y naging magkarelasyon.

Alam naman ng parehas nilang magulang ang kanilang relasyon ngunit paulit-ulit na lamang silang pinaalalahanan na unahin ang pag-aaral at ‘wag munang magseryoso.

Ngunit isang araw, nagtataka si Elaine dahil hindi pa siya nadadatnan ng buwanang dalaw. Agad niya itong ibinalita sa kanyang nobyo sa sobrang takot.

“Babe, hindi pa rin ako nagkakaroon!” sambit ng naiiyak na si Elaine.

“Mag-PT ka kaagad, kailangang malaman natin kung anong gagawin,” sagot ni Paul.

Agad-agad na bumili ang dalaga ng PT at gaya nga ng kanilang kinatatakot – buntis si Elaine.

“Ano na ang gagawin natin?” tanong ng dalaga sa nobyo.

“I don’t know. Malapit na tayong mag-graduate tapos biglang ganito,” natutulalang sagot ni Paul.

“Naiisip mo bang ipalaglag natin?” nanginginig na sabi ni Elaine.

“No! Kahit anong mangyari, anak natin yan. At buhay yan, hindi natin pwedeng gawin ‘yon!” mabilis na sagot ni Paul.

Nagkatinginan ang mag-nobyo at nag-aalala ng sobra kung ano’ng dapat nilang gawin.

“Paano natin sasabihin sa mga magulang natin ito?” sambit bigla ni Elaine.

“Handa akong sumama sa’yo para sabihin natin ng sabay sa magulang mo,” sagot naman ni Paul.

“Salamat, babe. Kinakabahan ako pero tingin ko naman matatanggap pa rin nila ako,” sagot ni Elaine.

Agad silang dumeretso sa bahay nila Elaine at doon hinintay ang kanyang mga magulang hanggang sa sila’y parehas na makauwi galing sa trabaho.

“Oh, Paul, nandito ka pala. Kumusta ka?” tanong ng nanay ng dalaga.

“Ayos lang po ako tita,” sagot naman ng binata na hindi halos makatingin sa nanay ni Elaine.

“Ma, pa, kung okay lang sana ay gusto ko po kayong kausapin,” sagot ni Elaine na halatang kinakabahan.

“Anong meron, anak?” sambit ng kanyang tatay.

At walang paligoy-ligoy na sinabi ng dalaga na siya’y buntis. Sinegundahan agad ito ni Paul at sinabing papanagutan niya ang kanyang mag-ina.

“Alam niyo ba ang sinasabi niyo Elaine at Paul ha??? Paano niya papanagutan eh nag-aaral pa lang kayo?!” sigaw ng tatay ng dalaga.

“Hihingi po muna ako ng tulong sa mga magulang ko hanggang sa maka-graduate ako. At pagkatapos po noon, maghahanap kaagad ako ng trabaho para maibigay ko ang lahat ng gastusin ng mag-ina ko,” sagot ni Paul.

“Hindi mo magagawa yun, hijo. Akala niyo ba laru-laro lang ‘to? Mahirap ang magpalaki ng anak!” sambit din ng galit na galit na nanay ng dalaga.

“Ma, pa, patawarin niyo po kami. Pero nangangako po kami na magtatapos ng pag-aaral at magtatrabaho pagkatapos,” sagot ng dalaga.

“Tingin mo gagawin ko yun Elaine??” sagot ng kanyang tatay.

Sa Amerika, legal ang aborsyon sa ilang mga lalawigan, kaya naman iyon agad ang suhestiyon ng tatay ni Elaine. Ayon pa sa kanya, kung pipiliin ni Elaine ang ipagpatuloy ang kanyang pagbubuntis, pauuwiin siya ng Pilipinas para tuluyan silang magkahiwalay ni Paul. Pero kung ipapalaglag niya ang bata ay patuloy pa rin siyang mag-aaral.

Hindi maintindihan ni Elaine kung bakit ganoon ang sinabi sa kanya ng kanyang tatay at kung bakit sa kanyang mga magulang pa nanggaling ang ideya ng pagpapalaglag.

Hindi nagustuhan ni Elaine at Paul ang sinabi ng mga magulang ng dalaga kaya’t nagpunta sila sa mga magulang ni Paul.

Hindi tulad ng mga magulang ng dalaga, mas maayos kausap ang magulang ni Paul.

Hindi rin naman sila nakaligtas sa labis na sermon ng mga magulang ng binata, ngunit handa pa rin silang tumulong.

Napagkasunduan nila na tutulong sila sa mga gastusin ng dalawa sa pagbubuntis at sa panganganak. Pag-aaralin pa rin nila ang kanilang anak hanggang sa makatapos ito para kapag siya’y naghanap ng trabaho ay hindi siya mahihirapan. Pumayag rin ang mga magulang ni Paul na kung walang matutuluyan si Elaine ay maaari siyang makitira sa kanila.

At ganoon na nga ang nangyari, pinalayas si Elaine ng kanyang mga magulang dahil pinili niyang ituloy pa rin ang kanyang pag bubuntis.

Isang taon ang nakalipas at laking gulat ng dalaga na kumakatok ang kanyang mga magulang sa bahay nila Paul.

Agad niya itong binuksan, “Ma, pa? Ano po’ng ginagawa niyo rito?”

“Anak!” sambit ng kanyang ina sabay na niyakap siya ng napakahigpit.

Pinapasok niya ang kanyang mga magulang at doon sila’y nagusap. Humingi ng kapatawaran ang kanyang mga magulang dahil sa huli nilang paguusap, isang taon na ang nakalipas. Mahal pa rin ni Elaine ang kanyang mga magulang kaya’t pinatawad niya ang mga ito.

Mula noon, bumawi ang mga magulang ng dalaga sa lahat ng kanilang pagkukulang lalo na sa kanilang apo.

Advertisement